17 Mar 2016

Sino Si Jabidah?

Habang nasa loob ako ng pampasaherong sasakyan sa Cotabato City, may dalawang babae na nasa edad mahigit kwarenta na nag-uusap tungkol sa 18 March bilang isang holiday.

Sabin g isa sa kanila na ang holiday ay bilang Bangsamoro Day subalit wala na siyang alam na ibang detalye tungkol sa mahalagang araw. Tahimik lang akong nakikinig subalit lumipad na ang aking diwa at inalala ang kahalagahan ng 18 March.

Kahit na noong batang musmos pa ako ay lagi ko na lamang naririnig ang tungkol sa Jabidah. Naging bukambibig na ng marami kahit na sa panahong ito ang salitang Jabidah lalo na sa mga tribu ng mga Muslim sa Pilipinas at hindi malilimot ng mga mahilig sa kasaysayan.

Ang kamusmusan ko’y inakit na rin ng pagnanasang malaman kung sino nga ba si Jabidah.  Naging palaisipan tuloy sa akin kung ano nga ba ang nasa likod ng pangalang kakaiba.

Noong 2003, nakatanggap ako ng isang aklat tungkol sa mahaba at armadong pakikibaka sa Mindanao. Naging interesado ako sa laman ng aklat na bumalik tanaw sa Jabidah Massacre na nangyari sa isla ng Corregidor noong 18 March 1968.

Ang isla ay nasa bunganga ng Manila Bay na naging mahalaga sa kasaysayan ng Pilipinas. Ito ay naging isang kampo ng mga magdirigmang Pilipino laban sa mga banyagang mananakop mula sa panahon ng Espanya noong 15 Century hanggang sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig at pananakop ng Hapon noong Dekada 40.

Ang isla ay naging saksi sa mga madugong kabanata ng kasaysayan sa buong kapuluan lalo na sa pakikipaglaban ng mga Pilipino sa mga mananakop.

Naging piping saksi rin ang isla sa kamatayan ng mga noon ay kabataang miyembro ng tribung
Tausug at Sama mula sa mga Isla ng Sulu at Tawi-Tawi. Ang malagim na pagpataw sa mga kabataang ito ay tinawag na Jabidah Massarce.

Ang sundalong grupo na naghikayat sa mga kabataa mula sa Mindanao ay tinawag na Jabidah, isang pangalan ng babae sa mga kwento at epiko ng mga Muslim.

Kung hindi sa nag-iisang nabuhay sa masaker ay mananatiling kubli sa kasaysayan ang pangyayari. Ang namumukod tanging nabuhay ay si Jibin Arula na 27 anyos sa panahong iyon. Bagama’t sugatan, buong tapang niyang nilangoy ang Manila Bay sa tulong ng isang pirasong kahoy na palutang-lutang sa dagat.

Siya ay inanod ng alon sa dalampasigan ng Cavite at doon siya tinulungan ng mga nagmalasakit. Si Jibin ay namatay noong 2010 dahil sa isang sakuna sa sasakyan sa Trece Martires, Cavite.

Kahit sa panahong ito, hindi pa mapag-alaman ang eksaktong bilang ng mga kabataang hinikayat na magsanay sa Corregidor at namatay sa Jabidah Massacre. Ang mga manunulat ay nagsasabing mula 28 haggang 68 ang namatay sa nasabing pangyayari (may mga nagsasabi na hanggang 200).

Ayon sa mga salaysay at pahina ng kasaysayan, ang ma kabataan ay hinikayat na sumali sa pagsasanay bilang mga kawal ng bansa. Napag-alaman nila na kaya sila sinasanay ay upang angkinin ang Sabah. Ang programang ito ng pamahalaan ay tinatawag na Operation Merdeka (Operation Freedom) sa ilalim ng Rehimeng Marcos.

Hindi umano sang-ayon ang mga kabataang mula sa Sulu at Tawi-Tawi na lumaban sa Sabah dahil kapwa nila Muslim ang makakalaban lalo na’t may posibleng makakalaban nila ang kapwa Tausug at Sama na nakatira sa Sabah.

Ang ipinangakong P50.00 na buwanang sahod para sa kanila ay hindi umano natupad. Dahil sa mga kadahilanang ito ay humiling sila na ibalik na lang sila sa Mindanao subalit hindi sila pinayagan.

Dahil sa pagkadiskobre nila sa motibo kung bakit sila sinasanay bilang mga kawal at sa naging sitwasyon nila sa Corregidor ay nagresulta ito sa madugong pangyayari. Silang lahat ay hindi na nakabalik sa Mindanao maliban kay Jibin.

Nang mapadpad sa mga isla ng Sulu at Tawi-Tawi ang masamang balita ay binalot ng pagdadalamhati ang mga isla at kanilang pamilya. Hindi na natupad ang pangarap nilang makatulong sa hikahos nilang pamilya.

Pinaniniwalaan na ang pagsibol ng grupong
Moro National Liberation Front (MNLF) na pinamunuan ni Nur Misuari ay insiprado ng Jabidah Massacre at ang pagdiriwang ng kanilang araw ng pagkatatag ay sa 18 March.

Ang MNLF ay naging sandigan ng armadong pakikibaka ng mga Muslim sa Mindanao noong Dekada 70 at 80 na naging tulay sa paglikha ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) at pagladga ng 1996 Peace Agreement ng Pamahalaan ng Pilipinas at Pamunuan ng MNLF.


Ang 18 March ay isang holiday sa maraming lugar sa Mindanao bilang Bangsamoro Day, pag-alala sa Jabidah Massacre at MNLF Foundation Day.

Mula sa aking kamusmusan, nasaksihan ko na ang digmaan at ang dulot nitong kahirapan at pagdurusa sa mga lugar sa Mindanao.  Hanggang sa kasalukuyan ay patuloy pa rin ang pangarap ng marami na matuldukan na ang kaguluhan sa Mindanao.

No comments:

Post a Comment