7 Jun 2015

Ako ay Hatulan

Mahigit sampung taon na ang lumipas, nang makapagtapos ako ng kurso sa pagtuturo sa sekondarya. Nabigyan ng mataas na karangalan, nakapasa sa board exam at nakapasok agad sa sa paaralan kung saan ako nakapagtapos at nagturo sa seknodarya ng isang taon.

Dahil sa walang bakanteng “item” kung tawagin, hindi ako nagtagal. Kabilang ako sa anim na casual teachers sa paaralan na may sahod na PhP3,000 kada buwan, sapat lang sa pamasahe at pantawid gutom. 

Nilisan ko ang probinsya at nagtungo ng siyudad sa pagbabakasakaling mas mataas ang pag-asang makapasok ako bilang guro na may “item”.

Wala akong bitbit sa aking paglalakbay maliban sa kagustuhan kong makapagturo at maging ganap na kawani ng Tanggapan ng Karunungan. Mataas ang labanan para maging regular teacher ka sa Department of Education.

Taong 2001, kabilang ako sa pumila sa screening ng maraming guro. Nakipagtagisan ng galing at talino sa marami. Pagkatapos ng mahabang pila at proseso, nilabas na ang listahan ng mga pumasok sa ranking. Ang cut off score ay 70.

Para akong idinuyan sa alapaap nang malaman ko na ako ang nanguna sa ranking na may puntos na 83. Ang mga palakpakan at papuri ng mga kasamahan ko ay musika sa aking pandinig.

Ang melodyang umaliw sa akin ay napalitan ng isang nakabibinging katotohanan. Nag-iba ang ihip ng hangin. Maraming aplikante ang hindi makapaniwala. Nabalitaan na lamang namin na puno na ang bakanteng “item”. Kaming dumaan sa masusing pagsisiyasat ay hindi nabigyan ng pansin.

Nalaman ko na walang napili sa amin na pumasok sa ranking. Nabalitaan ko rin na ang nakapasok ay mga mapapalad na rekomendado ng mga kilalang pangalan. Hindi naging patas ang laman. May lamangang nangyari.

Hindi sapat ang galing, talino at kakayahan. Mas magaling ang pamamaraan ng iba. Hindi sila napagod. Hindi sila nagtiis sa mahabang pila pero sila ang mas mapalad.

Sa isang programa sa DZRH, tinalakay ang mga isyu sa Kagawaran ng Edukasyon. Kabilang sa napag-usapan ay ang kakulangan ng mga guro at tuwid na pamamahala ng sitema. Hindi ako nakatiis. Tumawag ako at ipinaalam na hindi kailan man nagkulang ng guro. Ang kulang ay magandang sistema at tamang pamamalakad. Sinabi ko ang aking karanasan.

Pinayuhan ako ng panauhin na isang mataas na namumuno sa Kagawaran na magsampa ng pormal na reklamo. Hindi pa uso ang social media noon na maaari kang makahanap ng mga kasama sa pakikibaka. Tinimbang ko ang sitwasyon. Isa lamang akong maliit na tuldok sa dambuhalang bulok na sistema. Kapag umangal ka ay pader ang babanggain mo. Baka sa kangkungan ka pa pulutin.

Kinulang ako ng tapang. Dinaig ako ng aking takot. Saan ako magrereklamo? Sino ang papanig sa akin? Naging malabo ang daan para makamit ang katarungan. Hindi na ako nagreklamo. Hinayaan ko ang pagkakataon na gumulong at ipaubaya sa tadhana ang pagwawasto sa mapang-aping sistema.

Hindi ako sumuko. Bitbit ang aking papeles at kagustuhan magturo. Dahil sarado na ang pintuan sa mga government schools, sa private colleges naman ako sumubok. Madali ang sistema kung kakayanin mo ang pagsubok.

Mababang sahod at mahabang oras ng trabaho. Hindi ako nagtagal. Isang pagmamalabis ang ginagawa ng mga may-ari ng private institutions. Bukod sa mababang sahod at mahabang oras, walang kontribusyon sa SSS, Pag-ibg o Philhealth.

Mukhang hindi ako sinang-ayunan ng panahon sa aking pangarap. Nag-iba ako ng landasin. Nilisan ang apat na sulok ng paaralan.

Noon pa man ay may kirot sa puso ko kapag nakikita ko ang mga sinasalanta ng kalamidad. Maalala ko noon, isang taon bago ako magtapos sa kolehiyo, sinabi ko sa sarili ko na gusto kong tumulong sa mga sinasalanta ng kalamidad. Laganap noon ang kaguluhan sa Central Mindanao dahil sa “all-out-war” campaign ng pamahalaan at laman ng balita ang mga bakwit.

Inanod ako ng kapalaran at napadpad ako sa mundo ng NGO work. Mahirap ang trabaho bukod sa mapanganib. Tiniis ko ang hirap, hinarap ang panganib. Natutunan ko ang trabaho hanggang sa nagpasya akong ganap nang talikuran ang pangarap na makapagturo sa paalaran. Itinigil ko na rin ang aking kursong Master in Educational Management at pinaburan ang humanitarian work.

Maraming mukha ng kalamidad ang nakaharap ko. Baha, bagyo, landslide, digmaan, disease outbreak, malawakang kagutuman, atbpa. Maraming panganib ang sinuong ko. Napadpad na rin ako sa maraming lugar at bansa. Napamahal na sa akin ang community work.

Madalas akong lumingon sa kahapon. Dati akong guro. Ang pangarap kong makapagturo ay iginupo ng maruming sistema. Ang aking PRC license ay buo pa rin. Kapag dumating ang panahon na malapit na ang expiry date ay bumabalik pa rin ako sa PRC para mag-renew.


Bagama’t nilisan ko nga ang apat na sulok ng paaralan, guro pa rin ako at mananatiling guro habang panahon. Hindi na ako nagtuturo sa maliit na silid. Natagpuan ko na ang sarili sa Pinakamalaking Silid sa Mundo: Ang Komunidad.

Dati akong guro, mananatiling guro!

No comments:

Post a Comment