7 Feb 2016

Buhay sa Labas: Kaldero

Araw ng Linggo sa Kathmandu, walang pasok sa trabaho. Pagkatapos umpisahan ang isang technical document na kailangang tapusin sa araw na ito, lumabas ako para makipagkita sa isang dating kasamahan at makapamalengke na rin.

Habang namamalengke ay wala akong listahan. Bibilhin na lang kung ano ang kailangan at maaaring maisip. Una sa listahan ay pagkain lalo na at kahapon ay nakapamili na rin ako ng ibang gamit nang samahan ang isang kasama sa trabaho na mamalengke bago bumalik sa field office.

Nasa Kathmandu ako dahil may field office din kami dito kasama sa dalawang field bases na sinusuportahan ko. Kapag nasa Kathmandu ay nakakapasyal ako at nakakabili ng halos lahat ng kailangan ko maliban sa rubbing alcohol na hindi available sa supermarket (masubukan nga sa pharmacy, lagi na lang nakakalimutan).

Sa Bath Batheni, Kalanki ako namimili, ang pinakamalaking shopping mall sa buong Nepal pero walang binatbat kung malls sa Pilipinas ang pag-uusapan. Ito ay singlaki lamang ng Ice Skating Rink ng MOA sa Pasay pero ito na ang pinakamalaki.

Habang nakapila para magbayad, kinabahan ako dahil mukhang hindi sapat ang perang nadala ko maski na tinantiya ko rin na konti lang ang bibilhin.

Bawat piraso ng pinamili ko ay siya kong tutok sa monitor. Tuwang-tuwa ako at hindi ako napahiya sa pila dahil may natirang NR60.00 (Nepali Rupees) sa akin.

Gusto ko sanang sumakay ng taxi dahil dalawang bags ang nabili ko at alam kong mahirap maglakad ng mahigit 30 minuto pabalik pero mga NR500 ang kailangan. Nagtiis akong maglakad at ang NR60 ay pakaiingatan ko bilang pambayad kung sakaling may maaapakan akong kamatis.

Medyo nangalay na ang kanang kamay ko sa pagbitbit ng isang bag habang naglalakd nang biglang tumahol ang aso sa tapat ko. Dahil takot ako sa aso (simula pa ng bata pa ako) ay nagitla ako at kinabahan. Baka hahabulin o kakagatin ako. Mabuti na lang at ang lalaking kasalubong ko na may kargang sako ang tinatahulan ng aso. Napangiti na lang ako.

Pagkalipas ng mahigit 30 minuto ay nakabalik na rin ako sa tinutuluyan naming pansamantala na hotel. Dahil roving ang role ko ay nasa hotel lang muna ako. Kung sa hotel lagging kumain ay hindi kasya ang allowance dahil sobrang mahal. Bukod sa 10% na service fee ay may 20% pa na pataw ng tax na kinukuha sa customer. Mabuti pa sa Pilipinas dahil sa kompanya o negosyante binabawas ang tax.

Lagi akong lumalabas at kumakain sa lokal na restaurant para mas tipid at maiba ang menus. Madalas ay hinahanap ko ang pagkaing nakasanayan lalo na at lahat ng restaurant sa Nepal ay gumagamit ng masala at sili.

Sa pagpunta sa supermarket, naisipan kong bumili ng rice cooker para kahit saan mapadpad na may kuryente ay makakapagluto ako at mabawasan ang pagkain sa labas. Sa loob ng dalawang araw ay marami-rami na rin ang napamili ko. Iiwan ko ang ilang gamit at bagahe sa stock room ng hotel kapag bibiyahe na ako sa isa pang field office pero nakakatiyak akong dadalhin ang aking kaldero.

Ang mga nabili ko ang sumusunod:
ü  Rice cooker na siya kong magiging bagong best friend. Mabuti at may nahanap akong pinakamaliit na nakita ko sa tanang buhay ko.
ü  Baonan (isang plastic at isang stainless) bilang plato na rin at lalagyan ng pagkain
ü  Noodles na gawa Nepal na sinasabing “healthy” dahil mula sa “5 Grains” tulad ng wheat, soya, corn, buckwheat at barley.
ü  Pansit na gawa ng Nepal
ü  Tuna at Sardinas na de lata mula ng Thailand
ü  Biscuits bilang emergency food
ü  Toyo na mula sa Thailand
ü  Bigas na mula sa hagdang-hagdang palayan ng Nepal
ü  Honey para pampasigla mula sa bulubundukin ng Nepal
ü  Toiletries at grooming kit para sariwa pa rin tingnan
ü  Gulay, prutas at rekados

Malaki ang pasasalamat ko dahil di hamak na mas maganda ang sitwasyon ko dito sa Nepal kumpara sa nakaraan kong deployments sa ibang bansa.


07 February 2016
Kathmandu, Nepal

No comments:

Post a Comment