Ang balat ay gumuguhit sa panlabas nating anyo.
Hinuhusgahan ng madla madalas ang ating pagkatao sa pamamagitan ng bahaging ito
ng katawan.
Ang kagandahan at kapangitan ng nilalang ay madalas
ipinipinta ng iba sa balat. Ang balat ay kumukupas at nagbabagong anyo sa
paglipas ng panahon.
Hindi kasalanan ng balat o nagmamay-ari ng balat ang nakikita
at hatol ng balana.
Iwaksi ang paningin sa aking balat o panlabas na anyo.
Titigan mo ako ng mabuti sa aking mga mata. Lumapit ka’t tingnan ang nangungusap
na kalooban.
Pagmasdan mo ako sa aking mga mata. Masisilip mo ang
tunay kong damdamin. Ang mga matang ito ay matatag na nalampasan ang mga hamon
ng mundo bagama’t daluyan ng masaganang luha.
Pagmasdan mong mabuti, mababanaag mo ang iyong imahe
sa aking mga mata. Ipinta mo ako sa pamamagitan ng aking mga mata.
Sa aking mga mata nananalantay ang larawan ng mundong
kay ganda. Ang nakikita ng mga mata’y dinaramdam ng puso.
Lumipas man ang kailanman. Ikupas man ng panahon ang
aking balat subalit hindi ang mga mata. Sulyapan mo ang aking mga mata, ang
bintana ng aking pagkatao at kaluluwa.
05 July 2015
Port Loko District
Sierra Leone
05 July 2015
Port Loko District
Sierra Leone
No comments:
Post a Comment