Ayaw ko na sana alalahanin pa
subalit laging nagbabalik sa gunita. Bago pa ito tuluyang ilibing ng tadhana sa
puntod ng paglimot, sasariwain kong muli at ibabahagi sa unang pagkakaraon.
Sa
edad na 16, nahinto ako sa pag-aaral. Katatapos ko lang noon sa high school sa
probinsya sa Central Mindanao. Dahil hindi ako nakapag-aral agad bundod na rin
ng kahirapan, nagpaalam ako sa aking Ina na sumama sa Manila sa isang
kamag-anak na recruiter.
Fast
forward natin dahil mahaba at masalimuot ang susunod na kabanata.
Mahirap
ang buhay Manila lalo na kung walang matinong trabaho. Sa isang squatter area
kami nakatira noon sa Pasay sa Reclamation Area kung saan nakatayo ngayon ang
SM Mall of Asia.
Sumubok
ako mag-apply. Naging assistant ako sa isang music studio sa Taytay, Rizal,
naging sales representative sa Pasay at assistant tutor sa isang nursery home
school sa Pasig. Hindi ako nagtagal nagtagal sa mga trabahong iyon.
Fast
track uli tayo. Kabilang sa di ko malilimutan ay noong mag-apply ako sa
Ihaw-Ihaw, Kalde-kaldero, Bakahan at Manukan sa may Roxas Boulevard, Pasay
City.
Naghahanap
sila ng waiter. Dala ko ang aking papeles at nag-apply. Nagkaroon ng konting
interview. Sinabihan ako na kailangan nila na magaling unawit dahil pinapaawit
din nila ang kanilang crews.
Dahil
gusto kong makapagtrabaho, nagpakapal ako ng mukha. Pinapraktis nila ako kasama
ang kanilang gitarista at mababait na singing waiters and waitresses.
Gusto
kong umurong pero napasubo na ako. Nandoon na ako at nagbabakasakali na makuha
ako. Kailangan ko ang trabaho.
Pagkatapos
ng praktis ay pinaharap na ako sa mga kumakaing kustomer nila. Nahihiya ako
noon lalo pa't tila mayayaman ang mga kustomer.
Kinanta
ko ang "Pagbabalik" ng Asin dahil iyon ang memorize ko. Nakikita ko
ang samu't saring reaksyon ng mga kustomer. May mga nakangiti at may
nagbubulungan. Marahil ay halata nila na nasa audition pa ako dahil iba ang
damit ko sa mga crews at ako lang ang di naka-uniform.
Tiniis
ko ang hiya sa ngalan ng munting pangarap. Nang matapos ang kantahan ay
pinawisan ako. Agad kaming bumalik sa loob sa dressing room ng mga crews.
Para
akong naiipit sa nag-uumpugang maiinit na kaldero at kawali hehe. Naisip ko na
sadyang nakakahiya lalo na at sumunod na kumanta ay pang Tawag ng Tanghalan ang
galing.
Sinabihan
ako ng kanilang lider na magpraktis pa ako at bumalik na lang kung magaling na
ako.
Habang
papalayo ako sa restaurant ay bumabalik sa aking isipin ang mga eksena noong
nasa loob ako. Hindi ko na pinangarap bumalik dahil di rin ako papasa. Di naman
ako mang-aawit kahit mahilig ako sa musika.
Nagsimula
akong muli. Hindi tumigil sa pagbabakasakali at hinanap kung saang sulok
nakakubli ang aking mga pangarap. Inanod ako ng panahon pabalik sa Bayang
Sinilangan.
Fast
forward tayo uli.
Nagpakasakit,
nakibaka, nagpagal at nangarap. Nakatapos ng dalawang kurso, nakapagtrabaho sa
pamahalaan at pribadong sektor.
Hindi
ko inakala na palarin ako at pumabor sa akin ang magandang kapalaran. Ngumiti
sa akin ang tadhana na minsang nagbiro. Nakapagtrabaho sa anim na bansa at
nakarating na sa labing anim na bansa.
Ngayon
ay nasa Nepal ako, isang bansang tinagurian bilang Top of the World. Isa akong
humanitarian aid worker bagamat sumasalang din sa development work.
Balang
araw ay babalik ako sa Pasay at muling papasok sa restaurant sa Roxas Boulevard
hindi para mag-audition kundi para makinig sa himig na minsang umawit sa aking
pangarap.
Salamat
sa pagbabasa. Marami pang yugto na pwede kong sulatin. Sa ngayon, ito muna.
24 January 2016
Gorkha, Western Area
Nepal
Gorkha, Western Area
Nepal
No comments:
Post a Comment