7 Feb 2016

Para sa Aking Nawalang Kaibigan

Maraming taon na ang lumipas pero hindi ko malimot ang mga huling sandali at sitwasyon nang lisanin ko ang dating bayan. Kapwa tayo may pangamba lalo na at inaatake ka ng matinding sakit ng ulo na halos hindi mo maipaliwanag. May hinala ka noon at sa akin mo lang sinabi, baka may matindi kang karamdaman sa utak dahil sa laging pagsumpong ng matinding sakit.

Una tayong nagkakilala sa paaralan noon sa kolehiyo bilang mga baguhan na puno ng pangarap at pag-asa. Pareho tayong anak dalita at hikahos, mga nagsumikap upang mapabilang sa scholars sa school at sa gayon ay mabawasan ang gastusin sa paaralan.

Mas lalo tayong pinaglapit ng tadhana dahil naging kapitbahay pa tayo nang lumisan ako sa dating tinutuluyan kong pamilya. Ang kahirapan sa buhay ang nagbigkis sa atin at nagturo king paano ang mangarap. Nagdadamayan tayo sa bawat dusa at pagluluksa. Nag-uutangan ng pera kapag nagigipit.


Lagi rin akong naliligalig sa tuwing hindi ka nakakapasok at sa tuwing sinasabi mong sinusumpong ka ng matinding sakit ng ulo at gusto mong pukpukin ng martilyo ang ulo mo o ihampas sa mesa. Baka nga tama ang hinala mo na may brain cancer ka (simba ko na hindi).

Wala pang mobile phones noon o social network. Kung may e-mail man ay sa corporate world pa lang. Sa aking paglisan, naiwan kitang nag-iisa bagama’t hindi ko sinadyang lumayo. Naging magulo ang mundo ko dulot ng hidwaang pampamilya.

Laking gulat at tuwa ko isang araw makalipas ang ilang buwan dahil may natanggap akong sulat mula sa iyo at may pinadala ka pang isdang bulad. Sinubukan kong sulatan ka pero mukhang naligaw sa masalimuot na mundo.

Pagkalipas ng mahabang panahon, wala na tayong balita sa isa’t isa. Sa mga pinagtatanungan ko ay hindi ka nila kilala o wala silang balita sa iyo maging sa dati mong inuuwian.

Noong makabalik akong muli sa tahanan ng karunungan, sumali ako sa school publication bilang guest writer. Kabilang sa paborito kong sinulat ay tungkol sa iyo bilang kaibigang nawala sa paningin pero hindi sa gunita.

Nang magkaroon ng Facebook, sinubukan kong hanapin ka pero wala talaga. Maraming beses kong ginawa ang hanapin ka sa online media subalit maging si Google ay hindi ka kilala. Naging palaisipan tuloy sa akin kung ano na ang nangyari. Paano kung may kanser ka nga? Paano mo hinirap ang mundo lalo na at ayaw mong ipaalam sa iba ang sitwasyon mo?

Nawalan na ako ng pag-asa minsan na mahanap ka at pinaniwala ang sarili na sadyang may mga kwentong nagwawakas sa matinding kalungkutan. Iwinaksi ko na sa sarili na makita ka pang muli.

Hindi pa rin ako pinapatahimik ng aking imahinasyon. Nagsasabi ang utak ko na baka buhay ka pa. Kaya noong 07 February 2016 ay naisipan ko muling hanapin ka. Hinanap nga kita sa Facebook at ayaw umayon ang pagkakataon dahil patay sindi ang signal ng internet mula sa banyagang bansa.

Bahagya akong natuwa nang may mga kapangalan kang lumitaw sa Facebook. May dalawang accounts na pinakamalapit sa description mo. Nagbakasakali na isa sa inyo ang totoong ikaw. Nagpadala ako ng mensahe sa isang kapangalan mo.

Sinabi ko sa mensahe na hinahanap ko ang isang kaibigan na matagal kong hindi nakita. Binigay ang ilang detalye tulad ng taon, lugar at pangalan. Walang reply ang aking mensahe. Marahil ay hindi pa bukas ang may-ari ng account.

Tiningnan ko ang mga posts sa wall ng pinaghihinalaan kong ikaw. Mukhang may lukso ng dugo. Mukhang magkakatotoo na muli kang makita. 
Ang mga larawan ay may pagkakahawig sa iyo. Pero, paano kung mali ang lahat? Paano kung wala ka na?

Aabangan ko sa bawat sandali na magkaroon ng kasagutan ang aking mga tanong sa pamamagitan ng may-ari ng Facebook account. Sana nga, makita kang muli pero kung ano man ang hatid ng kapalaran, handa akong malaman ang totoo at nang mabigyan ng tuldok ang nakaraan.


07 February 2016
Kathmandu, Nepal

No comments:

Post a Comment