7 Feb 2016

Para sa Aking Nawalang Kaibigan

Maraming taon na ang lumipas pero hindi ko malimot ang mga huling sandali at sitwasyon nang lisanin ko ang dating bayan. Kapwa tayo may pangamba lalo na at inaatake ka ng matinding sakit ng ulo na halos hindi mo maipaliwanag. May hinala ka noon at sa akin mo lang sinabi, baka may matindi kang karamdaman sa utak dahil sa laging pagsumpong ng matinding sakit.

Una tayong nagkakilala sa paaralan noon sa kolehiyo bilang mga baguhan na puno ng pangarap at pag-asa. Pareho tayong anak dalita at hikahos, mga nagsumikap upang mapabilang sa scholars sa school at sa gayon ay mabawasan ang gastusin sa paaralan.

Mas lalo tayong pinaglapit ng tadhana dahil naging kapitbahay pa tayo nang lumisan ako sa dating tinutuluyan kong pamilya. Ang kahirapan sa buhay ang nagbigkis sa atin at nagturo king paano ang mangarap. Nagdadamayan tayo sa bawat dusa at pagluluksa. Nag-uutangan ng pera kapag nagigipit.


Lagi rin akong naliligalig sa tuwing hindi ka nakakapasok at sa tuwing sinasabi mong sinusumpong ka ng matinding sakit ng ulo at gusto mong pukpukin ng martilyo ang ulo mo o ihampas sa mesa. Baka nga tama ang hinala mo na may brain cancer ka (simba ko na hindi).

Wala pang mobile phones noon o social network. Kung may e-mail man ay sa corporate world pa lang. Sa aking paglisan, naiwan kitang nag-iisa bagama’t hindi ko sinadyang lumayo. Naging magulo ang mundo ko dulot ng hidwaang pampamilya.

Laking gulat at tuwa ko isang araw makalipas ang ilang buwan dahil may natanggap akong sulat mula sa iyo at may pinadala ka pang isdang bulad. Sinubukan kong sulatan ka pero mukhang naligaw sa masalimuot na mundo.

Pagkalipas ng mahabang panahon, wala na tayong balita sa isa’t isa. Sa mga pinagtatanungan ko ay hindi ka nila kilala o wala silang balita sa iyo maging sa dati mong inuuwian.

Noong makabalik akong muli sa tahanan ng karunungan, sumali ako sa school publication bilang guest writer. Kabilang sa paborito kong sinulat ay tungkol sa iyo bilang kaibigang nawala sa paningin pero hindi sa gunita.

Nang magkaroon ng Facebook, sinubukan kong hanapin ka pero wala talaga. Maraming beses kong ginawa ang hanapin ka sa online media subalit maging si Google ay hindi ka kilala. Naging palaisipan tuloy sa akin kung ano na ang nangyari. Paano kung may kanser ka nga? Paano mo hinirap ang mundo lalo na at ayaw mong ipaalam sa iba ang sitwasyon mo?

Nawalan na ako ng pag-asa minsan na mahanap ka at pinaniwala ang sarili na sadyang may mga kwentong nagwawakas sa matinding kalungkutan. Iwinaksi ko na sa sarili na makita ka pang muli.

Hindi pa rin ako pinapatahimik ng aking imahinasyon. Nagsasabi ang utak ko na baka buhay ka pa. Kaya noong 07 February 2016 ay naisipan ko muling hanapin ka. Hinanap nga kita sa Facebook at ayaw umayon ang pagkakataon dahil patay sindi ang signal ng internet mula sa banyagang bansa.

Bahagya akong natuwa nang may mga kapangalan kang lumitaw sa Facebook. May dalawang accounts na pinakamalapit sa description mo. Nagbakasakali na isa sa inyo ang totoong ikaw. Nagpadala ako ng mensahe sa isang kapangalan mo.

Sinabi ko sa mensahe na hinahanap ko ang isang kaibigan na matagal kong hindi nakita. Binigay ang ilang detalye tulad ng taon, lugar at pangalan. Walang reply ang aking mensahe. Marahil ay hindi pa bukas ang may-ari ng account.

Tiningnan ko ang mga posts sa wall ng pinaghihinalaan kong ikaw. Mukhang may lukso ng dugo. Mukhang magkakatotoo na muli kang makita. 
Ang mga larawan ay may pagkakahawig sa iyo. Pero, paano kung mali ang lahat? Paano kung wala ka na?

Aabangan ko sa bawat sandali na magkaroon ng kasagutan ang aking mga tanong sa pamamagitan ng may-ari ng Facebook account. Sana nga, makita kang muli pero kung ano man ang hatid ng kapalaran, handa akong malaman ang totoo at nang mabigyan ng tuldok ang nakaraan.


07 February 2016
Kathmandu, Nepal

Sulyap sa Nakaraan: Pagbabalik

Ayaw ko na sana alalahanin pa subalit laging nagbabalik sa gunita. Bago pa ito tuluyang ilibing ng tadhana sa puntod ng paglimot, sasariwain kong muli at ibabahagi sa unang pagkakaraon.

Sa edad na 16, nahinto ako sa pag-aaral. Katatapos ko lang noon sa high school sa probinsya sa Central Mindanao. Dahil hindi ako nakapag-aral agad bundod na rin ng kahirapan, nagpaalam ako sa aking Ina na sumama sa Manila sa isang kamag-anak na recruiter.

Fast forward natin dahil mahaba at masalimuot ang susunod na kabanata.

Mahirap ang buhay Manila lalo na kung walang matinong trabaho. Sa isang squatter area kami nakatira noon sa Pasay sa Reclamation Area kung saan nakatayo ngayon ang SM Mall of Asia.

Sumubok ako mag-apply. Naging assistant ako sa isang music studio sa Taytay, Rizal, naging sales representative sa Pasay at assistant tutor sa isang nursery home school sa Pasig. Hindi ako nagtagal nagtagal sa mga trabahong iyon.

Fast track uli tayo. Kabilang sa di ko malilimutan ay noong mag-apply ako sa Ihaw-Ihaw, Kalde-kaldero, Bakahan at Manukan sa may Roxas Boulevard, Pasay City.

Naghahanap sila ng waiter. Dala ko ang aking papeles at nag-apply. Nagkaroon ng konting interview. Sinabihan ako na kailangan nila na magaling unawit dahil pinapaawit din nila ang kanilang crews.

Dahil gusto kong makapagtrabaho, nagpakapal ako ng mukha. Pinapraktis nila ako kasama ang kanilang gitarista at mababait na singing waiters and waitresses.

Gusto kong umurong pero napasubo na ako. Nandoon na ako at nagbabakasakali na makuha ako. Kailangan ko ang trabaho.

Pagkatapos ng praktis ay pinaharap na ako sa mga kumakaing kustomer nila. Nahihiya ako noon lalo pa't tila mayayaman ang mga kustomer.

Kinanta ko ang "Pagbabalik" ng Asin dahil iyon ang memorize ko. Nakikita ko ang samu't saring reaksyon ng mga kustomer. May mga nakangiti at may nagbubulungan. Marahil ay halata nila na nasa audition pa ako dahil iba ang damit ko sa mga crews at ako lang ang di naka-uniform.

Tiniis ko ang hiya sa ngalan ng munting pangarap. Nang matapos ang kantahan ay pinawisan ako. Agad kaming bumalik sa loob sa dressing room ng mga crews.

Para akong naiipit sa nag-uumpugang maiinit na kaldero at kawali hehe. Naisip ko na sadyang nakakahiya lalo na at sumunod na kumanta ay pang Tawag ng Tanghalan ang galing.

Sinabihan ako ng kanilang lider na magpraktis pa ako at bumalik na lang kung magaling na ako.
Habang papalayo ako sa restaurant ay bumabalik sa aking isipin ang mga eksena noong nasa loob ako. Hindi ko na pinangarap bumalik dahil di rin ako papasa. Di naman ako mang-aawit kahit mahilig ako sa musika.

Nagsimula akong muli. Hindi tumigil sa pagbabakasakali at hinanap kung saang sulok nakakubli ang aking mga pangarap. Inanod ako ng panahon pabalik sa Bayang Sinilangan.

Fast forward tayo uli.

Nagpakasakit, nakibaka, nagpagal at nangarap. Nakatapos ng dalawang kurso, nakapagtrabaho sa pamahalaan at pribadong sektor.

Hindi ko inakala na palarin ako at pumabor sa akin ang magandang kapalaran. Ngumiti sa akin ang tadhana na minsang nagbiro. Nakapagtrabaho sa anim na bansa at nakarating na sa labing anim na bansa.

Ngayon ay nasa Nepal ako, isang bansang tinagurian bilang Top of the World. Isa akong humanitarian aid worker bagamat sumasalang din sa development work.

Balang araw ay babalik ako sa Pasay at muling papasok sa restaurant sa Roxas Boulevard hindi para mag-audition kundi para makinig sa himig na minsang umawit sa aking pangarap.

Salamat sa pagbabasa. Marami pang yugto na pwede kong sulatin. Sa ngayon, ito muna.


24 January 2016
Gorkha, Western Area
Nepal

Buhay sa Labas: Kaldero

Araw ng Linggo sa Kathmandu, walang pasok sa trabaho. Pagkatapos umpisahan ang isang technical document na kailangang tapusin sa araw na ito, lumabas ako para makipagkita sa isang dating kasamahan at makapamalengke na rin.

Habang namamalengke ay wala akong listahan. Bibilhin na lang kung ano ang kailangan at maaaring maisip. Una sa listahan ay pagkain lalo na at kahapon ay nakapamili na rin ako ng ibang gamit nang samahan ang isang kasama sa trabaho na mamalengke bago bumalik sa field office.

Nasa Kathmandu ako dahil may field office din kami dito kasama sa dalawang field bases na sinusuportahan ko. Kapag nasa Kathmandu ay nakakapasyal ako at nakakabili ng halos lahat ng kailangan ko maliban sa rubbing alcohol na hindi available sa supermarket (masubukan nga sa pharmacy, lagi na lang nakakalimutan).

Sa Bath Batheni, Kalanki ako namimili, ang pinakamalaking shopping mall sa buong Nepal pero walang binatbat kung malls sa Pilipinas ang pag-uusapan. Ito ay singlaki lamang ng Ice Skating Rink ng MOA sa Pasay pero ito na ang pinakamalaki.

Habang nakapila para magbayad, kinabahan ako dahil mukhang hindi sapat ang perang nadala ko maski na tinantiya ko rin na konti lang ang bibilhin.

Bawat piraso ng pinamili ko ay siya kong tutok sa monitor. Tuwang-tuwa ako at hindi ako napahiya sa pila dahil may natirang NR60.00 (Nepali Rupees) sa akin.

Gusto ko sanang sumakay ng taxi dahil dalawang bags ang nabili ko at alam kong mahirap maglakad ng mahigit 30 minuto pabalik pero mga NR500 ang kailangan. Nagtiis akong maglakad at ang NR60 ay pakaiingatan ko bilang pambayad kung sakaling may maaapakan akong kamatis.

Medyo nangalay na ang kanang kamay ko sa pagbitbit ng isang bag habang naglalakd nang biglang tumahol ang aso sa tapat ko. Dahil takot ako sa aso (simula pa ng bata pa ako) ay nagitla ako at kinabahan. Baka hahabulin o kakagatin ako. Mabuti na lang at ang lalaking kasalubong ko na may kargang sako ang tinatahulan ng aso. Napangiti na lang ako.

Pagkalipas ng mahigit 30 minuto ay nakabalik na rin ako sa tinutuluyan naming pansamantala na hotel. Dahil roving ang role ko ay nasa hotel lang muna ako. Kung sa hotel lagging kumain ay hindi kasya ang allowance dahil sobrang mahal. Bukod sa 10% na service fee ay may 20% pa na pataw ng tax na kinukuha sa customer. Mabuti pa sa Pilipinas dahil sa kompanya o negosyante binabawas ang tax.

Lagi akong lumalabas at kumakain sa lokal na restaurant para mas tipid at maiba ang menus. Madalas ay hinahanap ko ang pagkaing nakasanayan lalo na at lahat ng restaurant sa Nepal ay gumagamit ng masala at sili.

Sa pagpunta sa supermarket, naisipan kong bumili ng rice cooker para kahit saan mapadpad na may kuryente ay makakapagluto ako at mabawasan ang pagkain sa labas. Sa loob ng dalawang araw ay marami-rami na rin ang napamili ko. Iiwan ko ang ilang gamit at bagahe sa stock room ng hotel kapag bibiyahe na ako sa isa pang field office pero nakakatiyak akong dadalhin ang aking kaldero.

Ang mga nabili ko ang sumusunod:
ü  Rice cooker na siya kong magiging bagong best friend. Mabuti at may nahanap akong pinakamaliit na nakita ko sa tanang buhay ko.
ü  Baonan (isang plastic at isang stainless) bilang plato na rin at lalagyan ng pagkain
ü  Noodles na gawa Nepal na sinasabing “healthy” dahil mula sa “5 Grains” tulad ng wheat, soya, corn, buckwheat at barley.
ü  Pansit na gawa ng Nepal
ü  Tuna at Sardinas na de lata mula ng Thailand
ü  Biscuits bilang emergency food
ü  Toyo na mula sa Thailand
ü  Bigas na mula sa hagdang-hagdang palayan ng Nepal
ü  Honey para pampasigla mula sa bulubundukin ng Nepal
ü  Toiletries at grooming kit para sariwa pa rin tingnan
ü  Gulay, prutas at rekados

Malaki ang pasasalamat ko dahil di hamak na mas maganda ang sitwasyon ko dito sa Nepal kumpara sa nakaraan kong deployments sa ibang bansa.


07 February 2016
Kathmandu, Nepal