5 Jul 2015

Tumitig Ka!

Ang balat ay gumuguhit sa panlabas nating anyo. Hinuhusgahan ng madla madalas ang ating pagkatao sa pamamagitan ng bahaging ito ng katawan.

Ang kagandahan at kapangitan ng nilalang ay madalas ipinipinta ng iba sa balat. Ang balat ay kumukupas at nagbabagong anyo sa paglipas ng panahon.

Hindi kasalanan ng balat o nagmamay-ari ng balat ang nakikita at hatol ng balana.
 
Eye image courtesy of imgbuddy.com
Iwaksi ang paningin sa aking balat o panlabas na anyo. Titigan mo ako ng mabuti sa aking mga mata. Lumapit ka’t tingnan ang nangungusap na kalooban.

Pagmasdan mo ako sa aking mga mata. Masisilip mo ang tunay kong damdamin. Ang mga matang ito ay matatag na nalampasan ang mga hamon ng mundo bagama’t daluyan ng masaganang luha.

Pagmasdan mong mabuti, mababanaag mo ang iyong imahe sa aking mga mata. Ipinta mo ako sa pamamagitan ng aking mga mata.

Sa aking mga mata nananalantay ang larawan ng mundong kay ganda. Ang nakikita ng mga mata’y dinaramdam ng puso.


Lumipas man ang kailanman. Ikupas man ng panahon ang aking balat subalit hindi ang mga mata. Sulyapan mo ang aking mga mata, ang bintana ng aking pagkatao at kaluluwa.

05 July 2015
Port Loko District
Sierra Leone