26 Jun 2015

Magkabila'y Ngiti, Sa Loob ay may Lumbay

Babala: Mahaba ang sanaysay na ito. Pwede mo naman balik-balikan hanggang matapos mong basahin. Magkakahalong ngiti, halakhak, kirot sa puso at maaaring inspirasyon ang inyong matutunghayan. Maligayang paglalakbay!

Ano po ang work n’yo?
Ang ganda ng work mo.
Nakakapunta ka sa maraming lugar.
Ang gaganda ng pictures mo sa Facebook.

Pangarap kong makapunta rin sa ibang lugar.
May bakante po bang trabaho dyan?
Pwede po ba akong mag-volunteer sa inyo?
Hindi ka ba natatakot?

 Iyan ay ilan lamang sa mga tanong na malimit na ipinaparating sa akin ng mga kaibigan at kakilala personal man o sa online. Hayaan ninyong bibigyan kasagutan ko ang maraming katanungan at itataas ang tabing sa uri ng tarabahong ito.

Hindi ko ikinakaila na maraming dalang ligaya, ginhawa at palamuti ang uri ng trabaho ko. Subalit, naikukubli ng mga larawan at ngiti sa mukha ang pighati, panganib at dusa na kaakibat ng trabahong ito.

Madalas na tinatawag na Humanitarian Work ang klase ng trabaho ko. Kung nasaan ang malakihang kalamidad tulad ng digmaan, lindol, bagyo, disease outbreak, malawakang paglikas atbpa ay naroroon ang humanitarian organisations upang maghatid ng tulong at serbisyo.

Maraming uri ng humanitarian workers. May mga nasa medical at health services, water, sanitation and hygiene (WASH), food security and livelihoods (FSL), rescue operations, relief distribution atbpa.

Maganda naman ang benefit package ng humanitarian work. Libre ang proseso ng papeles kasama na ang airline tickets at ang accommodation. Depende sa uri ng kontrata at organisation, may subsistence allowance din na madalas tinatawag nilang “per diem” para sa pagkain at iba pang personal na gamit habang nasa deployment. Ang iba ay kasama na sa sweldo ang gastusin kaya kailangang magtipid.

Ang ibang organisasyon naman ay hindi na sakop ang accommodation pero binibigyan ang mga staff members ng partial allowance para makahanap ng tutuluyan.

May mga organisayons naman na volunteers naman ang kanilang staff. May allowance din para sa inyong pangangailangan tulad ng pagkain, tirahan at konting savings kung matipid ka.

Saan Mang Sulok ng Mundo!

Maraming napupuntahang lugar. Sa loob ng pitong taon ay 15 na bansa na ang napuntahan ko. Lima dito ay doon ako nagtatrabaho samantala ang iba ay para sa training, briefing/debriefing at holiday break. Ang mga bansang napuntahan ko ay talagang hindi maiwawaksi sa gunita.

Mayroon kaming tinatawag na R&R (rest and recuperation) o holiday break para makapahinga at maka-recover ka sa matinding stress at pagod sa trabaho. Depende rin sa lugar, ito ay madalas ibinibigay pagkatapos ng 2 o 3 buwan na trabaho. Ang madalas na sinasagot ng opisina ay pamasahe. May mga opisina rin na sagot ang hotel. Ang R&R ay madalas na 7 araw kasama na ang travel days. May mga organisasyon naman na ibinibigay na sa iyo ang pera at ikaw na ang bahalang magpakasya para sa iyong tickets, accommodation, visa, pagkain atbpa.

Magagadang larawan? Sa kaso ko, pinipili ko ang mga larawang ibinabahagi ko sa social media. Madalas na gusto kong ibahagi ang magagandang tanawin, kultura, pamumuhay at mga pangyayari sa lugar ng aking deployment. May dala-dala akong sariling camera at hilig ko ang kumuha ng mga larawan. Ang mga larawang ito ang piping saksi sa mga pangyayari at sitwasyon sa aking trabaho.

Iba’t Ibang Kulay, Iisang Tao

Kung ikaw ay humanitarian worker, lalo na kung nasa labas ka na ng Pilipinas, ay marami kang makakahalubilong uri ng tao sa tarabaho o sa bansa kung nasaan ang misyon mo.

Hindi ko na halos mabilang ang lahi na nakasama ko sa trabaho. Kailangan talaga na marunong kang makibagay sa kanila at marunong gumalang sa kanilang paniniwala, kaugalian at pananaw. Kailangan din na mataas ang kalinangan natin tungkol sa kasaysayan, sitwasyon, kultura at mga alituntunin sa bansang pinupuntahan.

Dahil sa trabahong ito, mas napagtanto ko na ang mundo ay mayaman sa kultura. Makululay at ang iba ay namumukod-tangi ang kanilang kaugalian.

Napagtanto ko rin na sa kabila ng ating pagkakaiba, tayong lahat ay pantay pantay bilang miyembro ng Sangkatauhan. Mas natutuhan kong tanggapin ang kapintasan ko o ng iba at napapahalagahan ko kung anong mayroon ako.

Sumabak ka na rin!

Sa mga nagtatanong, pwede bang mag-apply sa trabahong ito? Pwedeng pwede! Ang kailangan lang ay galing, kakayahan, karanasan, sipag, magaling na pakikipagkapwa tao at pagmamahal sa trabaho. Dapat na may sakap kang karanasan sa inyong napiling linya ng trabaho. Mababasa mo na rin sa job profile ang detalye ng trabaho.

Ang naging apat kong trabaho sa labas ay pawang online application at libre pa. Heto ang link sa international job posting: www.reliefweb.int/jobs kung saan ako nag-apply dati. Pwede mo ring bisitahin ang website para magkaroon ka ng kaalaman kung anong mga trabaho ang laging nakasalang at kung anong mga competencies na hinahanap.

Madalas ay mahirap makahanap ng trabaho sa labas dahil sangkatutak ang makakalaban mo sa application na magagaling mula sa ibang panig ng mundo. Kaya mong makipagsabayan basta sakto o malakas ang inyong qualifications na hinahanap sa isang trabaho. Ayusin na rin ang inyong CV ayon sa competencies na hinahanap ng organisation na nakasaad sa Job Profile para madaling ma-short list.

Kapag nakapasok sa short list, tiyak na makikipagtagisan ka sa galing at talino sa dalawang uri ng pagsusulit: written exam at interview. Siguruhin na alam mo ang trabahong inaaplayan mo at kabisado ang mga mga activities. Sagutin ng diretso ang tanong, hindi kailangang mabulaklak ang pananalilita at hindi rin kailangan ang general statement tulad ng “world peace” at “love for mankind” hehehe.

Madalas na hinihingi nila ang konkretong halimbawa. Humalaw ka ng halimbawa mula sa inyong karanasan sa mga nakaraang trabaho. Mag-ingat sa mga sagot. Ang mga sagot mo ang magtatakda ng inyong kapalaran. Alalahanin mo, nababasa sa inyong sagot o pananalita ang inyong pagkatao. Ang attitude kung tawagin ay mataas na puntos para ikaw ay matatanggap o lalagpak.

Marami rin akong alam na nagsimula sila bilang volunteer sa ibang bansa. Nagbalak na rin ako minsan pero nagkataon na nauna ang employment offer noong 2010 kaysa mag-volunteer. Sa mga gustong mag-volunteer, pwede kang mag-apply sa www.vsobahaginan.org. Pwede mo rin bisitahin ang website upang basahin ang kanilang FAQs para magkaroon ka ng ideya.

Kasawian Nila’y Kaligtasan ng Iba

Hindi lang puro ngiti, ligaya at tagumpay ang kaakibat ng humanitarian work. May kakambal din itong panganib, lumbay, pagdurusa at kasawian.

Ang humanitarian work ay tinaguriang the most dangerous job on Earth dahil ang humanitarian aid workers ay laging nasa front line at bunganga ng panganib. Dahil sa maraming nasasawing tulad namin ay inaprubahan ng UN General Assembly noong 2009 na bawat August 19 ay ang paggunita sa World Humanitarian Day.

Binibigyan pugay at gunita ang mga nasawi habang inihahatid ang tulong at serbisyo sa mga apektado ng kalamidad. Naging inspirasyon ng pagkatatag ng World Humanitarian Day ang kamatayan ng 22 humanitarian workers sa Iraq noong 2003.

Sabi nga ni UN Secretary General Ban Ki-moon “Humanitarian workers and their families are hit hardest by these crimes. But they are also felt by millions of others. Let us honour the fallen by protecting those who carry on their work – and supporting humanitarian relief operations worldwide.”
Alam namin ang panganib sa aming trabaho. Ako mismo ay tinanggap ko na ang trabahong ito ay nababalot ng peligro. Nang ipadala kami sa West Africa upang maging kabahagi ng Ebola Response, nakakapangamba ang papeles na pinirmahan namin dahil mababatid mo na walang kasiguruhan ang buhay mo sa banta ng Ebola Virus. Bagama’t gagawin ng opisina ang lahat ng pamamaraan, hindi nito sakop ang magiging kapalaran mo kung makakabalik ka pa sa Bayang Mutya.
Sa bawat paglisan ko, sa bawat kaway ng kamay at sa bawat paalam papunta sa aking misyon, binubuhay ako ng inspirasyong makatulong at makauwi ng buo kahit marahil na ang lahat ay walang kasiguruhan.
Marami sa amin ang nagdurusa, nawawalan ng katinuan sa sarili at sumusuko sa tindi ng nakakaharap na peligro. Maraming tulad namin ang biktima ng karahasan, pagdukot, pagkakasakit at ang ilan ay nabuwal sa bangin ng kamatayan.
Narito ang ilan sa aking hindi malilimutang karanasan habang nasa trabahong ito. Ang pagkakasunod ay wala sa taon.
Lampra, Balde at Misteryo|South Sudan|2010
Ang aming operational area ay sa gitna ng malayong estado na walang phone signal, walang kuryente at kulang sa pagkain. Bawat ikadalawang linggo kung kami ay lumuwas upang mamili ng aming pagkain at makatawag sa pamilya. Sa loob ng unang apat na buwan ay wala kaming ilaw maliban sa lampara, sulo at sinag ng buwan.
Ito ang mukha ng aming compound nang matapos itong gawin noong May 2010. Ang Tukul (tawag sa kubo ng yari sa putik na semento at damo na atip) na may green na pinto ay ang aking kubo sa loob ng 12 months.
Ang kadiliman ay nagbigay sa akin ng inspirasyon upang gumawa ng maliliit na ilaw mula sa lighter na gawa sa China na may maliliit na ilaw. Ang maliliit na led light ay konektado sa ordinaryong baterya (dalawa). Mga isang dosena ang ginawa ko para gawing ilaw sa aming kubo, bakod at sa guard house tuwing gabi.

Hindi nakapagtataka kung bakit ganoon na lamang an gaming sitwasyon dahil kami ang unang staff na pinadala para buksan ang bagong programme para sa mga bumalik na pamilya (refugees) na kapwa sinalanta ng kaguluhan at malawakang kagutuman. Maliban sa national staff, anim kaming banyagang staff mula sa Kenya, Nigeria, Pakistan, Uganda at ako mula sa Pilipinas.
Maalala ko na sa unang mga linggo, bawat umaga ay tig-isang baldeng tubig ang rasyon sa amin bawat umaga. Ikaw na ang bahalang magpakasya mula sa paglilinis pagkatapos magbawas hanggang sa paliligo.
Dapat masinop sa tubig dahil mahirap makahanap ng tubig lalo na kung panahon ng tagtuyot. Naibsan bahagya an gaming problema sa tubig nang maglagay ng tangke subalit kailangan pa rin igiban ng balde-baldeng tubig araw-araw.
Isang gabi, may apat na lalaki na bumisita sa compound at hinanap ako. Gusto nila na gamutin ko raw ang mga taong nawawalan ng malay (madalas ay mga kabataan) na naging palaisipan sa kanila kung bakit biglang nawawalan ng malay. Misteryo ang nangyayari sa mga kabataan at ang usap-usapan sa lugar ay dulot ng masamang ispiritu.
Ipinaliwanag ko na wala akong kakayanan at hindi iyon ang uri ng aming trabaho. Nagpumilit sila at binantaan kami na kung di ako pwede ay kukunin ang dalawang sasakyan o ipapasok sa kulungan ang aming manager at hindi kami pwedeng mag field work.
Mabuti at nagawaan ng paraan ng isang opisina ng pamahalaan na hindi kami pwedeng pilitin at pagtangkaan. Nakahanda na kaming lumikas noon at bitbit ang aming “run bag” upang paghandaan ang darating na panganib.
Ang South Sudan ang una kong deployment. Ang lugar na ito an gang sitwasyon naming ang nagturo sa akin ng maraming bagay para mas mamahalin ko ang trabaho. Marami kaming pinagdaanang pagsubok na nagpatibay sa amin.
May mga kasamahan din kami na nag-resign sa trabaho dahil sa tindi ng mga pagsubok at sitwasyon.
Pagkatapos ng anim na buwan ay umuwi ako’t din a nag-renew ng kontrata dahil na rin sa hirap ng sitwasyon namin.  
Masidhi |Pakistan|2011
Kasama ako Pakistan Flood Response na milyong tao ang apektado. Maganda ang lugar subalit nakakalusaw na init ang mararanasan tuwing tag-init at matinding lamig naman sa taglamig.
Kailangang makibagay sa kapaligiran upang mapababa ang peligro. Kung anong damit nila ay ganoon din ako. Kailangan din matutunan ang kanilang salita para mas madaling makipagtalastasan.
Ang mga makukulay na sasakyang pangkargo ng Pakistan.

Nagulantang ang mundo lalo na kami na nasa Pakistan nang sumabog ang balita na napatay si Bin Laden. Natigil lahat ang trabaho at nakakulong lang kami sa guest house. Kilabot ang nadarama ko habang nagpaplano ng evacuation kung sakaling magkaroon ng malawakang kaguluhan dahil ang aking passport ay nasa tanggapan pa ng pamahalaan sa Islamabad at sarado lahat ang opisina.
Inisip ko na walang magpasakay sa akin na eroplano kung walang passport hehehe. Alam ko naman na gagawin lahat ng opisina na mailigtas kami pero kung talagang kanya-kanyang takbo na ay wala akong identity maliban sa ID at kopya ng passport.  Kung anu anong sapantaha ang bumabalot sa utak ko. Mabuti at hindi lumaki ang gulo at pagkalipas ng ilang linggo ay nakuha ko na rin ang passport ko.
Isang araw, habang nasa training ako bilang facilitator ay dumating ang aming Admin Officer at hinihingal. Kailangan ko raw sumama dahil ang buong bayan ay nanganganib. Nagsarado na mga business establishments at dumarami na ang mga tao sa lansangan, nagpoprotesta dahil sa pagpatay sa isa nilang lider pulitiko. Madalas na nagiging madugo ang protesta. Kailangan daw ay iipunin kami para mas madali ang paglikas.

Nangyari rin sa amin na binigyan lang kami (dalawa kaming expat sa isang malayong distrito) ng 30 minutes para magligpit dahil ililipat kami agad sanhi ng isang panganib pangseguridad. Ang kasamahan kong babae mula sa Europa ay takot na takot dahil hindi agad sinabi sa amin kung ano ang panganib na iyon habang nagkakaroon pa ng confirmation. Ang ginawa ko ay pinasok lahat ang gamit na kasya sa aking bag at sako at dinala paglikas.

Pauwi na ako ng Bayang Sinilangan nang magka-aberya ang aking flight. Delayed ng apat na oras. Ang resulta, naiwanan ako ng Malaysian Airlines sa Karachi. Mabuti at maagap ang opisina at nilagay ako sa isang hotel malapit sa airport. Nanatili ako ng 3 araw doon dahil walang available flights. Hindi ako makalabas ng hotel dahil magulo ang Karachi sa panahong iyon dahil sa active and target shooting ng nangyayari dulot na rin ng problemang pangpulitikal.
Bagama’t maraming pagsubok, mahal na mahal ko ang Pakistan. Napuntahan ko rin ang Mohenjo-daro na tahanan ng Indus Valley Civilisation na isang matanda at progrsisbong kabihasnan noong 2600BC.
Sa Piling ng Scorpions |South Sudan|2011 -2012
Muli akong pinadpad ng kapalaran sa South Sudan noong 2011 sa loob ng anim na buwan. Panibagong yugto naman ng pakikipagsapalaran. Hindi ko ninais noong una na bumalik pero napag-isip ko na magandang bumalik upang masundan muli ang pagbabagong naganap.
Masaya akong nakita muli ang mga dati kong kasama lalo na ang national staff na napamahal na sa akin. Marami sa kanila ang naging emosyonal dahil hindi nila inakala na babalik pa akong muli.
Hindi rin naging madali ang aking pagbabalik muli. Maraming pagsubok at mahirap pa rin ang buhay. Tulad ng dati, ang kwento ng kahirapan at ang walang kamatayang pag-asa ng mga tao ang laging bumubungad sa akin.
Hindi ko malimutan ang aking unang pagbisita sa isang liblib na komunidad kung tawagin ay Amethaker. Walang matinong pinagkukunan ng tubig. Ang mga babae at mga bata ay naglalakad ng buong maghapon sa pag-iigib ng inuming tubig tuwing nagtuyot.
Ang mga bata sa Amethaker ay minsan lang maligo dahil sa kawalan ng tubig. Ayon sa kanila ay isang beses lang sila maligo sa loob ng dalawang linggo. Ganito ang sitwasyon sa loob ng anim na buwang tagtuyot.
Uso rin ang away tribu. Madalas na dahilan ay ang agawan sa pastulan at hayop na rin lalo na kung tagtuyot. Ang pag-aalaga ng baka ang pinakamalaki nilang hanapbuhay. Ang kabilang tribu ay madalas umaatake at kinukuha ang alagang baka. Magkakaroon naman ng paghihigante ang biktimang tribu at aatake sa kabila.
Minsan na akong nabiktima ng scorpions. Akala ko ay malagutan na ako ng hiningi nang makagat ako (kagat ang tawag maski sting naman ang dahilan ng sakit hehehe) ng Scorpions na hindi lang isa kundi dalawang beses. Doon ko dinanas ang pinakamatinding pisikal na sakit.
Namanhid ang aking paa at nanghihina ako sa loob ng apat na araw. Walang anti-venom sa lugar. Takot na takot ang aking line manager. Pinaubaya ko na lang sa tagapaglikha ang lahat.
Nagkaroon din ako ng Malaria at Typhoid Fever. Hirap malaman ang deperensya ng dalawa kung sa liblib na state ka na-check up dahil hindi ganoon kagaling ang kanilang manggagamot. Madalas ay mga ordinaryong tao na nabigyan ng training lang ay nurse na sila agad. Ang matindi, bawat lagnat ay kinokonsidera na Malaria.
Napamahal sa akin ang lugar. Nakalimutan ko ang aking kulay. Kahit sa liblib na komunidad ay napapasok ko. Bininyagan ako ng tagaroon ng bagong pangalan bilang “Deng Kawaj”. Ang Deng ay Ulan at ang Kawaj ay Dayuhan.
Tulad ng una kong paglisan, naging emosyonal ang tagpo. Bagama’t nagdirriwang ang staff bilang pasasalamat ay punong-puno ng emosyon. Namalagi ako ng anim na buwan. Bagama’t may pagkakataon na pwede pa akong tumagal ay pinili ko na lang na hanggang doon na lang ang aking paglalakbay sa South Sudan.
Sa Mundo ng Panganib |Afghanistan|2012

Kabilang ang Afghanistan sa hindi ko pwedeng limutin na lugar. Nakita ko dito ang mukha ng kaguluhan at ang tunay na kapayapaan sa puso ng ordinaryong Afghani. Sadyang nakakatakot subalit ito ay natatabunan ng kagustuhang makapaglingkod.

Ni minsan ay hindi ko nagawang kumuha ng larawan sa downtown Kabul maliban sa pasilip na pagkuha mula sa salamin ng sasakyan at opisina. Baka mahuli at kung anong paratang ang ipupukol sa akin.
Ang mga tanawin sa probinsya ng Afghanistan ay sadyang napakaganda. Busog na busog ang mata ko sa pagmamasid sa kagandahan ng lugar.


Naranasan kong sumakay ng aircraft na ako lang ang pasahero. Sadyang nakakatakot sumakay ng maliliit na aircraft dahil halos ibabagsak kami ng matitinding hangin maliban sa peligro na baka sasabog na lang mula sa mga armadong elemento.

Kahit pamamalengke ay mahirap gawin dahil kailangan dumaan ka muna sa scanner at kapkap bago ka makapasok sa shopping mall. Hindi rin kami pwedeng magtagal at kailangan umalis agad.
Isang araw, habang nasa isang field office, hiniram ng aking line manager ang laptop habang nagsusulat ako at may sinulat siya: Bawal lumabas sa compound! May banta raw sa seguridad.
Sa gitna ng dilim, Ala Una ng madaling araw, ginimbal ako ng malalakas na putok. Akala ko ay inatake na kami ng mga armado. Sumilip ako sa maliit na butas sa bintana at nakita ko sa kabilang panig ng ilog ang mga pulis at sasakyan, nagkakagulo. Sa sobrang takot ko ay hindi na ako nakatulog hanggang sa pagsapit ng bukang liwayway. Nakikiramdam at naghihintay ng kapalaran. Nalaman na lamang naming na may tumatakas na bilanggo.
Sa isa pang probinsya, malaya akong nakakapamalengke kasama ang national staff kung walang banta sa seguridad. Madalas kasi nagtatakip ng mukha ang mga tao doon. Ginagaya ko rin siya at nagtatakip rin ako ng mukha gamit ang kanilang turban. Para hindi kami mahalata ay naka-motor lang kami.
Mabuti at pinapayagan n gaming security management ang paggamit ng motor. Mas mapanganib kasi ang gumamit ng sasakyan dahil maghihinala lalo na ang mga may kaugnayan sa rebeldeng grupo. Hindi ako pwedeng magsalita ng malakas dahil mahalat na hindi ako tagaroon.
Mapanganib ang lugar dahil may insidente ng pagdukot at pagpatay sa isang banyagang staff ng isang NGO sa panahong iyon.
Nagawa ko ring maglakbay sa liblib na lugar sa dalawang probinsya. Para hindi halata na hindi ako tagaroon ay suot ko ang kanilang damit. Hindi ako nagsasalit na naririnig ng publiko maliban sa mga meeting sa komunidad na nakakaalam na sa trabaho namin.
Alam ko naman ang ang aming galaw ay alam na alam ng mga grupo sa lugar. Alam din marahil ng mga grupo doon na wala kaming masamang pakay bagkus ay para kanilang komunidad an gaming ginagawa. Ang dinarasal ko lang lagi ay hindi kami gagawaan ng masama dahil pagtulong sa sibilyan ang aming trabaho.
Ito ang Shrine na inialay ng mga mamamayan ng Mazar-e-sharif ng Afghanistan kay Ali, ang pinsan ng Propeta Muhammad, na isa sa pinakatanyag na lider noong unang panahon.

Mula sa isang maskalap na karanasan sa India (basahin ang buong detalye sa ibang kabanata sa ibaba), naranasan ko sa immigration sa Kabul ang kumpiskahin ang aking temporary passport. Hindi na ako pumiglas at hinayaan nila akong makapasok upang maasikaso ng opisina ang aking kaso. Hindi na kasi pwedeng gamitin mo ang single-entry visa ko.
Ang masaklap ay may larawan ako na hawak-hawak ng nagbabantay sa immigration police sa departure area. Nalaman ko dahil ang kaibigan ko na mula Indonesia na nagtatrabaho sa isa ring NGO ay napagkamalan na kami ay iisa. Inusisa siya kung siya ba ang nasa larawan. Mukha ko ang nakalagay. Tinawagan nya ako at sinabi na sinasala ang pasahero at hinahanap ako.

Ipinagbigay alam ko sa aming HR ang nasabing impormasyon. Pinuntahan ng HR ang immigration at sinabi na hindi ako masamang tao, wala akong balak na tumakas at inaasikaso ng opisina ang kaso ko. Galit na galit ang HR at pinatanggal ang larawan ko. Mabuti at kilala ang HR sa pamahalaan. May nakilala rin akong immigration police na nakahandang tumulong pero hindi ko na ipinaalam baka maglala pa ang sitwasyon.
Pagkalipas ng anim na buwan, hindi pumayag ang katabing bansa (Pakistan) na bigyan ako ng Visa (papasok ng Afghanistan) kung saan nagkaroon ng application para sa aking Visa. Nawalan ng oras ang opisina dahil huling araw na nang ibalita ng embahada ng Pakistan na hindi nila ako pwedeng bigyan ng kaukulang papeles. Walang nagawa ang opisina kundi pabalikin ako ng Pilipinas na agaran dahil matatapos na ang taning ng pamahalaan ng Afghanistan na binigay sa akin upang manatili sa kanilang bansa.
Isang madamdaming pamamaalam ang nangyari sa oras ng aking paglisan. Ang driver ay hindi na magawang magsalita. Ang tagaluto na itinuring kong ama ay napaiyak sa masaklap na balita.
Hindi na ako nakabalik kahit na binalak ng opisina na kunin ako dahil nag-apply na rin ako ng ibang NGO.
Bago pala makalabas ng Afghanistan ay sampung checkpoints/check up ang kailangan pagdaanan mula sa bungad ng airport hanggang sa makarating sa boarding area na gumugugol ng isang oras. Lahat ng kasulok-sulukan ng katawan mo’t gamit ay inuusisang mabuti.

Oras ng Kagipitan |India|2012
Tulad ng marami, naakit ako sa ganda at himalang bumabalot sa India. Sadyang hindi malilimutang sandali ang makita at makapa ko ang Taj Mahal na sa aklat ko lang nababasa noong bata pa ako. Sinuyod ko ang magaganda at makasaysayang lugar sa New Delhi.

India ang napili kong lugar para sa aking R&R dahil dalawang oras lang ang flight mula Kabul at mura ang pamasahe. Sapat na ang allowance para sa flight, pagkain at simpleng tulugan.

Kapalit naman ng kasiyahang hatid ng India ay ang matinding sindak nang mawala ang aking passport, ATM, ID cards atbpa. Para akong pinagtakluban ng dalawang nag-uumpugang bundok.
Para akong hinihigop ng karangyaan ng Taj Mahal habang papalapit ako papunta sa pinakamagandang building na ito sa buong mundo na sagisag ng walang kamatayang pagmamahalan.


Kalalabas ko lang sa aking accommodation noon nang bumungad sa akin sa main road ang magara, makulay at masayang isang Hindi festival. Nalinlang ako ng palamuti, tunog at galaw ng mga mang-aawit, mananayaw at musika. Sumikip ang tao at napalibutan ako ng mga batang nakikisaya na rin. Binagtas ko ang makapal na tao at lumusot sa kabilang kanto upang pumunta sa isang tanyag open market.

Nang magbabayad na ako sa sinakyan kong motorsikad ay saka ko napagtanto na wala ng laman ang aking mga bulsa. Para akong sinampal ng Tadhana at nanginig ang buo kong katawan. Paano na ako? Walang passport, walang pera (maliban sa natirang konting Rupees), walang ID, walang ATM.

Bumalik ako sa hotel at kinausap ang manager. Tutulong daw sila sa akin pero alam kong walang kasiguruhan. Pumunta ako agad sa police station para iparehistro ang kaso at kumuha ng police report. Ayaw ng police na itala ang kaso na nadukot dahil magkakaroon pa ng mahabang imbestigasyon. Sinaad na lang sa report na nawawala.

Pumunta ako agad sa Philippine Consulate Office sa New Delhi dala ang police report. Hindi naman ako nabigo dahil mabilis ang tulong nila. Inabot lamang ng dalawang oras at nabigyan na ako ng temporary passport. Nag-alok pa sila ng matutulugan kung sakaling kailangan ko. Magaling ang ang kolsulado natin sa India taliwas sa napapabalitang hindi inaasikaso ang ating kababayan sa ibang bansa.

Nag-cash advance na rin ako sa office para may panggastos ako habang nasa India. Kailangan ko rin kumuha ng papeles sa foreing affairs department ng India at doon ko napag-alaman na ang pagnanakaw sa mga foereigners ay talamak. Anim ang nakilala ko sa araw na iyon na ninakawan kasama ang kanilang passport. Ang iba ay talagang inagaw sa lansangan habang ang iba ay ninakaw sa loob ng tren nang malingat o makatulog.

Binigyan lamang ako ng 14 days para manatili sa India. Nag-apply na rin ako agad ng Working Visa pabalik ng Kabul. Sa kasamaang palad, hindi agad na-release ang visa. Humingi ko ng extension at binigyan naman ako ng huling 7 araw. Hindi pa rin lumabas ang visa ko at kailangan kong umalis ng India.

Nakakuha ako ng assurance na makabalik ng Afghanistan kahit hindi pa lumabas ang aking papeles sa pamamagiting ng single use entry visa. Nakabalik naman ako ng Afghanistan. Nang panahong kunin ko na ang aking Visa sa embahada ng Afghanistan sa Delhi, kailangan akong lumipad para personal na makuha ang dokumento.

Pagdating ng Delhi airport ay hinarang akong immigration. Hindi raw ako pwedeng pumasok ng India maliban kung lalampas pa ng 2 buwan pagkatapos ng aking unang bisita. Pinaliwanag ko sa kanila na hindi ko alam na may ganoong patakaran at bago ako umalis ng India dati ay nagtanong pa ako sa immigration kung pwede ako bumalik agad pag lumabas na ang papeles ko, na sinabing oo naman.

Nagkaroon ng mahabang usapin ang immigration authorities. Pagkalipas ng mahigit isang oras ay dumating na ang immigration officer kasama ang dalawang pulis at airline ground crew. Hindi raw ako pwedeng pumasok uli ng India (unless after 2 months). Pinilit nila akong sumakay sa eroplano pabalik ng Kabul.  Dahil sarado na ang boarding gate, para kaming naghahabulan sa loob ng airport para lang maabutan ang eroplano. Nakakahiya na para akong criminal na may escort pa.

Pagsapit ng Kabul ay panibagong kalbaryo na naman. Hindi na pwedeng gamitin ang aking single entry visa dahil nagamit na dati. Kinumpiska ang aking passport at binigyan na lamang ng isang papel at iyon daw ang ipakita ko sa border police at opisina.
Nagawaan naman ng paraan ng opisina pero hindi naging madali.

Probinsyanong Dukha |Spain|2010
Pagkatapos ng una kong mission sa South Sudan, naimbitahan ako ng Headquarters na pumunta sa Barcelona, Spain para sa aking debriefing at medical check up.

Wow, ang ganda ng siyudad ng Barcelona. Ang mga buildings ay magagara na luma, na salamin ng nakaraang kabihasnan. Sa Barcelona nagtatagpo ang kahapon at kasalukuyan sa ngalan ng kabihasnan. Malinis, maraming tao at turista.
Ang problema, galing ako ng mainit na lugar ng South Sudan at November ako nakarating ng Spain na umpisa ng taglamig. Wala rin sa isip ko na malamig dahil excitement ang naghahari sa isip ko. Wala akong winter clothes. Pinagpatong patong ko lang ang aking damit at dalawang jacket. Doble ang medyas ko sa sandal na de tali. Malay ko ba kung ano ang daratnan ng isang Probinsyanong Dukha. Hindi ako handa sa panahong iyon.

Hindi madaling maglakbay sa Europa. Kailangan magaling kang sumunod sa instruction at mapa dahil walang sundo. Hirap din dahil ang mga ordinaryong tao ay hindi nagsasalita ng English. Hindi naman ako marunong magsalita ng Espanyol.
Ako lang mag-isa sa guest house na nasa 4th floor ng isang commercial building. Sa kasawiang palad ay nasira raw ang heater at hindi pa na-repair. Halos hindi ko mahawakan ang tubig sa lamig at para akong mamamatay tuwing gabi kahit tatlong gabi lang ako. Tuwing matutulog ay pinagpatong patong ko ang mga kumot at unan.
Hirap sumakay ng tren. Halos walang nagsasalita ng English, puro Espanyol. Isang beses lang ako nakasakay at hindi na naulit. Hindi ko kasi alam bumili ng ticket sa machine hahaha. Tinulungan lang ako ng pulis minsan na hindi nagsasalita ng English. Ang mahalaga ay alam nya kung saan ako bababa. Naglakad na lang ako pabalik ng aking tinutuluyan.

Pangalawang araw ko, papunta ako ng opisina para sa aking meeting. Nilalakad lang dahil alanganing sumakay, medyo malapit lang kasi ang opisina. Sa kalagitnaan ng siyudad habang naglalakad ay may isang matanda na nagtanong sa akin. Pinakita ng matandang lalaki ang isang mapa at nawawala raw siya. Nagpapatulong na hanapin ang isang lugar.
Likas na matulungin ang Probinsyanong Dukha. Hinanap naming pareho sa mapa ang address na sabi niya. Habang kami ay abala ay may tatlong lalaki na naka leather jacket ang lumapit bigla, may salamin at ayos-pulis. Pinakita sa akin ng tumatayong leader ang isang laminated ID na sila ay mga pulis at kailangan nilang maseguro na hindi ako nagdadala ng droga.

Mabilis ang kanilang galaw. Kinapkapan ako ng pasekreto habang ang dalawa ay nakabantay sa aking likuran na malapitan. Nakadikit na sila sa akin. Hiningi agad ang wallet ko. Sinuri kung may nakaipit na droga. May pera ako na Peso at Euro. Nagtaka ako dahil kinuha nila ang 200 Euros na panggasto ko. Hindi sila interesado sa Peso at ibang gamit. Mabilis silang naglakad at naglaho na sa maraming tao.

Hindi na ako pumalag o sumigaw dahil sa tingin ko ay may nakatago sa kanilang mga jacket at baka masaktan o kung ano pa ang maisipan nilang gawin. Nagpasalamat ako na walang masamang nangyari sa akin at gagamitin kong aral ang nangyari.

Pagkalipas ng ilang araw ay nabiyayaan nman ako ng bagong trabaho sa ibang NGO.
Larawan Kupas |Liberia|2013
Unang lagkay ko sa West Africa at wala pang kaso ng Ebola noon. Naatasan akong pamunuan ang isang malakihang pag-aaral (research). Maganda ang lugat at luntian. Halos malibot ko ang buong bansa sa loob ng apat at kalahating buwan.

Kasama ko noon ang isa pang staff na dayo rin at may ibang trabahong ginagawa. Tanghaling tapat noon, naglalakad kami sa beach na hindi kalayuan sa aming guest house araw ng Sabado. Mga 100-metro lang din ang layo sa isang embassy at may guard post pa mismo.

Mahangin at umambon pa. Malakas at malalaki ang alon. Habang naglalakad kami sa beach ay napansin naming na madalang ang tao dahil siguro sa sama ng panahon. Napansin namin na may apat katao na biglang sumulpot di kalayuan sa amin. Nang mapansin naming ay unti-unti kaming bumalik papalapit sa guard post ng foreign embassy. Lumapit sa amin ang apat na kalalakihan.
Nakipagkaibigan at nakipagkilala. Gusto ng isa (tumatayong leader) na kunan ko raw siya ng picture kasama yung isang staff. Naka-amoy ako ng di maganda. Ang ginawa ko ay dumistansya ako. Nangungusap ang mata namin ng kasama ko. Kinunan ko naman ng picture ang estranghero.
Paalis na kami at simunod ang apat. Bumilis ang kanilang mga hakbang. Nakiusap uli ang leader na kunan ko ng picture kasama ang kaibigan ko. Alam ko na sa puntong iyon na mukhang may masamang mangyari. Sinabi ko na nakunan ko na sila dati. Sabi nya ay kunan ko uli dahil kaibigan naman daw sila.
Kinunan ko na lang sabay hakbang na ako para lumayo. Inabutan ako ng kanilang leader at sinabi na maganda at saan ko raw nabili ang aking scarf (Yasir Arafat style). Sabi ko sa local market din sa Liberia. Sinunggaban nya bigla ang camera na noon ay nakatago na sa lalagyan at nakasabit sa leeg ko. Nagpambuno kami. Kumilos ang kasama ko na tinulak kami pareho para magkahiwalay.

Nabawi ko uli ang camera at tumakbo na ako. Natakot ako na baka sa dagat ako mapunta ay mas lalong delikado. Nang makadistansya ako ng mga 20 meters ay sumigaw na ako ng saklolo sa guard post pero hindi marining sa lakas ng hampas ng alon sa dalampasigan.

Ginapos nila ang kasama ko ng dalawa sa kanila. Nagtanggal na ako ng tsinelas at nagtatakbo na ako pabalik para tulungan sya. Nag signal sya sa akin na wag na ako bumalik at tumakbo na lang ako. Nagdistansya pa rin ako at hinintay kung ano ang gagawin ng apat. Kinuha nila ang phone at konting pera ng kasama ko at kumaripas sila ng takbo papunta sa mga kabahayan sa tabi ng dagat.
Kailangan ko rin mag-ingat upang hindi makuha ang camera dahil nandoon ang ebidensya ng mukha ng kanilang lider.

Ipinagbigay alam naming agad sa aming HR at agad naman dumating. Nakunan ko ng larawan ang kanilang lider at iyon ang ginamit naming ebidensya sa pulis. Hindi lumampas ng 24 oras ay nahuli na ang kanilang lider. Sinabi na lang ng kasama ko na ibalik na lang ang kanyang phone.
Mabuti at payapa ang Liberia. Sa paglalakbay ko sa iba’t ibang probinsya nito (county ang tawag nila) kasama ang isang staff at driver ay madalas masiraan kami ng sasakyan sa tindi ng kalsada at maputik pa. Minsan din kami naaabutan ng gabi at nagpapalipas na lang sa pinakamalapit na matulugan.
Madalas rin kaming harangin ng mga nagbabantay sa checkpoints sa pag-aakalang ako ay isang mangangalakal ng ginto at diyamante.
Sa Ngalan ng Ama |Pilipinas|2013-2014

Nang sumalanta ang pinakamatinding bagyo sa kasaysayan ng makabagong mundo, ipinadala ako sa isla ng Samar. Kabilang ang aking deployment sa Pilipinas sa pinakatangi kong trabaho. Wala ng tatamis pa sa makapaglingkod sa sariling bayan. Subalit, kabilang din ang Super Typhoon Haiyan Response sa pinakamahirap kong assignment.
Ako ang unang ginawang pinaka team leader ng walong staff (apat na banyaga at tatlong Pinoy) na ipinadala sa Samar matapos mapagdesisyunan na magkakaroon ng response sa nasabing lugar bagamat may mga unang pinadala upang gawin ang rapid assessment.
Dalawang maliliit na aircraft ang nirentahan ng opisina upang ihatid kami at mga gamit. Pagdating sa lugar ay wala kaming kakilala. Listahan lamang ng mga tao at ang hotel na tutuluyan naming ang aming naging guide.
Halos hindi mo alam ang unahin mong gawin sa nakikitang pinsala at pangangailangan ng mga nasalanta. Umiiyak ang puso sa mga tagpong nakikita.
Hindi naging madali ang buhay namin. Walang matinong tulugan. Walang kuryente. Walang phone signal. Halos wala kaming balita kung anong nangyayari sa labas ng Samar. Kumakayod kami gabi man o araw. Marami sa aming ang nagkakasakit sa tindi ng pagod, gutom at kawalan ng sapat ng tulog at pahinga.
Dahil sa kawalan ng magandang komunikasyon, lingid sa aking kaalaman na nasa pagamutan ang aking ama. Alam ko dati pa na hindi maayos ang lagay ni ama. Alam ko rin na ang aking pamilya ay nag-aabang ng balita tungkol sa amin. Mahigit isang buwan kaming walang komunikasyon.
Higit akong kailangan ni ama at ng aking pamilya sa panahon iyon lalo pa’t sagot ko ang gastusin ni ama. Pagkalipas ng mahigit isang buwan, nagkataon na may nakarating na mensahe mula sa isa sa na dati kong katrabaho (na nasa Tacloban) na hinahanap daw ako ng aking kapatid. Masamang balita pala iyon tungkol sa akin ama. Nagkaroon ng operasyon sa paa si ama dulot ng komplikasyon sa kanyang diabetes. Matanda na rin si ama sa gulang na 73. Ilang beses na siyang iginugupo ng sakit.
Halos isang taon din akong nanatili sa Eastern Visayas. Pagkatapos ng Samar ay ay nagtrabaho rin ako sa Leyte.

Sa loob ng halos isang taon ay panay pangamba ang nadarama namin kapag may dumarating na bagong bagyo. Nakakatakot na baka maulit muli ang sakuna na dala ng Bagyong Yolanda.
Nakita ko kung anong tindi ng pasakit ang dinanas ng taga Samar at Leyte ay siya naming tibay ng kanilang kapit. Muli silang tumayo upang pandayin ang kanilang buhay at kabuhayan.

Habang sa gitna ng pagreponde sa mga sinalanta ni Yolanda ay may isa pang bagyo na sumalanta noon, si Glenda bagama’t maliit ang pinsala ay dagdag pasanin na rin sa amin at sa mga nasalanta.
Ipinatawag rin ako upang maging makasama sa Cholera Response sa Alamada, North Cotabato. Walang humpay na trabaho araw-araw ang ginawa naming kasama ang mga volunteers upang makisanib pwersa sa lokal na pamahalaan at iba pang organisayon.
Alipin ng Takot |Liberia|2014-2015
Katatapos ko lang ng aking deployment sa Samar at Leyte nang makatanggap ng email kung alin ang gusto kong bansa para sa Ebola Response: Liberia o Sierra Leone. Natulala ako nang mabasa ko ang email.
Nag-isip ako habang binabalot ng takot ang buo kong pagkatao. Bakit dalawa lang ang pinagpipilian, bulong ko sa sarili. Ang aking takot ay bunsod na rin ng mga napapanood sa TV at nababasa sa online news kung gaano katindi ang sakit na Ebola.
Paglipas ng apat ng araw na puno ng gambala ay nagdesisyon na rin ako na makisali na rin sa matinding laban kontra sa hindi nakikitang kalaban, ang Ebola.
Hati ang opinyon ng mga taong nakapaligid sa akin. May mga sumusuporta at nagbibigay pugay.  Mayroon ding bumubulong na marami pang trabaho na pwedeng pasukin. Lahat sila ay may katwiran.
Natagpuan ko na lamang ang sarili sa Liberia, kasama ang ibang staff, mga NGOs, UN agencies, Pamahalaan, volunteers at mga komunidad na apektado ng Ebola.

Hindi naging mahirap ang buhay ko at ng ibang nagtatrabaho sa Liberia. Hindi pwedeng hawakan ang sinuman o mahawakan at pinapairal ang “no touch policy”. Sa opisina pa lang ay apat na bases ang mandatory na pagkukuha ng temperature at paghuhugas ng kamay. Bawal pumasok sa ibang bahay at bawal magpapasok ng ibang tao. Maraming bawal, mahigpit ang protocol.
Nakadaupang palad ko rin ang ilan sa mga Ebola Survivors at kanilang mga kaanak. Narinig ko na rin at nasaksihan ang nakahahabag nilang kwento.

May mga gabing hindi ako dinadalaw ng antok. May mga gabing ako naman ang dinadalaw ng bangungot. Ang ilan sa amin ay nagpapakita ng sintomas ng sakit pero walang kaugnayan sa Ebola. Marahil ay epekto ito ng mataas na stress, pagod at sitwasyon sa aming trabaho.
Tanda ko pa nang una kong maramdaman na nanghihina ako. Para akong magkakasakit. Kung anu-anong gumagapang sa katawan ko. Marahil ay epekto na rin ng agam-agam. Kung dapuan ako ng Ebola, paano na ang lahat sa buhay ko? Kung anu-ano na ang pumapasok sa isipan ko habang nagpapahinga sa gitna ng gabi at pikakikiramdaman ang sarili.
Habang hindi dinadalaw ng antok at sa tindi ng sunod-sunod na masasamang panaginip, tumawag ako sa aking ina at sinabing ipagdasal ako dahil mahirap ang aming sitwasyon. Gusto na ni ina na umuwi na lamang ako. Gusto ko ring umuwi pero sumumpa ako sa aking tungkulin. Narinig ko na lamang si ina na umiiyak at binigay na lamang sa kapatid ko ang cellphone.
Sa pagdaraan ng mga araw, natutunan ko na rin ang mabuhay sa piling ng bansang naghihinagpis sa salanta ng nakamamatay na sakit. Hindi ako dapat paghinaan ng loob. Marami akong matutulungan at maraming umaasa sa akin, sa aking pagbabalik.
Sa araw na nilisan ko ang Liberia ay para akong nabunutan ng tinik sa dibdib subalit may pangamba pa rin na paano kung magpakita ako ng sintomas ng sakit? Bagama’t tatlong buwan lang subalit halos taon ang binibilang sa tindi ng panganib at agam-agam.
Bumalik ako sa headquarters ng aming opisina sa England upang magkaroon ng debriefing. Maraming natuwa nang malamang galing ako ng Liberia. Naimbitahan sa meeting ng Executive Director at pinakilala’t pinasalamatan. Nakakataba ng puso.
Kinailangan kong dumaan sa mandatory 21-day quarantine period bago ako bumalik sa Pilipinas. Kung hindi ako dadaan ng quarantine sa labas ng bansa ay tatlumpong araw ang gugugulin ko sa quarantine compound ng isang ospital sa Manila.
Habang nasa England, may mga taong natatakot nang malaman na galing ako sa bansang may Ebola. Masakit maranasan na maging biktima ng discrimination. Habang nakaupo sa isang sulok ay tinanong ng isang babae kung saan ako galing na bansa. Ayaw kong magsinungaling. Sinabi ko ang totoo. Nabigla ako sa kanyang inasal pero naintindihan ko siya.

“Huwag kang umalis sa kinauupuan mo. Wag kang lumapit sa akin. Buntis ako!” sabi ng babae. Para akong nakakahawang sakit na pinandirihan. Kinausap ko na lang ng mahinahon na wag siyang matakot dahil hindi pa naman ako nagpapakita ng sintomas. Kung may sintomas ako ay kusa akong tatawag sa hotline batay sa panuntunan ng Public Health of England sa akin nang idaan ako sa Ebola Screening.
May dalawa pa akong nakilala na nangamba nang malaban na nagtrabaho ako sa Ebola. Pinaliwanag ko na lang sa kanila at pinanatag ang kalooban nila na hindi ako nakakahawa at hindi ko naman sila hinahawakan. Malaya silang lumayo sa akin.
Kahit sa sariling bayan, hindi pa ako nakakauwi ay naramdaman ko na ang pangamba ng iba. May natatakot, mayroon ding ayaw ng magkomento. Nabuo na rin sa isipan ko kung paano ko haharapin ang lahat. Nabuhay ako sa piling ng Ebola, mas mabubuhay ako sa sariling bayan.
Sa airport pa lang sa London pabalik ng Pilipinas ay may mga nakilala na akong mga kasabayang uuwi. Kapag tinatanong nila ay sinasabi kong galing ako ng Oxford dahil totoo naman na nanatili ako ng mahigit tatlong linggo. Ayaw ko na ring sabihin na galing ako sa bansang may Ebola baka ipagtutulakan lang ako.
Pagdating sa NAIA ay dumaan ang lahat ng pasahero sa isang screening ng DoH gamit ang isang questionnaire kasama ang thermo scanner upang Makita kung sino ang may lagnat. Ako lang ang tanging pasahero na pansamantalang hinarang upang magkaroong ng pagtatanong ang mga nagbabantay para sa mga Pinoy na galing sa mga bansang Liberia, Sierra Leone at Guinea na pinakamatinding may kaso ng Ebola.

Matapos ang ilang pagtatanong tungkol sa aking trabaho at matapos ko maipakita ang aking certificate mula sa Public Health of England na nagpapatunay na wala nga akong Ebola ay hinayaan na nila ako makalabas ng arrival area subalit humingi sila ng kopya ng aking certificate.
Ang pinakaunang tao ng nakahawak sa akin sa Pilipinas matapos ang aking mission sa Liberia as isang batang munti. Sadyang hindi ako nakikipagkamay dahil iniiwasan ko na mabigla o matakot ang iba. Nang makita ako ng bata (dati na nya akong kilala at anak ng kaibigan ko), nagmano siya sa akin at yumakap.

Kahit lampas na ako sa mandatory quarantine ay may konting pag-alala pa rin sa isip ko. Ano kaya ang iisipin ng magulang ng bata o nakakakilala sa akin. Matibay ang paniniwala ko na wala akong dalang Ebola virus dahil hindi naman ako nag-alaga ng may sakit na Ebola o humawak ng may sakit.
Ang kamusmusan ng bata ang nagbigay sa akin ng lakas ng loob na makipagkamay na rin sa iba. Sa mata ng bata, ang mundo ay patas.
Bakit Ako Pa? |Sierra Leone|2015
Nasa kalagitnaan na ako ng aking bakasyon, nang makatanggap uli ng sulat. May alok na deployment sa Sierra Leone. Napabuntong hininga na lamang ako. Bakit ako pa? Akala ko ay natakasan ko na ang bangungot ng Ebola.
Matapos ang paninimbang, pumayag na rin ako bagama’t nagsabi ako dati ng mas gugustuhin ko na mapadpad sa iba pang humanitarian response kaysa bumalik sa piling ng Ebola.
Ang Sierra Leone ay biniyayaan hindi lamang ng kagandahan ng paligid, kasama na rin ang mga likas yaman na mineral tulad ng diamond at ginto.
Sa pagkakataong ito ay hindi na Ebola ang malaking pagsubok, kundi ang uri ng trabaho. Kakayanin ko kaya? Sa totoo lang, kakaiba ang trabaho sa Ebola Response. Hindi tulad ng ordinaryong response na kumbaga, alam na naming ang timpla ng trabaho.

Sa Ebola, nag-iiba ang pamamaraan basi sa inog na rin ng pangyayari. Ang bagong outbreak ng Ebola ay hindi nahuhulaan kung saan puputok bagama’t alam namin na madalas nangyayari sa nasabing tatlong bansa.
Ang matindi pa sa naging assignment ko ay apat na field offices ang kailangan kong suportahan base sa kanilang pangangailangan. Madalas napupunta sa akin ang mahirap ng gawain lalo pa at kailangan mabilisan ang adjustment ko.
Patuloy akong nangangarap at umaasang darating ang araw na matatapos ko na rin ang aking tungkulin sa pakikipagdigma laban sa Ebola.
Dumating sa punto na sumuko na ang katawan ko at isipan sa gitna ng trabaho. Hindi makatulog sa gabi. Pago dang katawan subalit hindi inaantok. Pago dang isipan subalit dinadalaw ng kung anu anong bangungot.
Pagkaraan ng mahigit dalawang buwan ay kailangan kong mag-R&R. Kailangan ko ng pahinga. Habang tinatapos ko ang huling bahagi ng aking sanaysay ay nasa tabing dagat ako dito sa Sierra Leone para makapahinga.
Duyan ng Kamusmusan |Mindanao|2002-2010
Ang kaguluhan sa Mindanao ang nagtulak sa akin at nagbigay ng daan upang maging isang humanitarian aid worker. Ang mga pamilyang nagsilikas sa Maguindanao at Cotabato Province ang nagbigay sa akin ng inspirasyon para mas lalo ko pang mamahalin ang trabahong ito.
Nasaksihan ko ang bagsik ng digmaan sa Mindanao. Namulat ako na ang putok ng armas at pagkakawatak ng pamilya ay naging karaniwan na sa araw-araw na nilikha ng Diyos.
Dati ay hindi ko maintindihan bakit may gulo. Bakit marami ang lumilikas kasama na ang pamilya ko. Hindi ko maintindihan bakit kailangang may karahasan. Nakinig ako sa mga karanasan ng marami. Nabasa ko na rin sa kasaysayan ang iilang detalye. Nakita ko rin sa aking mga mata ang magkaka-ugnay na pangyayari na tumahi sa kasaysayan ng marami sa amin, kanila at sa ating lahat lalo na ang taga-Mindanao.
Isang taon bago pa ako magtapos sa aking unang kurso, habang araw-araw kong naririnig ang balita ng kaguluhan na pinatindi ng unang All Out War sa Mindanao, nasabi ko sa sarili ko na kapag makapagtapos ako ay gusto kong maging kabahagi ng pagbibigay tulong sa mga sinasalanta ng digmaan.
Hindi nagtagal ay nagkahugis ang pangitain ko. Nilisan ko ang pagtuturo upang makasama sa isang NGO na nakabase sa Cotabato City na tumutulong sa mga komunidad na apektado ng digmaan sa Mindanao noong 2002.
Ikalawang araw ng aking trabaho, gusto kong sumuko. Kinausap ko ang aking line manager na mag-resign na lang ako, dahil mukhang hindi ko kakayanin ang mga pagsubok. Sinabi nya na subukan ko muna ng isang buwan. Ang panadaliang kontrata sa loob ng tatlong buwan ay humaba pa, hanggat sa nakaya ko ng lunukin ang tamis at pait ng trabahong ito habang pinapanday pa ako ng pagkakataon upang ihanda sa mas matitinding hamon.
Nasksihan ko rin ang bagsik ng ikalawang All Out War sa Mindanao noong 2003. Naranasan kong matulog kasama ang mga bakwit maihatid lamang ang serbisyo. Hindi biro ang maranasang magulantang sa gitna ng gabi na yumayanig halos ang lupa sa bawat bagsak ng kanyon.
Nagawa ko na ring umiyak sa gitna ng evacuation centers sa tindi ng pagod, gutom, puyat at kinakaharap ng problema kasama ang mga nagsilikas habang nakikita ang kanilang takot at pagdurusa. Ang mga patak ng luha ay nagpatibay sa akin upang mahalin lalo ang trabaho at magkaroon ng pusong may kalinga para sa mga nangangailangan.
Naranasan ko rin kung paano pagalitan ng mga may katungkulan, mga local na lider at kung paano takutin habang ginagawa ko ang king tungkulin. Naranasan ko na rin makasalamuha ang magkalabang puwersa habang ginagampanan ang tungkulin sa mga sibilyan.
Naisip ko na rin na baka bangkay na akong hahakbangan sa mga mapanganib na lugar sa Central Mindanao na pinapasok namin sa ngalan ng paglilingkod.
Naranasan ko na rin ang hapdi ng pagiging matapat sa tungkulin. Ang aking ate at kanyang pamilya ay hindi ko magawang tulungan gamit ang relief items ng aming opisina dahil hindi naming nasasakop ang kanilang lugar. Subalit, pilit ko silang inaabot gamit ang aking sariling pamamaraan. Nagawa kong ilikas sila papunta sa ligtas na lugar subalit pumanaw naman ang aking ate dulot ng komplikasyon sa panganganak.
Mahirap din sa kalooban na makita ang mga kapatid ng aking ama at kanilang pamilya na lumilikas dahil nadadaanan ng gulo ang kanilang bayan. Parang pinipiga ang aking dibdib sa mga eksenang nakakaharap araw-araw.  Puso rin ang ginamit ko para mas magampanan ng mahusay ang trabaho.
Nakasama rin ako sa humanitarian response sa Quezon Province noong 2005 nang sumalanta ang pinaghalong bagyo, baha at langslide sa mga bayan ng Real, Infanta at Heneral Nakar. Hindi ko malilimutan nang sabihin ng dating Mayor ng Heneral Nakar na ako ay ampong anak ng kanilang bayan.
Apat na malalaking opisina ang naging bahagi ng pagpapanday sa akin bago ako lumabas ng Pilipinas noong 2010.
Agaw Eksena
Maraming katanungan ang bumabalot sa buhay ng isang humanitarian aid worker. Marami ang nagtatanong kung anong estilo ng buhay mayroon sila. Heto ay ilan lamang sa kalipunan ng mga karaniwang eksena sa buhay namin.
1.       Mabilisan ang trabaho. Hindi uso ang mabagal. Minsan, binibigyan lang kami ng 48 oras upang mag-impake at ipadala sa isang emergency response.
2.       Minsan inaabot kami ng ilang araw sa biyahe bago makarating sa deployment country. Sa ilang araw na iyon ay pagod at puyat ang pangunahing kalaban.
3.      Maraming pagkakataon na matinding pag-uusisa ang kinakaharap sa immigration maging sa sariling bansa o sa bansang pupuntahan. Minsan na akong hindi pinasakay ng eroplano sa NAIA nang ideklara kong papunta ako ng Afghanistan. Kompleto naman ako ng papeles pero hindi raw pwede maliban kung empleyado ako ng United Nations.
4.      May mga bansang harap harapan ang panghihingi ng pera ng immigration personnel at airport staff. Minsan na ako nakipag-away sa airport ng isang bansa dahil sa harap-harapang panghihingi ng pera at ayaw ibigay ang passport ko. May tatlong bansa akong napuntahan na inaakalang ako ay negosyanteng Tsino at gusto ako hingian ng pera.
5.      Dalawang beses na akong naiwanan ng eroplano dahil sa delay ng unang flights.
6.      Ilang beses na rin akong matiyagang naghihintay ng matagal sa sundo sa airport. Hindi ko alam kung nakalimutan o na-delay lang o sadyang kapabayaan. May isang airport na bawal ang placard dahil sa banta sa seguridad. Kinikilala lang ang mukha mo sa pamamagitan ng larawan at ibinibigay mong description. Matagal kaming naghanapan ng sundo ko.
7.      Madalas na pagdating mo sa pupuntahang bansa ay hinang hina ka na sa pagod at puyat. Kung malayo ang agwat ng time zone ay mahirap ang adjustment sa unang mga araw. Nagigising ka sa gabi at inaantok ka sa araw. Pagdating mo ay sabak agad sa trabaho dahil sa tindi ng pangangailangan ng mga sinalanta ng kalamidad.
8.      Sa unang araw ay ipapakilala ka sa mga staff members. Bibigyan ka ng induction o orientation. Pinaka priority ang security management. Nahihilo kang magmemorya sa mga pangalan ng tao at lugar sa unang mga araw. Ang ginagawa ko, nakikinig na muna ako, nagsusulat at hindi na muna iniisip ang mga masalimuot na sitwasyon. Iniisip ko na matutunan ko rin at mapag-aralan ang mga bagay bagay.
9.      Madalas ay problema ang tinutuluyan lalo na kung ang lugar ay sinalanta ng digmaan, bagyo, baha at lindol. Walang maayos na tulugan. Madalas ay tent ang gamit. Tulad ng aming Yolanda Response, parang kulungan ng manok kung turingan ang mga una naming tulugan. Hindi rin maasikaso mabuti ang pagkain.
10.   Kung iba-ibang lahi kayo ay talagang kailangan mong maging flexible at mahaba ang pasensya. Kailangan maunawaan natin na may kanya-kanya tayong kaugalian, paniniwala, gusto at hindi gusto. Malimit na hindi mapagkakasunduan ay ang pagkain. Ang iba ay ayaw kumain ng karne. May mga gusto ng baboy at mayroon naman bawal. Ang iba ay gusto ng maanghang at ang iba ay ayaw. Kung may pagkakataon, nagluluto ako ng sariling pagkain. Kung hindi naman pwede magluto ay nagbibigay ako ng instruction sa tagaluto kung ano ang hindi ko pwedeng kainin.
Maraming uri ng tao ang makakasalamuha mo. May sobrang tahimik, may maingay, may mababait, may masusungit, may mga traydor, may malasakit, may mapagkunwari, may masayahin, may mga matulungin at atbpa.
11.    Kailangan na mahaba ang pasensya at hindi basta basta pumapatol sa init ng ulo. Ilang beses na rin ako napaaway dahil sa ugali ng iba lalo na kung pinapahiya ka na. Iniisip ko na lang na lahat ay may solusyon. Kailangan na ikaw mismo ang naghahanap ng paraan sa magulong relasyon sa kasama. Kung talagang labag na sa Code of Conduct ang ginagawa sa iyo ay may Staff Welfare naman at HR na pwedeng pagsumbungan.
12.    Kailangan alamin mo ang security guidelines and protocols kasama ang Code of Conduct ng organisasyon dahil ang mga paglabag dito ay maaaring magresulta sa pagkansela ng kontrata depende kung gaano katindi ang paglabag o epekto nito.
13.   May pagkakataon na mataas ang peligro lalo na sa seguridad pangkaligtasan. Maraming pagkakataon na nagkukulong lang kami sa guest house. May mga banta sa kaligtasan ng mga aid workers. May mga nadudukot, nasasabugan, at biktima na mga karahasan at krimen.
14.   May mga lugar na wala talagang signal ng mobile phone kaya ang pamilya sa Pilipinas ay nangangamba kung di kami agad nakakatawag. Sa aming area sa South Sudan, sa loob ng 12 months na pmamalagi ko ay hindi kami nagkaroon ng phone signal. Kailangan pang lumuwas papunta sa sunod na state para magkasignal.
15.   May mga pagkakataon na nagkakahiwalay kayo ng inyo luggage. Maalala ko na yung nakasama ko sa Liberia ay 2 weeks ang hinintay nya bago dumating ang kanyang luggage.
16.   Mahirap din ang malayo sa pamilya. May mga mahahalagang pangyayari sa buhay ng mga mahal sa buhay na lagi kang wala. Kung may matinding problema sa pamilya, madalas na apektado talaga kami.
17.   Kung nagkataon na nagkasakit ka habang nasa deployment ay napakahirap ng sitwasyon. Wala kang matawag na mahal sa buhay na aalalay sa iyo maliban sa mga kasamahan sa trabaho. Kung nadadala ka sa ospital ay madalas ang mga kasama rin sa trabaho ang dumadalaw sa iyo. Nang magkasakit ako sa South Sudan, umayaw ako na ipasok sa pagamutan at pinilit kong magpalakas.
18.   Isa pang pagsubok ay ang language. Madali lang makipagtalastasan sa mga national staff pero madalas na mahirap makipag-ugnayan sa mga nasa komunidad o ordinaryong tao lalo na kung wala kayong common language. Ang ginagawa ko ay pinapag-aralan ko ang local language. Nagpapaturo ako sa national staff, sa guards, sa cleaner at sa tagaluto. Matutuwa ka sa reaksyon ng mga tao kung matutunan mong magsalita ng kanilang wika. Makatutulong din ito sa oras ng kagipitan at pangangailangan.
19.   Madalas na mahahaba ang oras ng trabaho. Kung nagkukwenta ka ng oras ay malulugi ka lagi dahil mahigit walong oras madalas ang takbo ng trabaho bawat araw. Hindi lang iyan, madalas din na walang weekend dahil kailangan magtrabaho lalo na sa mga unang buwan ng emergency response.
Kailangan ay magaling kang magbalanse ng trabaho at personal mong buhay. Habang tumatagal ay lalong gumagaan ang trabaho sa isang emergency response kung walang panibagong pagsalanta ng kalamidad sa naturang lugar.
20.  Nakakapamalengke rin kami kung hindi ganoon ka-busy. Yun nga lang, halos lahat ng pinapadalhan sa akin ay matitindi ang sitwasyon. Sa Liberia at Sierra Leone, may kahirapan ang pamamalengke dahil sa epekto ng Ebola. Sa Sierra Leone ay sarado na ang mga tindahan pagsapit ng Ala Sais ng gabi.
21.    May mga libangan din kami. Ang iba ay may dalang mga laruan at playing cards. Ako ay laging may dalang external drive at nandun ang mga Mp3 music collections ko. May mga movies din ako na mahigit isang daan. May mga video clips din akong dala na nakakatawa tulad ng Just for Laugh. Depende sa lugar at sa organisasyon. Pinipilit na may Sattelite TV. Madalas hindi nagkakasundo sa panonood. May gusto ng drama, mayroon ding news at ang iba ay panay sports. News lagi ang pinapanood ko kasama ang CBS Reality at NatGeo Wild.
May mga party rin sa grupo ng mga staff depende sa sitwasyon. Sa Afghanistan ay bawal ang malakas na music at malakas na tawanan sa aming compound kaya maingat kami.
22.   Kung ligtas ang lugar ay nakakapasyal din kami lalo na kung tinanggal na ang pagtatrabaho sa weekend o kung hindi na ganoon ka-busy. May mga national staff na nag-iimbita rin ng kanilang kasal. Kapag may R&R at hindi pwedeng umuwi ng Pilipinas ay ginagamit iyon para makapamasyal at makapahinga sa kalapit bansa.
23.   Musta naman ang suweldo? Sapat na ang suweldo para mabayaran ang mga utang hehehe. Salamat at nagkaroon ako ng ganitong trabaho at natutulungan ko ang mga magulang ko’t mga kapatid.
24.  Ang mga bansang narrating ko na dahil sa trabaho sa NGO ay South Sudan, Kenya, Uganda, Liberia, Sierra Leone, Morocco, Spain, United Kingdom, Ghana, Malaysia, Indonesia, Thailand, Pakistan, Afghanistan at India.

Kabilang sa hindi ko malilimutang karanasan ay ang mapunta sa Maasai Mara sa Kenya na tahanan ng mahigit dalawang milyong hayop. Isa itong natural reserve na protektado ng pamahalaan.

Nakakatuwa | Nakakaaliw | Nakakakaba
Ikaw Lamang. Naranasan ko na ang maging namumukod tangi at nag-iisang pasahero ng airplane sa Afghanistan. Ako lang ang tanging pasahero mula Kabul hanggang sa unang stop over sa Bamyan Province. Naging magkaibigan tuloy kami ng pilotog si Chris. Napapangiti na lamang habang nagbibigay ng safety information dahil one-on-one ang dating.
"
Tinolang Manok. Nagkaroon ako ng 37 na alagang manok mula sa dalawang una kong binili sa aming compound sa South Sudan. Ang aking mga manok ay may mga pangalan pero hindi ko na kinayang pangalanan nang dumami na sila. Ang mga una kong manok ay sina Mabior (ibig sabihin sa salitang Dinka ay lalaking puti), Nyayar (babaeng puti) at Nyachol (babaeng itim). May apo si Nyayar na pilay dahil naipit sa box na ginawang pugad at ang pangalan nya ay si Polio.
Nahirapan akong mag-alaga dahil araw-araw silang inaatake ng mga agila hanggang sa natuto na silang magtago at lumaban. Sa mga alagang manok ko natikman ng mga kasama ko mula sa ibang bansa ang Tinolang Manok. Nagtanim na rin ako ng Malunggay at Tanglad. Ang Malunggay ay nakita ko sa isa sa malalayong komunidad sa South Sudan samantala ang Tanglad ay galing pa ng Uganda noong magbakasyon ako doon.
Nang huli kong kumustahin ang aking mga alaga pagkalipas ng tatlong taon, ibinalita sa akin ng isang national staff na naubos na ang manok dahil kinatay ng mga natirang staff sa compound. MMK tuloy ang tema ng manok.
"
Pinoy Ako Hindi Tsino. Hinarang at inimbestigahan pa ako ng border police sa Liberia noong 2013 habang gumagawa kami ng research. Akala nila ay isa akong Tsino na nangangalakal ng diamond at ginto. Mayaman kasi ang bansa sa diamond at ginto at may mga Chinese na nagmimina.
"
Jacky Chan. Maraming pagkakataon na sa Africa ay tinatawag akong Chinese. Ang mga tao sa East Asia at South East Asia ay Chinese na rin kung turingan. Hirap silang kilalanin ang mga tao base sa kanilang bansa. Sikat ang mga Chinese dahil sa kanilang produkto at marami na rin sa kanila ang may kalakal sa Africa.
Kapag pinapahulaan ko sa kanila kung saang bansa ako galing, kabilang sa mga popular choices ay China, Japan, Korea at Taiwan. Salamat sa mga fans ni Mara at Clara, Yna at Angelo dahil sikat ang kanilang teleserye sa East and West Africa at may nakakahula na Pilipinas ang bayan ko.
May mga pagkakataon na rin na Jacky Chan ang tawag nila sa akin. May mga grupo ng tambay sa Liberia na tinanong ako, habang naglalakad at papunta ng palengke, kung marunong ako ng Kung Fu dahil gusto nilang masubukan ang aking Kung Fu. Kung sinabi kong marunong ako ay tiyak magkakabukol ako. Isang araw, habang naglalakad sa Nairobi, Kenya biglang may sumigaw ng Jacky Chan para matawag ang pansin ko.
"
Uganda Maganda. Nakita ko na rin ang Nile River at ang Lake Victoria sa Uganda kung saan galing ang tubig ng White Nile at kung saan inilubog ang abo ni Mahatma Gandhi mismo sa parte kung saan nagtatagpo ang Victoria at Nile.
Dinala ako ng dati naming kasama sa work sa kanilang liblib na komunidad at tuwang-tuwa ang mga tao sa akin. Para akong artista hehehe.
"
Bansag. Sa Liberia, ang madalas na sigaw ng mga bata kapag nakikita ako ay “wame”, ibig sabihin ay “white man”. Sa Sierra Leone naman ay “oputho” na ibig sabihin ay “puti”. Sa South Sudan ay Kawaja o Mabior (dayuhan o puti), sa Kenya at Uganda ay “muzunggu” (dayuhan). Sa Pakistan naman ay “chine” (Chinese).
"
Linlang ng Mata. Sa isa sa aking deployment area, may female staff ang partner organisation namin na di ko alam na nakamasid lagi. Isang araw ay pinadalhan ako ng mensahe sa Skype. Ang cute ko raw. Mabuti at hindi nila nakita sina Piolo Pascual at Coco Martin. Ano na lang ang sasabihin nya kung nakita nya ang dalawa.
"
Sunblock o Eyeblock? Payo sa akin ng dermatologist ay gumamit ako ng sun block na mataas ang SPF dahil lumalabas ang aking melasma kapag anbibilad sa araw. Isang araw habang naglalakad sa lansangan ng Kampala (Uganda). Namawis ako sa tindi ng init. Napunta sa mata ang pawis na nabahiran ng sun block. Sa tindi ng hapdi ng aking mata ay di na ako makakita. Nagpatabi ako. Mabuti may isang maliit na karinderia sa gilid. Humingi ako ng tubig at tinanong ng babaeng bantay kung mainit o malamig. Sabi ko malamig at iyon ang pinanghilamos ko. Simula noon ay hindi na ako kampante sa sun block.
"
Bombero! Isang gabi sa South Sudan, ako ang unang natapos ng aming panggabing kain. Lumabas ako ng aming kainan at nakita kong may liwanag sa labas ng bakod mga 100 meters ang layo at nakita kong may dalawang lalakeng nagtatakbuhan. Yun pala ay kumalat ang pagsunog nila ng damo.
Nagsisigaw ako sa aming compound para bigyang babala ang mga kasama ko at ang dalawang guards. Pilit naming nilipat ang ilang drums ng gasoline sa kabilang panig ng compound habang tumulong na rin ang aming guards at local staff ng katabing opisina sa pagsugpo ng sunog. Simula noon ay mas malawak na ang aming perimeter area para malayo sa sunog.
"
Anak ng Lumpia! Dalawang beses na tinapon ng aming cleaners (dalawang cleaners) ang pinatubo kong green mongo para gawing tauge. Tinanong ko kung bakit nila tinapon. Sinabi nila na nasira daw iyon at baka nalimutan ko lang. Nakakatuwa naman, hindi nila alam ang Tauge. Simula noon, wala ng nagtatapon ng aking Tauge.
"
Walang Pera. Naiwan ko na rin ang aking pitaka sa Islamabad (Pakistan) sa airport habang pabalik ng Pilipinas para magbakasyon noong 2011. Ang maganda ay naisauli ang pitaka kasama ang lahat ng laman after 1 week. May mga teorya sa pagkawala ng pitaka pero hindi ko na pinatulan. Ang mahalaga ay naisauli na walang kulang. Pagdating ko ng NAIA ay walang-wala akong pera dahil pati ATM ay nasa loob ng pitaka. Salamat sa bank kung saan ako may account dahil mabilis ang tulong nila gamit ko lang ay passport para maka withdraw ng pera sa account ko.
"
Money Matters. Nanakawan na rin ako ng 300 US Dollars sa isang hotel sa Pakistan nang malimutan kong kunin mula sa aking bag na lalagyan ng damit ang aking pitaka. Pagbalik ko mula sa field work ay nawawala na ang pera. Mahirap magbintang dahil walang ebidensya. Simula noon ay natuto na ako magtago ng pera mula sa magnanakaw hehe.
"
Twin Towers | Ang aking tangkad ay average na sa Pilipinas. Kaya naman pala nagmumukha akong bata sa South Sudan ay dahil ang tatangkad ng mga tao doon. Ang kapantay ko sa tangkad ay mga batang grade 3 lamang. Ayon sa isang pag-aaral, ang average height ng Dinka (pangunahing tribu sa South Sudan) ay 5’9” sa babae at 5’11” sa lalake. Lahat sila ay kwalipikado maging ramp model hehehe.
"
Pilotong Mabait | Dahil sa layo ng nilalakbay ko sa isang probinsya sa Afghanistan na kailangan ko pang dumaan ng tatlong airports sakay ng maliit na aircraft. Nahilo ako one time at tumaas ang acid level ko sa sikmura. Nakakahilo na rin dahil magalaw ang eroplano lalo na’t malakas ang hangin.
Paglapag namin sa isang air strip para kumuha ng pasahero ay nasusuka ako at kailangan kong gumamit ng palikuran dahil sumakit ang tiyan ko. Dahil hirap pumasok sa airport at tiyak di ako papayagan ay sinamahan na lang ako ng piloto. Walang palikuran sa maliit na aircraft dahil 15 lang pwedeng magkasya. Muntik na akong di umabot ng kaselyas. Kundi ako umabot ng kaselyas ay nakakahiya sa madlang pipol hehehe.
"
Makatikim Nga | Noong una akong bumiyahe sa Europe, napansin kong maliban sa apple at orange juice na sini-serve sa plane ay may tomato juice din. Gumana ang imahinasyon ko. Ano kayang lasa? Matamis kaya o maasim? Tomato juice ang order ko. Nang tikman ko ay nagbago na ang aking pagmumukha. Sobrang asim at lasang ketsup. Simula noon ay di na ako kailan man nag-order ng tomato juice.
"
Ultimo Adios | Habang nagbabakasyon pagkatapos na matitinding trabaho sa Tacloban City (Typhoon Haiyan Response), masama ang panahon. Labing limang minuto ang nakalipas paglipad ang sinasakyan ng aming eroplano, sobrang nahintakutan kami dahil halos bumagsak ang eroplano sa tindi ng hagupit ng hangin. Gumawa ako ng last text message at binuksan ang video ng aking camera para kung sakaling babagsak ay may ebidensya at may huling eksena na mapapanood hehehe.
"
Oh My Gulay | Sa South Sudan ay umaabot ng anim na buwan na walang ulan kaya walang sariwang gulay na mabibili. Pagkalipas ng tagtuyot ay unti-unting tutubo na ang mga damo at pananim. Isang araw, sinabihan ako ng guwardiya na may nakita siyang gulay sa isang maliit na palengke. Inutusan kong bumili gamit ang bisikleta at pinaluto sa aming cook.
Halos dalawang oras niluto ang gulay. Ganoon daw katagal. Nang kakain na kami ay halos masuka ako. Sobrang pait at parang suka ng kabayo hahahaha. Gulay na iyon pero noong tingnan ko ang natirang dahon at tangkay ng gulay ay damo na iyon sa Pilipinas. Natatawa sa akin ang mga kasamahan ko dahil sabi ko na pabiro, hindi ako kuamakain ng damo hahaha.
"
Inang Kalikasan | Sa South Sudan uli. May usaping Climate Change. Tinanong ako ng logistician namin kung ano ang Climate Change. Sabi ko, “you do not know? Climate Change is the change of the climate.” Natawa silang lahat at nagtanong uli kung ano naman ang Global Warming. Mas lalo silang natawa sa sagot ko. “Global warming is defined as the warming of the global.”
"
May Puso ang Pusa | Sa South Sudan, may isang wild cat na dumadalaw sa amin tuwing gabi. Hindi malapitan dahil sobrang ilap. Binabato lagi ng guwardiya. Sinabihan ko ang guwardiya na wag nyang itaboy dahil alaga ko iyo pero sa totoo ay curious lang ako sa pusa. Ang ginawa ko ay iniipon ko ang buto kapag may karne or isda maging gulay para ibigay sa pusa.
Noong una ay nilalagay ko sa daan nya malapit sa bakod. Habang tumatagal ay nililipat ko palapit ng palapit sa gitna ng aming compound. Hanggang sa nasanay ang pusa. Ginawa kong style din na pag oras na maglagay ako ng pagkain ay tinatawag siya bilang “Miming.” Nasanay ang pusa hanggang sa makilala na nya boses ko at pagmumukha ko.
Minsan nahahawakan ko ang buntot nya dahil lumalapit. Nakalmot na rin ako minsan. Sa pagdaraan ng mga araw, hindi ko man siya nahahawakan ay sinusundan nya ako at natutulog sa tabi ng aking kubo.
"
Batang Bata Ka Pa | Sa isang field office sa Afghanistan, matapos ang aking presentation tungkol sa trabaho sa harap ng mga managers, sinabi ko kung mayroon silang katangun. Nagulat ako at natawa sa unang tanong. “How old are you?” sabi ng isang manager. Mas lalo silang natawa nang sabihin ko na “I am 50 years old”. Mukha raw akong bata. Mabuti mukhang bata at hindi isip bata.
"
Nasaan ang Hustisya? | Sa South Sudan ay minsan lang ako makakain ng prutas. Kung mayroon man ay kundi sobrang mahal ay hindi na sariwa. One time, nagtanong ako kung magkano ang saging (maski luma na). Nalula ako sa mahal. Naisip ko kung gaano kamura ang saging sa Pilipinas. Ang pitong piraso ay singhalaga ng isang sakong saging na sa atin. Napasubo ako sa aking pagtanong at kahit masakit sa kalooban ay binili ko na lang hehe. Hindi sa hindi ko kayang bumili pero iniisip ko na hindi makatarungan ang sobrang taas ng presyo.
Naulit uli sa Afghanistan. Hindi ako pinayagan makalabas ng compound dahil sa seguridad. Nagpabili ako ng saging. Ilang piraso lang ang nabili ng pinadala kong pera dahil mahal raw. Nang tingnan ko ang tatak ay galing ng Pilipinas.
"
Ukay Ukay | Sa Liberia, naparalisa ang trapiko dahil sa national election at nabara ng isang rally ang buong capital city. Habang naghahanda kaming lahat sa office compound (takipsilim na) ay na-alarma ang iba. Yung mga nakatakong at nakabota ay mahirap daw ilakad lalo na at mainit. Mabuti raw ako dahil komportable at Crocs sandal ang gamit ko. Hindi lang nila alam na galing ng Baclaran at P150.00 lang bili ko.
Napansin ng isang manager sa Sierra Leone ang aking back pack na Converse All Star. Maganda raw. Hindi niya alam na P100.00 lang bili ko sa Ukayan sa Davao. Sadyang binili ko iyon para makayanan ang tindi ng Africa.
Minsan kailangan kong magdagdag ng damit sa deployment. Sa South Sudan, hindi ko nagustuhan ang ibinibentang damit sa mga shops dahil hindi kalidad at hindi ako nagagandahan sa tela at style. Saan ako nakahanap ng komportable na magagamit ko araw araw sa field? Sa Ukayan na rin na nakasabit sa pader at puno.
Maganda raw ang winter clothes na ginamit ko nitong 2015 sa UK. Hindi nila alam na sa Ukayan sa Liberia ko binili. Nakakatakot pumunta ng UK na walang dalang winter clothes baka matulad ako sa isang kasama ko galing Africa na kundi sya natulungan ng paparaan na matandang babae ay baka nangisay na siya. Hindi nya magamit ang kanyang daliri sa pagbukas ng pintuang may password dahil nanigas ang kanyang mga daliri.
Magaling ako sa ukayan dahil dati akong nagtitinda ng ukay-ukay sa Bayan ng Upi, libre halukay, wag lang tangay hehehe!
"
Negosyante Minsan | Ang mga gadgets ko tulad ng cellphones, computers, camera pati na rin relo ay nabebenta sa mga kasamahan ko sa mission. Hindi ko naman ipinagbibili pero sila na ang nakikiusap dahil madali lang daw makabili sa Pilipinas. This time ay hindi na muna ako bumili ng bagong personal na computer lalo pa’t ang isang kumuha ng gamit ko ay may utang pa hehehe. Pero may humihirit dito sa Sierra Leone. Gustong bilhin ang aking android phone. Baka magkakasundo kami hehehe.
"
Minsan Obama, Minsan Gupit | South Sudan uli. Nagpagupit ako minsan. Ang akala ko ay alam ng barber gupitan ang buhok na hindi naman kulot. Sa kanila kasi ay kinakalbo ang gupit. Sabi ng barber ay alam niya at naniwala naman ako. Ang labas ng gupit ko ay Obama Cut kung tawagin nila. Parang lampaso lang naman.
Pagdating ko ng guest house ay tuwang tuwa ang kasama ko na taga France. Pangit daw ng gupit ko. Nagpagupit din siya sa araw na iyon. Pagbalik nya ng guest house ay ako naman ang bumawi ng malakas na halakhak at nakasimangot na siya. Doon din siya nagpagupit sa naggupit sa akin. Pareho na rin kaming pangit!
"
Ok Fine! | Sa Casa Blanca, Morocco. Nagpalipas ako ng gabi sa city dahil isang araw ang pagitan ng aking flights. Pagdating sa hotel ay natulog muna ako dahil sa sobrang puyat. Pagsapit ng gabi ay pumunta na ako ng restaurant ng hotel.
Fine Dining kuno ang tema. Hindi fine ang moment ko dahil hindi ko alam ang putahe. Nakasulat lahat sa French at Arabic. Hindi masyado magkapagsalit ng English ang waiter. Basta nag order na ako base sa menu. Pagsapit ng order ay isang matabang na inihaw na isdang isang guhit ang dumating. Ang laki pa ng kutsara at tinodor na halos magbabara na sa mukha ko hahahaha. Ayaw ko ng fine dining, andaming sandatang nakalagay sa mesa.
"
Umuusok na Printer| Sa South Sudan. Hindi uso ang electricity dahil nasa masukal na kaparangan ang aming office. Bagong tayo an gaming compound at wala pang kagamit-gamit kaya nakikisuyo kaming mag-konek sa kabilang opisina. Isang araw, dinala naming ang aming printer para doon na magprint. Sobrang gulat namin at natawa dahil umuusok na ang aming natatanging maliit na printer. Hindi kinaya ang power ng generator. Pwede rin nab aka peke ang nabiling printer J.
"
Lamang Loob | Sunday sa Koinadugu District, Sierra Leone, galing ng opisina, sa loob ng sasakyan at nagpapahatid sa driver papunta ng guest house. Dumaan kami sa Roundabout (Roundball) na kasalukuyang ginagawa. Sinabi ng driver sa akin: “This is the heart of the city.” Natawa siya sa tanong ko: “If this is the heart of the city, where are the liver and the lungs?”
"
Poreber | Marami sa amin na sa trabahong ito nakita ang kanilang Forever. Mayroong din sa trabahong ito galing ang pandilig para magkaroon ng Forevermore. Subalit, mayroon dinsa trabahong ito nagwakas ang kanilang Forever. Marami rin sa amin na naniniwalang hindi dito nakikita ang Forever.
Paninimbang
Gusto mo bang sundan ang mga yapak ng humanitarian workers? Marahil ay napagtanto mo kung gaano kakulay at gaano kasalimuot ang buhay namin. Minsan ay sanayan lang pero madalas ay lakas ng loob, ibayong sikap, pagtitiis at pagmamahal sa trabaho ang puhunan. Minsan ay halakhak at ligaya pero madalas ay luha, pawis at dugo ang kasangkapan sa trabahong ito.

--oOo--
Natapos ang pagsusulat nito sa dalampasigan ng peninsula ng Freetown, Sierra Leone. Saturday 20 June 2015 habang nakabakasyon sa trabaho.
--oOo--
Paunawa: Ang nakasulat dito ay personal kong karanasan at walang kinalaman ang mga organisasyon kung saan ako nagtatrabaho sa personal kong mga pananaw. Kung may kamalian man sa aking sinulat ay akin lang iyon. Kung may maling pag-intindi dahil kinulang ako sa paliwanag ay hindi ko na po pananagutan.