22 Apr 2015

Kahapon, Ngayon at Bukas

Masasabi natin na ang buhay ng bawat nilalang ay isang paglalakbay. Ito ay may simula at tiyak may patutunguhan. Sa bawat yugto ng paglalakbay na ito ay samu't saring palamuti at pagsubok ang mararanasan.

Ang kahapong dumaan ay maaaring masaya o malungkot na alalahanin. Maging ano man ang naging kulay ng nakaraan, patuloy pa rin ang paglalakbay. Hindi lahat ng ngayon ay pawang ligaya at tagumpay ang matatamasa. Maaaring patuloy pa rin tayong dinadalaw ng alaala ng kahapon o pagsubok ng kasalukuyan.


Ang ngayon ang tulay sa pagtahak sa hinaharap. Maaaring hindi natin hawak ang takbo ng buhay natin o wala tayong kakayahan na baguhin ang magiging kulay ng bukas. Subalit, mananatiling nakasalalay sa ating mga kamay ang ating ligaya at kalungkutan.

Nasa ating balikat kung paano natin haharapin ng may ngiti sa labi ang bawat pagsubok na kinakaharap. May mga mumunting hiling tayo na maaaring hindi mapagbigyan ng tadhana pero hindi iyon ang katapusan ng bawat pangarap at hangarin.

Gustuhin man natin na mabuo ang lahat ng hangarin ay maaaring kabiguan ang kahaharapin. Maraming pagsubok at balakid ang magiging banta subalit ang taong handang magpakasakit at magtagumpay ay hindi yumuyuko sa hamon ng buhay. Hindi na mahalagang masawi ang bawat nilalang basta ba naman hindi sumusuko.

Lahat tayo ay may hinaharap hindi lamang mga pagsubok kundi mga tungkulin sa kanya-kanyang buhay at kapalaran. Minsan tayo binuo sa kahapong dumaan subalit pinaglayo ng pagkakataon hindi upang magkawatak-watak subalit para mahanap ang kapalarang nakalaan.

Hindi na tulad ng dati na mayaman tayo sa oras upang laging magkakasama. Hindi na tulad ng dati na laging may laya ang katawang lupa sa bawat hangarin. Iba na ang ngayon, iba na ang inog ng mundo. Nagbago na rin ang mga katungkulan at tungkulin natin sa buhay.
Nagbago man ang takbo ng panahon, naiba man ang laging masayang ihip ng hangin, laging malayo man tayo sa isa't isa, binubuklod pa rin tayo ng kahapong dumaan. Kailanman ay walang kamatayan ang alaala ng kahapon.

Maaaring hindi man ganoon kadalas tayo magkikita o magkaka-ugnayan, hindi iyon hadlang upang limutin ang bawat isa. Dumating na rin tayo sa punto ng kasaysayan na hindi man nagkikita pero nakakapag-ugnayan hindi lang sa isipan bagkus sa mga teknolohiyang hatid ng makabagong henerasyon.

Sa lakbay ng buhay, may kanya-kanya tayong landasing tahak. Hindi alam kung hanggang saan at hanggang kailan ang paglalakbay na ito. Saan man tayo anurin ng kapalaran, hindi nagkulang ang kahapon upang maging sapat na ang alaalang lipas.

Sa mga bukas pang darating at sa mga bukas na hindi na darating, mahalaga na minsan ay tayo ay nagkasama. Ang ugnayan natin sa isa't isa bagama't may hangganan hindi nawa mamamatay. Hangarin natin ang ligaya at tagumpay ng bawat isa. Saan man tayong sulok naroroon, tayo ay nasa iisang langit pa rin.