12 Feb 2015

Sakbibi ng Dalamhati

Sa kasalukuyang pangyayari sa Bayang Magiliw na nag-ugat sa madugong labanan sa Mamasapano, nahahati ang madla. Kaliwa’t kanan ang bangayan. Samut’s sari ang pananaw.

Mga magkakasalungat na paniniwala, magkakalabang opinion at magkakatunggaling pag-iisip ang humahati sa marami.

May nananawagan ng kaguluhan, may sumisigaw ng katarungan at may nananalangin ng kapayapaan at pagkakaisa.


Ang kasaysayan ng Mindanao ay dinilig hindi lamang ng luha bagkus pati na rin ng dugo. Hindi na mabilang pa ang mga indibiduwal na nabuwal sa bangin ng kamatayan. Hindi na rin maibabalik pa ang mga pangarap na naglaho. Hindi na rin maipinta ng salita at damdamin ang hinagpis at dusa ng mga sinalanta ng kaguluhan. Hindi na rin kayang bayaran pa ng salapi at ano mang tinag na yaman ang epekto nito sa marami, buhay man o yumao na.

Sa bawat putok ng bala at kanyon na pumupunit sa katahimikan ng apektadong mamamayan, sa bawat buhay na nalalagas, at sa bawat paglikas at pagdurusa ng mga bakwit ay lumalalim ang sugat sa puso ng Mindanao.

Ang kaguluhan ang pangunahing dahilan ng ng paghihirap at kahirapan na dinaranas ng maraming mamamayan sa Central Mindanao at iba pang lugar sa Lupang Pangako.

Sa patuloy na bangayan ng marami maging sa TV, sa radyo, sa social media at iba pang lunsaran ng impormasyon ay mas lalong umiigting ang puot sa bawat isa o sa magkabilang panig. Kanya-kanyang paratang at madalas masama ang iniisip at gustong mangyari.

Hindi ba pwedeng magksasundo na hanapin ang mapayapang solusyon? Ang panawagan ng kaguluhan o all-out-war ay isa ba itong mapayapang solusyon? Kung mali ang ginagawa o ginawa ng isang panig, pwede bang ituwid ito ng isa pang pagkakamali?

Marahil ay dumating na tayo sa punto na dapat ng tuldukan ang kaguluhan sa pamamagitan ng kapayapaan. Matagal ng pagod ang maraming mamamayan sa Mindanao sa pananalasa ng kaguluhan sa kanilang buhay at kabuhayan.

Panahon na para ituwid ang kamalian. Panahon na para magkaisa at labanan ang mapang-aping kaisipan.

Bawat isa sa atin ay may pananagutan, humahawak ka man na sandata o nakatanaw lamang; sa pamahalan ka man, sa rebelde o rebolusyonaryo ka man pumapanig; isa ka mang sibilyan, mamamahayag, pulitiko, artista, o kahit sino ka pa; lahat tayo ay maaaaring maging bahagi ng solusyon o kahalili ng problema.

Iwasan na lamang na magbitiw ng masamang hangarin, salita o panawagan. Isipin muna kung ang bibitawang opinyon ay magdudulot ng kabutihan o maghahasik lamang ng galit.

Iwasan ding isama sa usapin ang tribu at relihiyon dahil hindi mas lalong hindi makakatulong. Hindi ito away ng Kristiyano at Muslim. Ito ay may sangkap na pulitikal. Subalit, kahit ano man ang puno’t dulo nito, nararapat lamang na makibahagi tayo sa solusyon at hindi makisama sa problema.


Dalawa lang naman ang maaaring mapagpilian. Una, tayo ay magkagulo, mapunit at magkawatak-watak. Pangalawa, tayo ay magkasundo, mahibla at magkabuklod-buklod. Kaibigan, maaari ka bang makasama sa paghahanap ng mapayapang solusyon?