Babala: Mahaba ang sanaysay na ito. Pwede mo naman balik-balikan hanggang
matapos mong basahin. Magkakahalong ngiti, halakhak, kirot sa puso at maaaring
inspirasyon ang inyong matutunghayan. Maligayang paglalakbay!
Ano po ang work n’yo?
Ang ganda ng work mo.
Nakakapunta ka sa maraming lugar.
Ang gaganda ng pictures mo sa
Facebook.
Pangarap kong makapunta rin sa
ibang lugar.
May bakante po bang trabaho dyan?
Pwede po ba akong mag-volunteer
sa inyo?
Hindi ka ba natatakot?
Iyan ay ilan lamang sa mga tanong na malimit
na ipinaparating sa akin ng mga kaibigan at kakilala personal man o sa online. Hayaan
ninyong bibigyan kasagutan ko ang maraming katanungan at itataas ang tabing sa
uri ng tarabahong ito.
Hindi ko ikinakaila
na maraming dalang ligaya, ginhawa at palamuti ang uri ng trabaho ko. Subalit,
naikukubli ng mga larawan at ngiti sa mukha ang pighati, panganib at dusa na
kaakibat ng trabahong ito.
Madalas na
tinatawag na Humanitarian Work ang klase ng trabaho ko. Kung nasaan ang
malakihang kalamidad tulad ng digmaan, lindol, bagyo, disease outbreak,
malawakang paglikas atbpa ay naroroon ang humanitarian organisations upang
maghatid ng tulong at serbisyo.
Maraming uri
ng humanitarian workers. May mga nasa medical at health services, water,
sanitation and hygiene (WASH), food security and livelihoods (FSL), rescue
operations, relief distribution atbpa.
Maganda naman
ang benefit package ng humanitarian work. Libre ang proseso ng papeles kasama
na ang airline tickets at ang accommodation. Depende sa uri ng kontrata at
organisation, may subsistence allowance din na madalas tinatawag nilang “per
diem” para sa pagkain at iba pang personal na gamit habang nasa deployment. Ang
iba ay kasama na sa sweldo ang gastusin kaya kailangang magtipid.
Ang ibang
organisasyon naman ay hindi na sakop ang accommodation pero binibigyan ang mga
staff members ng partial allowance para makahanap ng tutuluyan.
May mga
organisayons naman na volunteers naman ang kanilang staff. May allowance din
para sa inyong pangangailangan tulad ng pagkain, tirahan at konting savings
kung matipid ka.
Saan Mang Sulok ng Mundo!
Maraming
napupuntahang lugar. Sa loob ng pitong taon ay 15 na bansa na ang napuntahan ko.
Lima dito ay doon ako nagtatrabaho samantala ang iba ay para sa training,
briefing/debriefing at holiday break. Ang mga bansang napuntahan ko ay talagang
hindi maiwawaksi sa gunita.
Mayroon kaming
tinatawag na R&R (rest and recuperation) o holiday break para makapahinga
at maka-recover ka sa matinding stress at pagod sa trabaho. Depende rin sa
lugar, ito ay madalas ibinibigay pagkatapos ng 2 o 3 buwan na trabaho. Ang
madalas na sinasagot ng opisina ay pamasahe. May mga opisina rin na sagot ang
hotel. Ang R&R ay madalas na 7 araw kasama na ang travel days. May mga
organisasyon naman na ibinibigay na sa iyo ang pera at ikaw na ang bahalang
magpakasya para sa iyong tickets, accommodation, visa, pagkain atbpa.
Magagadang
larawan? Sa kaso ko, pinipili ko ang mga larawang ibinabahagi ko sa social
media. Madalas na gusto kong ibahagi ang magagandang tanawin, kultura,
pamumuhay at mga pangyayari sa lugar ng aking deployment. May dala-dala akong
sariling camera at hilig ko ang kumuha ng mga larawan. Ang mga larawang ito ang
piping saksi sa mga pangyayari at sitwasyon sa aking trabaho.
Iba’t Ibang Kulay, Iisang Tao
Kung ikaw ay
humanitarian worker, lalo na kung nasa labas ka na ng Pilipinas, ay marami kang
makakahalubilong uri ng tao sa tarabaho o sa bansa kung nasaan ang misyon mo.
Hindi ko na halos mabilang ang lahi na nakasama ko sa trabaho. Kailangan talaga
na marunong kang makibagay sa kanila at marunong gumalang sa kanilang
paniniwala, kaugalian at pananaw. Kailangan din na mataas ang kalinangan natin
tungkol sa kasaysayan, sitwasyon, kultura at mga alituntunin sa bansang
pinupuntahan.
Dahil sa
trabahong ito, mas napagtanto ko na ang mundo ay mayaman sa kultura. Makululay
at ang iba ay namumukod-tangi ang kanilang kaugalian.
Napagtanto ko
rin na sa kabila ng ating pagkakaiba, tayong lahat ay pantay pantay bilang
miyembro ng Sangkatauhan. Mas natutuhan kong tanggapin ang kapintasan ko o ng
iba at napapahalagahan ko kung anong mayroon ako.
Sumabak ka na rin!
Sa mga
nagtatanong, pwede bang mag-apply sa trabahong ito? Pwedeng pwede! Ang
kailangan lang ay galing, kakayahan, karanasan, sipag, magaling na
pakikipagkapwa tao at pagmamahal sa trabaho. Dapat na may sakap kang karanasan
sa inyong napiling linya ng trabaho. Mababasa mo na rin sa job profile ang
detalye ng trabaho.
Ang naging
apat kong trabaho sa labas ay pawang online application at libre pa. Heto ang
link sa international job posting: www.reliefweb.int/jobs kung saan ako nag-apply dati.
Pwede mo ring bisitahin ang website para magkaroon ka ng kaalaman kung anong
mga trabaho ang laging nakasalang at kung anong mga competencies na hinahanap.
Madalas ay
mahirap makahanap ng trabaho sa labas dahil sangkatutak ang makakalaban mo sa
application na magagaling mula sa ibang panig ng mundo. Kaya mong
makipagsabayan basta sakto o malakas ang inyong qualifications na hinahanap sa
isang trabaho. Ayusin na rin ang inyong CV ayon sa competencies na hinahanap ng
organisation na nakasaad sa Job Profile para madaling ma-short list.
Kapag
nakapasok sa short list, tiyak na makikipagtagisan ka sa galing at talino sa
dalawang uri ng pagsusulit: written exam at interview. Siguruhin na alam mo ang
trabahong inaaplayan mo at kabisado ang mga mga activities. Sagutin ng diretso
ang tanong, hindi kailangang mabulaklak ang pananalilita at hindi rin kailangan
ang general statement tulad ng “world peace” at “love for mankind” hehehe.
Madalas na
hinihingi nila ang konkretong halimbawa. Humalaw ka ng halimbawa mula sa inyong
karanasan sa mga nakaraang trabaho. Mag-ingat sa mga sagot. Ang mga sagot mo
ang magtatakda ng inyong kapalaran. Alalahanin mo, nababasa sa inyong sagot o
pananalita ang inyong pagkatao. Ang attitude kung tawagin ay mataas na puntos
para ikaw ay matatanggap o lalagpak.
Marami rin
akong alam na nagsimula sila bilang volunteer sa ibang bansa. Nagbalak na rin
ako minsan pero nagkataon na nauna ang employment offer noong 2010 kaysa mag-volunteer.
Sa mga gustong mag-volunteer, pwede kang mag-apply sa www.vsobahaginan.org. Pwede mo rin bisitahin ang
website upang basahin ang kanilang FAQs para magkaroon ka ng ideya.
Kasawian Nila’y Kaligtasan ng Iba
Hindi lang puro
ngiti, ligaya at tagumpay ang kaakibat ng humanitarian work. May kakambal din
itong panganib, lumbay, pagdurusa at kasawian.
Ang
humanitarian work ay tinaguriang the most
dangerous job on Earth dahil ang humanitarian aid workers ay laging nasa front line at
bunganga ng panganib. Dahil sa maraming nasasawing tulad namin ay inaprubahan
ng UN General
Assembly noong 2009 na
bawat August 19 ay ang paggunita sa World
Humanitarian Day.
Binibigyan pugay at gunita ang mga nasawi habang inihahatid ang tulong at
serbisyo sa mga apektado ng kalamidad. Naging inspirasyon ng pagkatatag ng World
Humanitarian Day ang kamatayan ng 22 humanitarian workers sa Iraq noong 2003.
Sabi nga ni UN
Secretary General Ban Ki-moon “Humanitarian workers and their families are hit hardest
by these crimes. But they are also felt by millions of others. Let us honour
the fallen by protecting those who carry on their work – and supporting
humanitarian relief operations worldwide.”
Alam namin ang panganib sa aming trabaho. Ako mismo ay
tinanggap ko na ang trabahong ito ay nababalot ng peligro. Nang ipadala kami sa
West Africa upang maging kabahagi ng Ebola Response, nakakapangamba ang papeles
na pinirmahan namin dahil mababatid mo na walang kasiguruhan ang buhay mo sa
banta ng Ebola Virus. Bagama’t gagawin ng opisina ang lahat ng pamamaraan,
hindi nito sakop ang magiging kapalaran mo kung makakabalik ka pa sa Bayang
Mutya.
Sa bawat paglisan ko, sa bawat kaway ng kamay at sa bawat
paalam papunta sa aking misyon, binubuhay ako ng inspirasyong makatulong at
makauwi ng buo kahit marahil na ang lahat ay walang kasiguruhan.
Marami sa amin ang nagdurusa, nawawalan ng katinuan sa
sarili at sumusuko sa tindi ng nakakaharap na peligro. Maraming tulad namin ang
biktima ng karahasan, pagdukot, pagkakasakit at ang ilan ay nabuwal sa bangin
ng kamatayan.
Narito ang ilan sa aking hindi malilimutang karanasan
habang nasa trabahong ito. Ang pagkakasunod ay wala sa taon.
Lampra, Balde at Misteryo|South Sudan|2010
Ang aming operational area ay sa gitna ng malayong estado
na walang phone signal, walang kuryente at kulang sa pagkain. Bawat ikadalawang
linggo kung kami ay lumuwas upang mamili ng aming pagkain at makatawag sa
pamilya. Sa loob ng unang apat na buwan ay wala kaming ilaw maliban sa lampara,
sulo at sinag ng buwan.
|
Ito ang mukha ng aming compound nang matapos itong gawin noong May 2010. Ang Tukul (tawag sa kubo ng yari sa putik na semento at damo na atip) na may green na pinto ay ang aking kubo sa loob ng 12 months. |
Ang kadiliman ay nagbigay sa akin ng inspirasyon upang
gumawa ng maliliit na ilaw mula sa lighter na gawa sa China na may maliliit na
ilaw. Ang maliliit na led light ay konektado sa ordinaryong baterya (dalawa).
Mga isang dosena ang ginawa ko para gawing ilaw sa aming kubo, bakod at sa
guard house tuwing gabi.
Hindi nakapagtataka kung bakit ganoon na lamang an gaming
sitwasyon dahil kami ang unang staff na pinadala para buksan ang bagong programme
para sa mga bumalik na pamilya (refugees) na kapwa sinalanta ng kaguluhan at
malawakang kagutuman. Maliban sa national staff, anim kaming banyagang staff
mula sa Kenya, Nigeria, Pakistan, Uganda at ako mula sa Pilipinas.
Maalala ko na sa unang mga linggo, bawat umaga ay
tig-isang baldeng tubig ang rasyon sa amin bawat umaga. Ikaw na ang bahalang
magpakasya mula sa paglilinis pagkatapos magbawas hanggang sa paliligo.
Dapat masinop sa tubig dahil mahirap makahanap ng tubig
lalo na kung panahon ng tagtuyot. Naibsan bahagya an gaming problema sa tubig
nang maglagay ng tangke subalit kailangan pa rin igiban ng balde-baldeng tubig
araw-araw.
Isang gabi, may apat na lalaki na bumisita sa compound at
hinanap ako. Gusto nila na gamutin ko raw ang mga taong nawawalan ng malay
(madalas ay mga kabataan) na naging palaisipan sa kanila kung bakit biglang
nawawalan ng malay. Misteryo ang nangyayari sa mga kabataan at ang usap-usapan
sa lugar ay dulot ng masamang ispiritu.
Ipinaliwanag ko na wala akong kakayanan at hindi iyon ang
uri ng aming trabaho. Nagpumilit sila at binantaan kami na kung di ako pwede ay
kukunin ang dalawang sasakyan o ipapasok sa kulungan ang aming manager at hindi
kami pwedeng mag field work.
Mabuti at nagawaan ng paraan ng isang opisina ng
pamahalaan na hindi kami pwedeng pilitin at pagtangkaan. Nakahanda na kaming
lumikas noon at bitbit ang aming “run bag” upang paghandaan ang darating na
panganib.
Ang South Sudan ang una kong deployment. Ang lugar na ito
an gang sitwasyon naming ang nagturo sa akin ng maraming bagay para mas
mamahalin ko ang trabaho. Marami kaming pinagdaanang pagsubok na nagpatibay sa
amin.
May mga kasamahan din kami na nag-resign sa trabaho dahil
sa tindi ng mga pagsubok at sitwasyon.
Pagkatapos ng anim na buwan ay umuwi ako’t din a
nag-renew ng kontrata dahil na rin sa hirap ng sitwasyon namin.
Masidhi |Pakistan|2011
Kasama ako Pakistan Flood Response na milyong tao ang
apektado. Maganda ang lugar subalit nakakalusaw na init ang mararanasan tuwing
tag-init at matinding lamig naman sa taglamig.
Kailangang makibagay sa kapaligiran upang mapababa ang
peligro. Kung anong damit nila ay ganoon din ako. Kailangan din matutunan ang
kanilang salita para mas madaling makipagtalastasan.
|
Ang mga makukulay na sasakyang pangkargo ng Pakistan. |
Nagulantang ang mundo lalo na kami na nasa Pakistan nang
sumabog ang balita na napatay si Bin Laden. Natigil lahat ang trabaho at
nakakulong lang kami sa guest house. Kilabot ang nadarama ko habang nagpaplano
ng evacuation kung sakaling magkaroon ng malawakang kaguluhan dahil ang aking
passport ay nasa tanggapan pa ng pamahalaan sa Islamabad at sarado lahat ang
opisina.
Inisip ko na walang magpasakay sa akin na eroplano kung
walang passport hehehe. Alam ko naman na gagawin lahat ng opisina na mailigtas
kami pero kung talagang kanya-kanyang takbo na ay wala akong identity maliban
sa ID at kopya ng passport. Kung anu
anong sapantaha ang bumabalot sa utak ko. Mabuti at hindi lumaki ang gulo at
pagkalipas ng ilang linggo ay nakuha ko na rin ang passport ko.
Isang araw, habang nasa training ako bilang facilitator
ay dumating ang aming Admin Officer at hinihingal. Kailangan ko raw sumama
dahil ang buong bayan ay nanganganib. Nagsarado na mga business establishments
at dumarami na ang mga tao sa lansangan, nagpoprotesta dahil sa pagpatay sa isa
nilang lider pulitiko. Madalas na nagiging madugo ang protesta. Kailangan daw
ay iipunin kami para mas madali ang paglikas.
Nangyari rin sa amin na binigyan lang kami (dalawa kaming expat sa isang
malayong distrito) ng 30 minutes para magligpit dahil ililipat kami agad sanhi
ng isang panganib pangseguridad. Ang kasamahan kong babae mula sa Europa ay
takot na takot dahil hindi agad sinabi sa amin kung ano ang panganib na iyon habang
nagkakaroon pa ng confirmation. Ang ginawa ko ay pinasok lahat ang gamit na
kasya sa aking bag at sako at dinala paglikas.
Pauwi na ako ng Bayang Sinilangan nang magka-aberya ang aking flight. Delayed
ng apat na oras. Ang resulta, naiwanan ako ng Malaysian Airlines sa Karachi.
Mabuti at maagap ang opisina at nilagay ako sa isang hotel malapit sa airport.
Nanatili ako ng 3 araw doon dahil walang available flights. Hindi ako makalabas
ng hotel dahil magulo ang Karachi sa panahong iyon dahil sa active and target
shooting ng nangyayari dulot na rin ng problemang pangpulitikal.
Bagama’t maraming pagsubok, mahal na mahal ko ang
Pakistan. Napuntahan ko rin ang Mohenjo-daro na tahanan ng Indus Valley
Civilisation na isang matanda at progrsisbong kabihasnan noong 2600BC.
Sa Piling ng Scorpions |South Sudan|2011 -2012
Muli akong pinadpad ng kapalaran sa South Sudan noong
2011 sa loob ng anim na buwan. Panibagong yugto naman ng pakikipagsapalaran.
Hindi ko ninais noong una na bumalik pero napag-isip ko na magandang bumalik
upang masundan muli ang pagbabagong naganap.
Masaya akong nakita muli ang mga dati kong kasama lalo na
ang national staff na napamahal na sa akin. Marami sa kanila ang naging
emosyonal dahil hindi nila inakala na babalik pa akong muli.
Hindi rin naging madali ang aking pagbabalik muli. Maraming
pagsubok at mahirap pa rin ang buhay. Tulad ng dati, ang kwento ng kahirapan at
ang walang kamatayang pag-asa ng mga tao ang laging bumubungad sa akin.
Hindi ko malimutan ang aking unang pagbisita sa isang
liblib na komunidad kung tawagin ay Amethaker. Walang matinong pinagkukunan ng
tubig. Ang mga babae at mga bata ay naglalakad ng buong maghapon sa pag-iigib
ng inuming tubig tuwing nagtuyot.
Ang mga bata sa Amethaker ay minsan lang maligo dahil sa
kawalan ng tubig. Ayon sa kanila ay isang beses lang sila maligo sa loob ng
dalawang linggo. Ganito ang sitwasyon sa loob ng anim na buwang tagtuyot.
Uso rin ang away tribu. Madalas na dahilan ay ang agawan
sa pastulan at hayop na rin lalo na kung tagtuyot. Ang pag-aalaga ng baka ang
pinakamalaki nilang hanapbuhay. Ang kabilang tribu ay madalas umaatake at
kinukuha ang alagang baka. Magkakaroon naman ng paghihigante ang biktimang
tribu at aatake sa kabila.
Minsan na akong nabiktima ng scorpions. Akala ko ay
malagutan na ako ng hiningi nang makagat ako (kagat ang tawag maski sting naman
ang dahilan ng sakit hehehe) ng Scorpions na hindi lang isa kundi dalawang
beses. Doon ko dinanas ang pinakamatinding pisikal na sakit.
Namanhid ang aking paa at nanghihina ako sa loob ng apat
na araw. Walang anti-venom sa lugar. Takot na takot ang aking line manager.
Pinaubaya ko na lang sa tagapaglikha ang lahat.
Nagkaroon din ako ng Malaria at Typhoid Fever. Hirap malaman
ang deperensya ng dalawa kung sa liblib na state ka na-check up dahil hindi
ganoon kagaling ang kanilang manggagamot. Madalas ay mga ordinaryong tao na
nabigyan ng training lang ay nurse na sila agad. Ang matindi, bawat lagnat ay
kinokonsidera na Malaria.
Napamahal sa akin ang lugar. Nakalimutan ko ang aking
kulay. Kahit sa liblib na komunidad ay napapasok ko. Bininyagan ako ng tagaroon
ng bagong pangalan bilang “Deng Kawaj”. Ang Deng ay Ulan at ang Kawaj ay
Dayuhan.
Tulad ng una kong paglisan, naging emosyonal ang tagpo.
Bagama’t nagdirriwang ang staff bilang pasasalamat ay punong-puno ng emosyon. Namalagi
ako ng anim na buwan. Bagama’t may pagkakataon na pwede pa akong tumagal ay
pinili ko na lang na hanggang doon na lang ang aking paglalakbay sa South
Sudan.
Sa Mundo ng Panganib |Afghanistan|2012
Kabilang ang Afghanistan sa hindi ko pwedeng limutin na lugar. Nakita ko dito
ang mukha ng kaguluhan at ang tunay na kapayapaan sa puso ng ordinaryong
Afghani. Sadyang nakakatakot subalit ito ay natatabunan ng kagustuhang
makapaglingkod.
Ni minsan ay hindi ko nagawang kumuha ng larawan sa downtown Kabul maliban sa
pasilip na pagkuha mula sa salamin ng sasakyan at opisina. Baka mahuli at kung
anong paratang ang ipupukol sa akin.
|
Ang mga tanawin sa probinsya ng Afghanistan ay sadyang napakaganda. Busog na busog ang mata ko sa pagmamasid sa kagandahan ng lugar. |
Naranasan kong sumakay ng aircraft na ako lang ang pasahero. Sadyang
nakakatakot sumakay ng maliliit na aircraft dahil halos ibabagsak kami ng
matitinding hangin maliban sa peligro na baka sasabog na lang mula sa mga
armadong elemento.
Kahit pamamalengke ay mahirap gawin dahil kailangan dumaan ka muna sa scanner
at kapkap bago ka makapasok sa shopping mall. Hindi rin kami pwedeng magtagal
at kailangan umalis agad.
Isang araw, habang nasa isang field office, hiniram ng
aking line manager ang laptop habang nagsusulat ako at may sinulat siya: Bawal
lumabas sa compound! May banta raw sa seguridad.
Sa gitna ng dilim, Ala Una ng madaling araw, ginimbal ako
ng malalakas na putok. Akala ko ay inatake na kami ng mga armado. Sumilip ako
sa maliit na butas sa bintana at nakita ko sa kabilang panig ng ilog ang mga
pulis at sasakyan, nagkakagulo. Sa sobrang takot ko ay hindi na ako nakatulog
hanggang sa pagsapit ng bukang liwayway. Nakikiramdam at naghihintay ng
kapalaran. Nalaman na lamang naming na may tumatakas na bilanggo.
Sa isa pang probinsya, malaya akong nakakapamalengke
kasama ang national staff kung walang banta sa seguridad. Madalas kasi
nagtatakip ng mukha ang mga tao doon. Ginagaya ko rin siya at nagtatakip rin
ako ng mukha gamit ang kanilang turban. Para hindi kami mahalata ay naka-motor
lang kami.
Mabuti at pinapayagan n gaming security management ang
paggamit ng motor. Mas mapanganib kasi ang gumamit ng sasakyan dahil
maghihinala lalo na ang mga may kaugnayan sa rebeldeng grupo. Hindi ako pwedeng
magsalita ng malakas dahil mahalat na hindi ako tagaroon.
Mapanganib ang lugar dahil may insidente ng pagdukot at
pagpatay sa isang banyagang staff ng isang NGO sa panahong iyon.
Nagawa ko ring maglakbay sa liblib na lugar sa dalawang
probinsya. Para hindi halata na hindi ako tagaroon ay suot ko ang kanilang
damit. Hindi ako nagsasalit na naririnig ng publiko maliban sa mga meeting sa
komunidad na nakakaalam na sa trabaho namin.
Alam ko naman ang ang aming galaw ay alam na alam ng mga
grupo sa lugar. Alam din marahil ng mga grupo doon na wala kaming masamang
pakay bagkus ay para kanilang komunidad an gaming ginagawa. Ang dinarasal ko
lang lagi ay hindi kami gagawaan ng masama dahil pagtulong sa sibilyan ang
aming trabaho.
|
Ito ang Shrine na inialay ng mga mamamayan ng Mazar-e-sharif ng Afghanistan kay Ali, ang pinsan ng Propeta Muhammad, na isa sa pinakatanyag na lider noong unang panahon. |
Mula sa isang maskalap na karanasan sa India (basahin ang
buong detalye sa ibang kabanata sa ibaba), naranasan ko sa immigration sa Kabul
ang kumpiskahin ang aking temporary passport. Hindi na ako pumiglas at hinayaan
nila akong makapasok upang maasikaso ng opisina ang aking kaso. Hindi na kasi
pwedeng gamitin mo ang single-entry visa ko.
Ang masaklap ay may larawan ako na hawak-hawak ng
nagbabantay sa immigration police sa departure area. Nalaman ko dahil ang
kaibigan ko na mula Indonesia na nagtatrabaho sa isa ring NGO ay napagkamalan
na kami ay iisa. Inusisa siya kung siya ba ang nasa larawan. Mukha ko ang
nakalagay. Tinawagan nya ako at sinabi na sinasala ang pasahero at hinahanap
ako.
Ipinagbigay alam ko sa aming HR ang nasabing impormasyon. Pinuntahan ng HR ang
immigration at sinabi na hindi ako masamang tao, wala akong balak na tumakas at
inaasikaso ng opisina ang kaso ko. Galit na galit ang HR at pinatanggal ang
larawan ko. Mabuti at kilala ang HR sa pamahalaan. May nakilala rin akong
immigration police na nakahandang tumulong pero hindi ko na ipinaalam baka
maglala pa ang sitwasyon.
Pagkalipas ng anim na buwan, hindi pumayag ang katabing
bansa (Pakistan) na bigyan ako ng Visa (papasok ng Afghanistan) kung saan
nagkaroon ng application para sa aking Visa. Nawalan ng oras ang opisina dahil
huling araw na nang ibalita ng embahada ng Pakistan na hindi nila ako pwedeng
bigyan ng kaukulang papeles. Walang nagawa ang opisina kundi pabalikin ako ng
Pilipinas na agaran dahil matatapos na ang taning ng pamahalaan ng Afghanistan
na binigay sa akin upang manatili sa kanilang bansa.
Isang madamdaming pamamaalam ang nangyari sa oras ng
aking paglisan. Ang driver ay hindi na magawang magsalita. Ang tagaluto na
itinuring kong ama ay napaiyak sa masaklap na balita.
Hindi na ako nakabalik kahit na binalak ng opisina na
kunin ako dahil nag-apply na rin ako ng ibang NGO.
Bago pala makalabas ng Afghanistan ay sampung
checkpoints/check up ang kailangan pagdaanan mula sa bungad ng airport hanggang
sa makarating sa boarding area na gumugugol ng isang oras. Lahat ng
kasulok-sulukan ng katawan mo’t gamit ay inuusisang mabuti.
Oras ng Kagipitan |India|2012
Tulad ng marami, naakit ako sa ganda at himalang
bumabalot sa India. Sadyang hindi malilimutang sandali ang makita at makapa ko
ang Taj Mahal na sa aklat ko lang nababasa noong bata pa ako. Sinuyod ko ang
magaganda at makasaysayang lugar sa New Delhi.
India ang napili kong lugar para sa aking R&R dahil dalawang oras lang ang
flight mula Kabul at mura ang pamasahe. Sapat na ang allowance para sa flight,
pagkain at simpleng tulugan.
Kapalit naman ng kasiyahang hatid ng India ay ang matinding sindak nang mawala
ang aking passport, ATM, ID cards atbpa. Para akong pinagtakluban ng dalawang
nag-uumpugang bundok.
|
Para akong hinihigop ng karangyaan ng Taj Mahal habang papalapit ako papunta sa pinakamagandang building na ito sa buong mundo na sagisag ng walang kamatayang pagmamahalan. |
Kalalabas ko lang sa aking accommodation noon nang bumungad sa akin sa main
road ang magara, makulay at masayang isang Hindi festival. Nalinlang ako ng
palamuti, tunog at galaw ng mga mang-aawit, mananayaw at musika. Sumikip ang
tao at napalibutan ako ng mga batang nakikisaya na rin. Binagtas ko ang makapal
na tao at lumusot sa kabilang kanto upang pumunta sa isang tanyag open market.
Nang magbabayad na ako sa sinakyan kong motorsikad ay saka ko napagtanto na wala
ng laman ang aking mga bulsa. Para akong sinampal ng Tadhana at nanginig ang
buo kong katawan. Paano na ako? Walang passport, walang pera (maliban sa
natirang konting Rupees), walang ID, walang ATM.
Bumalik ako sa hotel at kinausap ang manager. Tutulong daw sila sa akin pero
alam kong walang kasiguruhan. Pumunta ako agad sa police station para
iparehistro ang kaso at kumuha ng police report. Ayaw ng police na itala ang
kaso na nadukot dahil magkakaroon pa ng mahabang imbestigasyon. Sinaad na lang
sa report na nawawala.
Pumunta ako agad sa Philippine Consulate Office sa New Delhi dala ang police
report. Hindi naman ako nabigo dahil mabilis ang tulong nila. Inabot lamang ng
dalawang oras at nabigyan na ako ng temporary passport. Nag-alok pa sila ng
matutulugan kung sakaling kailangan ko. Magaling ang ang kolsulado natin sa
India taliwas sa napapabalitang hindi inaasikaso ang ating kababayan sa ibang
bansa.
Nag-cash advance na rin ako sa office para may panggastos ako habang nasa
India. Kailangan ko rin kumuha ng papeles sa foreing affairs department ng
India at doon ko napag-alaman na ang pagnanakaw sa mga foereigners ay talamak.
Anim ang nakilala ko sa araw na iyon na ninakawan kasama ang kanilang passport.
Ang iba ay talagang inagaw sa lansangan habang ang iba ay ninakaw sa loob ng
tren nang malingat o makatulog.
Binigyan lamang ako ng 14 days para manatili sa India. Nag-apply na rin ako
agad ng Working Visa pabalik ng Kabul. Sa kasamaang palad, hindi agad
na-release ang visa. Humingi ko ng extension at binigyan naman ako ng huling 7
araw. Hindi pa rin lumabas ang visa ko at kailangan kong umalis ng India.
Nakakuha ako ng assurance na makabalik ng Afghanistan kahit hindi pa lumabas
ang aking papeles sa pamamagiting ng single use entry visa. Nakabalik naman ako
ng Afghanistan. Nang panahong kunin ko na ang aking Visa sa embahada ng
Afghanistan sa Delhi, kailangan akong lumipad para personal na makuha ang
dokumento.
Pagdating ng Delhi airport ay hinarang akong immigration. Hindi raw ako pwedeng
pumasok ng India maliban kung lalampas pa ng 2 buwan pagkatapos ng aking unang
bisita. Pinaliwanag ko sa kanila na hindi ko alam na may ganoong patakaran at
bago ako umalis ng India dati ay nagtanong pa ako sa immigration kung pwede ako
bumalik agad pag lumabas na ang papeles ko, na sinabing oo naman.
Nagkaroon ng mahabang usapin ang immigration authorities. Pagkalipas ng mahigit
isang oras ay dumating na ang immigration officer kasama ang dalawang pulis at
airline ground crew. Hindi raw ako pwedeng pumasok uli ng India (unless after 2
months). Pinilit nila akong sumakay sa eroplano pabalik ng Kabul. Dahil sarado na ang boarding gate, para
kaming naghahabulan sa loob ng airport para lang maabutan ang eroplano.
Nakakahiya na para akong criminal na may escort pa.
Pagsapit ng Kabul ay panibagong kalbaryo na naman. Hindi na pwedeng gamitin ang
aking single entry visa dahil nagamit na dati. Kinumpiska ang aking passport at
binigyan na lamang ng isang papel at iyon daw ang ipakita ko sa border police
at opisina.
Nagawaan naman ng paraan ng opisina pero hindi naging
madali.
Probinsyanong Dukha |Spain|2010
Pagkatapos ng una kong mission sa South Sudan, naimbitahan
ako ng Headquarters na pumunta sa Barcelona, Spain para sa aking debriefing at
medical check up.
Wow, ang ganda ng siyudad ng Barcelona. Ang mga buildings ay magagara na luma,
na salamin ng nakaraang kabihasnan. Sa Barcelona nagtatagpo ang kahapon at
kasalukuyan sa ngalan ng kabihasnan. Malinis, maraming tao at turista.
Ang problema, galing ako ng mainit na lugar ng South
Sudan at November ako nakarating ng Spain na umpisa ng taglamig. Wala rin sa
isip ko na malamig dahil excitement ang naghahari sa isip ko. Wala akong winter
clothes. Pinagpatong patong ko lang ang aking damit at dalawang jacket. Doble
ang medyas ko sa sandal na de tali. Malay ko ba kung ano ang daratnan ng isang
Probinsyanong Dukha. Hindi ako handa sa panahong iyon.
Hindi madaling maglakbay sa Europa. Kailangan magaling kang sumunod sa
instruction at mapa dahil walang sundo. Hirap din dahil ang mga ordinaryong tao
ay hindi nagsasalita ng English. Hindi naman ako marunong magsalita ng
Espanyol.
Ako lang mag-isa sa guest house na nasa 4th
floor ng isang commercial building. Sa kasawiang palad ay nasira raw ang heater
at hindi pa na-repair. Halos hindi ko mahawakan ang tubig sa lamig at para
akong mamamatay tuwing gabi kahit tatlong gabi lang ako. Tuwing matutulog ay
pinagpatong patong ko ang mga kumot at unan.
Hirap sumakay ng tren. Halos walang nagsasalita ng
English, puro Espanyol. Isang beses lang ako nakasakay at hindi na naulit.
Hindi ko kasi alam bumili ng ticket sa machine hahaha. Tinulungan lang ako ng
pulis minsan na hindi nagsasalita ng English. Ang mahalaga ay alam nya kung
saan ako bababa. Naglakad na lang ako pabalik ng aking tinutuluyan.
Pangalawang araw ko, papunta ako ng opisina para sa aking meeting. Nilalakad
lang dahil alanganing sumakay, medyo malapit lang kasi ang opisina. Sa
kalagitnaan ng siyudad habang naglalakad ay may isang matanda na nagtanong sa
akin. Pinakita ng matandang lalaki ang isang mapa at nawawala raw siya.
Nagpapatulong na hanapin ang isang lugar.
Likas na matulungin ang Probinsyanong Dukha. Hinanap
naming pareho sa mapa ang address na sabi niya. Habang kami ay abala ay may
tatlong lalaki na naka leather jacket ang lumapit bigla, may salamin at
ayos-pulis. Pinakita sa akin ng tumatayong leader ang isang laminated ID na
sila ay mga pulis at kailangan nilang maseguro na hindi ako nagdadala ng droga.
Mabilis ang kanilang galaw. Kinapkapan ako ng pasekreto habang ang dalawa ay
nakabantay sa aking likuran na malapitan. Nakadikit na sila sa akin. Hiningi
agad ang wallet ko. Sinuri kung may nakaipit na droga. May pera ako na Peso at
Euro. Nagtaka ako dahil kinuha nila ang 200 Euros na panggasto ko. Hindi sila
interesado sa Peso at ibang gamit. Mabilis silang naglakad at naglaho na sa
maraming tao.
Hindi na ako pumalag o sumigaw dahil sa tingin ko ay may nakatago sa kanilang
mga jacket at baka masaktan o kung ano pa ang maisipan nilang gawin.
Nagpasalamat ako na walang masamang nangyari sa akin at gagamitin kong aral ang
nangyari.
Pagkalipas ng ilang araw ay nabiyayaan nman ako ng bagong trabaho sa ibang NGO.
Larawan Kupas |Liberia|2013
Unang lagkay ko sa West Africa at wala pang kaso ng Ebola
noon. Naatasan akong pamunuan ang isang malakihang pag-aaral (research).
Maganda ang lugat at luntian. Halos malibot ko ang buong bansa sa loob ng apat
at kalahating buwan.
Kasama ko noon ang isa pang staff na dayo rin at may ibang trabahong ginagawa.
Tanghaling tapat noon, naglalakad kami sa beach na hindi kalayuan sa aming
guest house araw ng Sabado. Mga 100-metro lang din ang layo sa isang embassy at
may guard post pa mismo.
Mahangin at umambon pa. Malakas at malalaki ang alon. Habang naglalakad kami sa
beach ay napansin naming na madalang ang tao dahil siguro sa sama ng panahon.
Napansin namin na may apat katao na biglang sumulpot di kalayuan sa amin. Nang
mapansin naming ay unti-unti kaming bumalik papalapit sa guard post ng foreign
embassy. Lumapit sa amin ang apat na kalalakihan.
Nakipagkaibigan at nakipagkilala. Gusto ng isa
(tumatayong leader) na kunan ko raw siya ng picture kasama yung isang staff.
Naka-amoy ako ng di maganda. Ang ginawa ko ay dumistansya ako. Nangungusap ang
mata namin ng kasama ko. Kinunan ko naman ng picture ang estranghero.
Paalis na kami at simunod ang apat. Bumilis ang kanilang
mga hakbang. Nakiusap uli ang leader na kunan ko ng picture kasama ang kaibigan
ko. Alam ko na sa puntong iyon na mukhang may masamang mangyari. Sinabi ko na
nakunan ko na sila dati. Sabi nya ay kunan ko uli dahil kaibigan naman daw
sila.
Kinunan ko na lang sabay hakbang na ako para lumayo.
Inabutan ako ng kanilang leader at sinabi na maganda at saan ko raw nabili ang
aking scarf (Yasir Arafat style). Sabi ko sa local market din sa Liberia.
Sinunggaban nya bigla ang camera na noon ay nakatago na sa lalagyan at
nakasabit sa leeg ko. Nagpambuno kami. Kumilos ang kasama ko na tinulak kami
pareho para magkahiwalay.
Nabawi ko uli ang camera at tumakbo na ako. Natakot ako na baka sa dagat ako
mapunta ay mas lalong delikado. Nang makadistansya ako ng mga 20 meters ay
sumigaw na ako ng saklolo sa guard post pero hindi marining sa lakas ng hampas
ng alon sa dalampasigan.
Ginapos nila ang kasama ko ng dalawa sa kanila. Nagtanggal na ako ng tsinelas
at nagtatakbo na ako pabalik para tulungan sya. Nag signal sya sa akin na wag
na ako bumalik at tumakbo na lang ako. Nagdistansya pa rin ako at hinintay kung
ano ang gagawin ng apat. Kinuha nila ang phone at konting pera ng kasama ko at
kumaripas sila ng takbo papunta sa mga kabahayan sa tabi ng dagat.
Kailangan ko rin mag-ingat upang hindi makuha ang camera
dahil nandoon ang ebidensya ng mukha ng kanilang lider.
Ipinagbigay alam naming agad sa aming HR at agad naman dumating. Nakunan ko ng
larawan ang kanilang lider at iyon ang ginamit naming ebidensya sa pulis. Hindi
lumampas ng 24 oras ay nahuli na ang kanilang lider. Sinabi na lang ng kasama
ko na ibalik na lang ang kanyang phone.
Mabuti at payapa ang Liberia. Sa paglalakbay ko sa iba’t
ibang probinsya nito (county ang tawag nila) kasama ang isang staff at driver
ay madalas masiraan kami ng sasakyan sa tindi ng kalsada at maputik pa. Minsan
din kami naaabutan ng gabi at nagpapalipas na lang sa pinakamalapit na
matulugan.
Madalas rin kaming harangin ng mga nagbabantay sa
checkpoints sa pag-aakalang ako ay isang mangangalakal ng ginto at diyamante.
Sa Ngalan ng Ama |Pilipinas|2013-2014
Nang sumalanta ang pinakamatinding bagyo sa
kasaysayan ng makabagong mundo, ipinadala ako sa isla ng Samar. Kabilang ang
aking deployment sa Pilipinas sa pinakatangi kong trabaho. Wala ng tatamis pa
sa makapaglingkod sa sariling bayan. Subalit, kabilang din ang Super Typhoon
Haiyan Response sa pinakamahirap kong assignment.
Ako ang unang ginawang pinaka team leader ng walong staff
(apat na banyaga at tatlong Pinoy) na ipinadala sa Samar matapos
mapagdesisyunan na magkakaroon ng response sa nasabing lugar bagamat may mga
unang pinadala upang gawin ang rapid assessment.
Dalawang maliliit na aircraft ang nirentahan ng opisina
upang ihatid kami at mga gamit. Pagdating sa lugar ay wala kaming kakilala.
Listahan lamang ng mga tao at ang hotel na tutuluyan naming ang aming naging
guide.
Halos hindi mo alam ang unahin mong gawin sa nakikitang
pinsala at pangangailangan ng mga nasalanta. Umiiyak ang puso sa mga tagpong
nakikita.
Hindi naging madali ang buhay namin. Walang matinong
tulugan. Walang kuryente. Walang phone signal. Halos wala kaming balita kung
anong nangyayari sa labas ng Samar. Kumakayod kami gabi man o araw. Marami sa
aming ang nagkakasakit sa tindi ng pagod, gutom at kawalan ng sapat ng tulog at
pahinga.
Dahil sa kawalan ng magandang komunikasyon, lingid sa
aking kaalaman na nasa pagamutan ang aking ama. Alam ko dati pa na hindi maayos
ang lagay ni ama. Alam ko rin na ang aking pamilya ay nag-aabang ng balita
tungkol sa amin. Mahigit isang buwan kaming walang komunikasyon.
Higit akong kailangan ni ama at ng aking pamilya sa
panahon iyon lalo pa’t sagot ko ang gastusin ni ama. Pagkalipas ng mahigit
isang buwan, nagkataon na may nakarating na mensahe mula sa isa sa na dati kong
katrabaho (na nasa Tacloban) na hinahanap daw ako ng aking kapatid. Masamang
balita pala iyon tungkol sa akin ama. Nagkaroon ng operasyon sa paa si ama
dulot ng komplikasyon sa kanyang diabetes. Matanda na rin si ama sa gulang na
73. Ilang beses na siyang iginugupo ng sakit.
Halos isang taon din akong nanatili sa Eastern Visayas.
Pagkatapos ng Samar ay ay nagtrabaho rin ako sa Leyte.
Sa loob ng halos isang taon ay panay pangamba ang nadarama namin kapag may
dumarating na bagong bagyo. Nakakatakot na baka maulit muli ang sakuna na dala
ng Bagyong Yolanda.
Nakita ko kung anong tindi ng pasakit ang dinanas ng taga
Samar at Leyte ay siya naming tibay ng kanilang kapit. Muli silang tumayo upang
pandayin ang kanilang buhay at kabuhayan.
Habang sa gitna ng pagreponde sa mga sinalanta ni Yolanda ay may isa pang bagyo
na sumalanta noon, si Glenda bagama’t maliit ang pinsala ay dagdag pasanin na
rin sa amin at sa mga nasalanta.
Ipinatawag rin ako upang maging makasama sa Cholera
Response sa Alamada, North Cotabato. Walang humpay na trabaho araw-araw ang
ginawa naming kasama ang mga volunteers upang makisanib pwersa sa lokal na
pamahalaan at iba pang organisayon.
Alipin ng Takot |Liberia|2014-2015
Katatapos ko lang ng aking deployment sa Samar at Leyte
nang makatanggap ng email kung alin ang gusto kong bansa para sa Ebola
Response: Liberia o Sierra Leone. Natulala ako nang mabasa ko ang email.
Nag-isip ako habang binabalot ng takot ang buo kong
pagkatao. Bakit dalawa lang ang pinagpipilian, bulong ko sa sarili. Ang aking
takot ay bunsod na rin ng mga napapanood sa TV at nababasa sa online news kung
gaano katindi ang sakit na Ebola.
Paglipas ng apat ng araw na puno ng gambala ay
nagdesisyon na rin ako na makisali na rin sa matinding laban kontra sa hindi
nakikitang kalaban, ang Ebola.
Hati ang opinyon ng mga taong nakapaligid sa akin. May
mga sumusuporta at nagbibigay pugay. Mayroon
ding bumubulong na marami pang trabaho na pwedeng pasukin. Lahat sila ay may
katwiran.
Natagpuan ko na lamang ang sarili sa Liberia, kasama ang
ibang staff, mga NGOs, UN agencies, Pamahalaan, volunteers at mga komunidad na
apektado ng Ebola.
Hindi naging mahirap ang buhay ko at ng ibang nagtatrabaho sa Liberia. Hindi
pwedeng hawakan ang sinuman o mahawakan at pinapairal ang “no touch policy”. Sa
opisina pa lang ay apat na bases ang mandatory na pagkukuha ng temperature at
paghuhugas ng kamay. Bawal pumasok sa ibang bahay at bawal magpapasok ng ibang
tao. Maraming bawal, mahigpit ang protocol.
Nakadaupang palad ko rin ang ilan sa mga Ebola Survivors
at kanilang mga kaanak. Narinig ko na rin at nasaksihan ang nakahahabag nilang
kwento.
May mga gabing hindi ako dinadalaw ng antok. May mga gabing ako naman ang
dinadalaw ng bangungot. Ang ilan sa amin ay nagpapakita ng sintomas ng sakit
pero walang kaugnayan sa Ebola. Marahil ay epekto ito ng mataas na stress,
pagod at sitwasyon sa aming trabaho.
Tanda ko pa nang una kong maramdaman na nanghihina ako.
Para akong magkakasakit. Kung anu-anong gumagapang sa katawan ko. Marahil ay
epekto na rin ng agam-agam. Kung dapuan ako ng Ebola, paano na ang lahat sa
buhay ko? Kung anu-ano na ang pumapasok sa isipan ko habang nagpapahinga sa
gitna ng gabi at pikakikiramdaman ang sarili.
Habang hindi dinadalaw ng antok at sa tindi ng
sunod-sunod na masasamang panaginip, tumawag ako sa aking ina at sinabing ipagdasal
ako dahil mahirap ang aming sitwasyon. Gusto na ni ina na umuwi na lamang ako.
Gusto ko ring umuwi pero sumumpa ako sa aking tungkulin. Narinig ko na lamang
si ina na umiiyak at binigay na lamang sa kapatid ko ang cellphone.
Sa pagdaraan ng mga araw, natutunan ko na rin ang mabuhay
sa piling ng bansang naghihinagpis sa salanta ng nakamamatay na sakit. Hindi
ako dapat paghinaan ng loob. Marami akong matutulungan at maraming umaasa sa
akin, sa aking pagbabalik.
Sa araw na nilisan ko ang Liberia ay para akong nabunutan
ng tinik sa dibdib subalit may pangamba pa rin na paano kung magpakita ako ng
sintomas ng sakit? Bagama’t tatlong buwan lang subalit halos taon ang
binibilang sa tindi ng panganib at agam-agam.
Bumalik ako sa headquarters ng aming opisina sa England
upang magkaroon ng debriefing. Maraming natuwa nang malamang galing ako ng
Liberia. Naimbitahan sa meeting ng Executive Director at pinakilala’t pinasalamatan.
Nakakataba ng puso.
Kinailangan kong dumaan sa mandatory 21-day quarantine
period bago ako bumalik sa Pilipinas. Kung hindi ako dadaan ng quarantine sa
labas ng bansa ay tatlumpong araw ang gugugulin ko sa quarantine compound ng
isang ospital sa Manila.
Habang nasa England, may mga taong natatakot nang malaman
na galing ako sa bansang may Ebola. Masakit maranasan na maging biktima ng
discrimination. Habang nakaupo sa isang sulok ay tinanong ng isang babae kung
saan ako galing na bansa. Ayaw kong magsinungaling. Sinabi ko ang totoo.
Nabigla ako sa kanyang inasal pero naintindihan ko siya.
“Huwag kang umalis sa kinauupuan mo. Wag kang lumapit sa akin. Buntis ako!”
sabi ng babae. Para akong nakakahawang sakit na pinandirihan. Kinausap ko na
lang ng mahinahon na wag siyang matakot dahil hindi pa naman ako nagpapakita ng
sintomas. Kung may sintomas ako ay kusa akong tatawag sa hotline batay sa
panuntunan ng Public Health of England sa akin nang idaan ako sa Ebola
Screening.
May dalawa pa akong nakilala na nangamba nang malaban na
nagtrabaho ako sa Ebola. Pinaliwanag ko na lang sa kanila at pinanatag ang
kalooban nila na hindi ako nakakahawa at hindi ko naman sila hinahawakan.
Malaya silang lumayo sa akin.
Kahit sa sariling bayan, hindi pa ako nakakauwi ay
naramdaman ko na ang pangamba ng iba. May natatakot, mayroon ding ayaw ng
magkomento. Nabuo na rin sa isipan ko kung paano ko haharapin ang lahat.
Nabuhay ako sa piling ng Ebola, mas mabubuhay ako sa sariling bayan.
Sa airport pa lang sa London pabalik ng Pilipinas ay may
mga nakilala na akong mga kasabayang uuwi. Kapag tinatanong nila ay sinasabi
kong galing ako ng Oxford dahil totoo naman na nanatili ako ng mahigit tatlong
linggo. Ayaw ko na ring sabihin na galing ako sa bansang may Ebola baka
ipagtutulakan lang ako.
Pagdating sa NAIA ay dumaan ang lahat ng pasahero sa
isang screening ng DoH gamit ang isang questionnaire kasama ang thermo scanner
upang Makita kung sino ang may lagnat. Ako lang ang tanging pasahero na
pansamantalang hinarang upang magkaroong ng pagtatanong ang mga nagbabantay
para sa mga Pinoy na galing sa mga bansang Liberia, Sierra Leone at Guinea na
pinakamatinding may kaso ng Ebola.
Matapos ang ilang pagtatanong tungkol sa aking trabaho at matapos ko maipakita
ang aking certificate mula sa Public Health of England na nagpapatunay na wala
nga akong Ebola ay hinayaan na nila ako makalabas ng arrival area subalit
humingi sila ng kopya ng aking certificate.
Ang pinakaunang tao ng nakahawak sa akin sa Pilipinas
matapos ang aking mission sa Liberia as isang batang munti. Sadyang hindi ako
nakikipagkamay dahil iniiwasan ko na mabigla o matakot ang iba. Nang makita ako
ng bata (dati na nya akong kilala at anak ng kaibigan ko), nagmano siya sa akin
at yumakap.
Kahit lampas na ako sa mandatory quarantine ay may konting pag-alala pa rin sa
isip ko. Ano kaya ang iisipin ng magulang ng bata o nakakakilala sa akin.
Matibay ang paniniwala ko na wala akong dalang Ebola virus dahil hindi naman
ako nag-alaga ng may sakit na Ebola o humawak ng may sakit.
Ang kamusmusan ng bata ang nagbigay sa akin ng lakas ng
loob na makipagkamay na rin sa iba. Sa mata ng bata, ang mundo ay patas.
Bakit Ako Pa? |Sierra Leone|2015
Nasa kalagitnaan na ako ng aking bakasyon, nang
makatanggap uli ng sulat. May alok na deployment sa Sierra Leone. Napabuntong
hininga na lamang ako. Bakit ako pa? Akala ko ay natakasan ko na ang bangungot
ng Ebola.
Matapos ang paninimbang, pumayag na rin ako bagama’t
nagsabi ako dati ng mas gugustuhin ko na mapadpad sa iba pang humanitarian
response kaysa bumalik sa piling ng Ebola.
|
Ang Sierra Leone ay biniyayaan hindi lamang ng kagandahan ng paligid, kasama na rin ang mga likas yaman na mineral tulad ng diamond at ginto. |
Sa pagkakataong ito ay hindi na Ebola ang malaking
pagsubok, kundi ang uri ng trabaho. Kakayanin ko kaya? Sa totoo lang, kakaiba
ang trabaho sa Ebola Response. Hindi tulad ng ordinaryong response na kumbaga,
alam na naming ang timpla ng trabaho.
Sa Ebola, nag-iiba ang pamamaraan basi sa inog na rin ng pangyayari. Ang bagong
outbreak ng Ebola ay hindi nahuhulaan kung saan puputok bagama’t alam namin na
madalas nangyayari sa nasabing tatlong bansa.
Ang matindi pa sa naging assignment ko ay apat na field
offices ang kailangan kong suportahan base sa kanilang pangangailangan. Madalas
napupunta sa akin ang mahirap ng gawain lalo pa at kailangan mabilisan ang
adjustment ko.
Patuloy akong nangangarap at umaasang darating ang araw
na matatapos ko na rin ang aking tungkulin sa pakikipagdigma laban sa Ebola.
Dumating sa punto na sumuko na ang katawan ko at isipan
sa gitna ng trabaho. Hindi makatulog sa gabi. Pago dang katawan subalit hindi
inaantok. Pago dang isipan subalit dinadalaw ng kung anu anong bangungot.
Pagkaraan ng mahigit dalawang buwan ay kailangan kong
mag-R&R. Kailangan ko ng pahinga. Habang tinatapos ko ang huling bahagi ng
aking sanaysay ay nasa tabing dagat ako dito sa Sierra Leone para makapahinga.
Duyan ng Kamusmusan |Mindanao|2002-2010
Ang kaguluhan sa Mindanao ang nagtulak sa akin at
nagbigay ng daan upang maging isang humanitarian aid worker. Ang mga pamilyang
nagsilikas sa Maguindanao at Cotabato Province ang nagbigay sa akin ng
inspirasyon para mas lalo ko pang mamahalin ang trabahong ito.
Nasaksihan ko ang bagsik ng digmaan sa Mindanao. Namulat
ako na ang putok ng armas at pagkakawatak ng pamilya ay naging karaniwan na sa
araw-araw na nilikha ng Diyos.
Dati ay hindi ko maintindihan bakit may gulo. Bakit
marami ang lumilikas kasama na ang pamilya ko. Hindi ko maintindihan bakit
kailangang may karahasan. Nakinig ako sa mga karanasan ng marami. Nabasa ko na
rin sa kasaysayan ang iilang detalye. Nakita ko rin sa aking mga mata ang
magkaka-ugnay na pangyayari na tumahi sa kasaysayan ng marami sa amin, kanila
at sa ating lahat lalo na ang taga-Mindanao.
Isang taon bago pa ako magtapos sa aking unang kurso,
habang araw-araw kong naririnig ang balita ng kaguluhan na pinatindi ng unang All Out War sa Mindanao, nasabi ko sa sarili ko na kapag makapagtapos ako ay gusto kong maging
kabahagi ng pagbibigay tulong sa mga sinasalanta ng digmaan.
Hindi nagtagal ay nagkahugis ang pangitain ko. Nilisan ko
ang pagtuturo upang makasama sa isang NGO na nakabase sa Cotabato City na
tumutulong sa mga komunidad na apektado ng digmaan sa Mindanao noong 2002.
Ikalawang araw ng aking trabaho, gusto kong sumuko.
Kinausap ko ang aking line manager na mag-resign na lang ako, dahil mukhang
hindi ko kakayanin ang mga pagsubok. Sinabi nya na subukan ko muna ng isang
buwan. Ang panadaliang kontrata sa loob ng tatlong buwan ay humaba pa, hanggat
sa nakaya ko ng lunukin ang tamis at pait ng trabahong ito habang pinapanday pa
ako ng pagkakataon upang ihanda sa mas matitinding hamon.
Nasksihan ko rin ang bagsik ng ikalawang All Out War sa Mindanao noong 2003. Naranasan kong matulog kasama ang mga bakwit maihatid
lamang ang serbisyo. Hindi biro ang maranasang magulantang sa gitna ng gabi na
yumayanig halos ang lupa sa bawat bagsak ng kanyon.
Nagawa ko na ring umiyak sa gitna ng evacuation centers
sa tindi ng pagod, gutom, puyat at kinakaharap ng problema kasama ang mga
nagsilikas habang nakikita ang kanilang takot at pagdurusa. Ang mga patak ng
luha ay nagpatibay sa akin upang mahalin lalo ang trabaho at magkaroon ng
pusong may kalinga para sa mga nangangailangan.
Naranasan ko rin kung paano pagalitan ng mga may
katungkulan, mga local na lider at kung paano takutin habang ginagawa ko ang
king tungkulin. Naranasan ko na rin makasalamuha ang magkalabang puwersa habang
ginagampanan ang tungkulin sa mga sibilyan.
Naisip ko na rin na baka bangkay na akong hahakbangan sa
mga mapanganib na lugar sa Central Mindanao na pinapasok namin sa ngalan ng
paglilingkod.
Naranasan ko na rin ang hapdi ng pagiging matapat sa
tungkulin. Ang aking ate at kanyang pamilya ay hindi ko magawang tulungan gamit
ang relief items ng aming opisina dahil hindi naming nasasakop ang kanilang
lugar. Subalit, pilit ko silang inaabot gamit ang aking sariling pamamaraan.
Nagawa kong ilikas sila papunta sa ligtas na lugar subalit pumanaw naman ang
aking ate dulot ng komplikasyon sa panganganak.
Mahirap din sa kalooban na makita ang mga kapatid ng
aking ama at kanilang pamilya na lumilikas dahil nadadaanan ng gulo ang
kanilang bayan. Parang pinipiga ang aking dibdib sa mga eksenang nakakaharap
araw-araw. Puso rin ang ginamit ko para
mas magampanan ng mahusay ang trabaho.
Nakasama rin ako sa humanitarian response sa Quezon
Province noong 2005 nang sumalanta ang pinaghalong bagyo, baha at langslide sa
mga bayan ng Real, Infanta at Heneral Nakar. Hindi ko malilimutan nang sabihin
ng dating Mayor ng Heneral Nakar na ako ay ampong anak ng kanilang bayan.
Apat na malalaking opisina ang naging bahagi ng
pagpapanday sa akin bago ako lumabas ng Pilipinas noong 2010.
Agaw Eksena
Maraming katanungan ang bumabalot sa buhay ng isang
humanitarian aid worker. Marami ang nagtatanong kung anong estilo ng buhay
mayroon sila. Heto ay ilan lamang sa kalipunan ng mga karaniwang eksena sa
buhay namin.
1. Mabilisan ang trabaho. Hindi uso ang mabagal. Minsan, binibigyan lang
kami ng 48 oras upang mag-impake at ipadala sa isang emergency response.
2. Minsan inaabot kami ng ilang araw sa biyahe bago makarating sa
deployment country. Sa ilang araw na iyon ay pagod at puyat ang pangunahing
kalaban.
3. Maraming pagkakataon na matinding pag-uusisa ang kinakaharap sa
immigration maging sa sariling bansa o sa bansang pupuntahan. Minsan na akong
hindi pinasakay ng eroplano sa NAIA nang ideklara kong papunta ako ng
Afghanistan. Kompleto naman ako ng papeles pero hindi raw pwede maliban kung empleyado
ako ng United Nations.
4. May mga bansang harap harapan ang panghihingi ng pera ng immigration
personnel at airport staff. Minsan na ako nakipag-away sa airport ng isang
bansa dahil sa harap-harapang panghihingi ng pera at ayaw ibigay ang passport
ko. May tatlong bansa akong napuntahan na inaakalang ako ay negosyanteng Tsino
at gusto ako hingian ng pera.
5. Dalawang beses na akong naiwanan ng eroplano dahil sa delay ng unang
flights.
6. Ilang beses na rin akong matiyagang naghihintay ng matagal sa sundo sa
airport. Hindi ko alam kung nakalimutan o na-delay lang o sadyang kapabayaan.
May isang airport na bawal ang placard dahil sa banta sa seguridad. Kinikilala
lang ang mukha mo sa pamamagitan ng larawan at ibinibigay mong description.
Matagal kaming naghanapan ng sundo ko.
7. Madalas na pagdating mo sa pupuntahang bansa ay hinang hina ka na sa
pagod at puyat. Kung malayo ang agwat ng time zone ay mahirap ang adjustment sa
unang mga araw. Nagigising ka sa gabi at inaantok ka sa araw. Pagdating mo ay
sabak agad sa trabaho dahil sa tindi ng pangangailangan ng mga sinalanta ng
kalamidad.
8. Sa unang araw ay ipapakilala ka sa mga staff members. Bibigyan ka ng
induction o orientation. Pinaka priority ang security management. Nahihilo kang
magmemorya sa mga pangalan ng tao at lugar sa unang mga araw. Ang ginagawa ko,
nakikinig na muna ako, nagsusulat at hindi na muna iniisip ang mga masalimuot
na sitwasyon. Iniisip ko na matutunan ko rin at mapag-aralan ang mga bagay
bagay.
9. Madalas ay problema ang tinutuluyan lalo na kung ang lugar ay sinalanta
ng digmaan, bagyo, baha at lindol. Walang maayos na tulugan. Madalas ay tent
ang gamit. Tulad ng aming Yolanda Response, parang kulungan ng manok kung
turingan ang mga una naming tulugan. Hindi rin maasikaso mabuti ang pagkain.
10. Kung iba-ibang lahi kayo ay talagang kailangan mong maging flexible at
mahaba ang pasensya. Kailangan maunawaan natin na may kanya-kanya tayong
kaugalian, paniniwala, gusto at hindi gusto. Malimit na hindi mapagkakasunduan
ay ang pagkain. Ang iba ay ayaw kumain ng karne. May mga gusto ng baboy at
mayroon naman bawal. Ang iba ay gusto ng maanghang at ang iba ay ayaw. Kung may
pagkakataon, nagluluto ako ng sariling pagkain. Kung hindi naman pwede magluto
ay nagbibigay ako ng instruction sa tagaluto kung ano ang hindi ko pwedeng
kainin.
Maraming uri ng tao ang makakasalamuha mo. May sobrang
tahimik, may maingay, may mababait, may masusungit, may mga traydor, may
malasakit, may mapagkunwari, may masayahin, may mga matulungin at atbpa.
11. Kailangan na mahaba ang pasensya at hindi basta basta pumapatol sa init
ng ulo. Ilang beses na rin ako napaaway dahil sa ugali ng iba lalo na kung
pinapahiya ka na. Iniisip ko na lang na lahat ay may solusyon. Kailangan na
ikaw mismo ang naghahanap ng paraan sa magulong relasyon sa kasama. Kung
talagang labag na sa Code of Conduct ang ginagawa sa iyo ay may Staff Welfare
naman at HR na pwedeng pagsumbungan.
12. Kailangan alamin mo ang security guidelines and protocols kasama ang
Code of Conduct ng organisasyon dahil ang mga paglabag dito ay maaaring
magresulta sa pagkansela ng kontrata depende kung gaano katindi ang paglabag o
epekto nito.
13. May pagkakataon na mataas ang peligro lalo na sa seguridad
pangkaligtasan. Maraming pagkakataon na nagkukulong lang kami sa guest house.
May mga banta sa kaligtasan ng mga aid workers. May mga nadudukot, nasasabugan,
at biktima na mga karahasan at krimen.
14. May mga lugar na wala talagang signal ng mobile phone kaya ang pamilya
sa Pilipinas ay nangangamba kung di kami agad nakakatawag. Sa aming area sa
South Sudan, sa loob ng 12 months na pmamalagi ko ay hindi kami nagkaroon ng
phone signal. Kailangan pang lumuwas papunta sa sunod na state para
magkasignal.
15. May mga pagkakataon na nagkakahiwalay kayo ng inyo luggage. Maalala ko
na yung nakasama ko sa Liberia ay 2 weeks ang hinintay nya bago dumating ang
kanyang luggage.
16. Mahirap din ang malayo sa pamilya. May mga mahahalagang pangyayari sa
buhay ng mga mahal sa buhay na lagi kang wala. Kung may matinding problema sa
pamilya, madalas na apektado talaga kami.
17. Kung nagkataon na nagkasakit ka habang nasa deployment ay napakahirap ng
sitwasyon. Wala kang matawag na mahal sa buhay na aalalay sa iyo maliban sa mga
kasamahan sa trabaho. Kung nadadala ka sa ospital ay madalas ang mga kasama rin
sa trabaho ang dumadalaw sa iyo. Nang magkasakit ako sa South Sudan, umayaw ako
na ipasok sa pagamutan at pinilit kong magpalakas.
18. Isa pang pagsubok ay ang language. Madali lang makipagtalastasan sa mga
national staff pero madalas na mahirap makipag-ugnayan sa mga nasa komunidad o
ordinaryong tao lalo na kung wala kayong common language. Ang ginagawa ko ay
pinapag-aralan ko ang local language. Nagpapaturo ako sa national staff, sa
guards, sa cleaner at sa tagaluto. Matutuwa ka sa reaksyon ng mga tao kung
matutunan mong magsalita ng kanilang wika. Makatutulong din ito sa oras ng
kagipitan at pangangailangan.
19. Madalas na mahahaba ang oras ng trabaho. Kung nagkukwenta ka ng oras ay
malulugi ka lagi dahil mahigit walong oras madalas ang takbo ng trabaho bawat
araw. Hindi lang iyan, madalas din na walang weekend dahil kailangan magtrabaho
lalo na sa mga unang buwan ng emergency response.
Kailangan ay magaling kang magbalanse ng trabaho at
personal mong buhay. Habang tumatagal ay lalong gumagaan ang trabaho sa isang
emergency response kung walang panibagong pagsalanta ng kalamidad sa naturang
lugar.
20. Nakakapamalengke rin kami kung hindi ganoon ka-busy. Yun nga lang, halos
lahat ng pinapadalhan sa akin ay matitindi ang sitwasyon. Sa Liberia at Sierra
Leone, may kahirapan ang pamamalengke dahil sa epekto ng Ebola. Sa Sierra Leone
ay sarado na ang mga tindahan pagsapit ng Ala Sais ng gabi.
21. May mga libangan din kami. Ang iba ay may dalang mga laruan at playing
cards. Ako ay laging may dalang external drive at nandun ang mga Mp3 music
collections ko. May mga movies din ako na mahigit isang daan. May mga video
clips din akong dala na nakakatawa tulad ng Just for Laugh. Depende sa lugar at
sa organisasyon. Pinipilit na may Sattelite TV. Madalas hindi nagkakasundo sa
panonood. May gusto ng drama, mayroon ding news at ang iba ay panay sports.
News lagi ang pinapanood ko kasama ang CBS Reality at NatGeo Wild.
May mga party rin sa grupo ng mga staff depende sa
sitwasyon. Sa Afghanistan ay bawal ang malakas na music at malakas na tawanan
sa aming compound kaya maingat kami.
22. Kung ligtas ang lugar ay nakakapasyal din kami lalo na kung tinanggal na
ang pagtatrabaho sa weekend o kung hindi na ganoon ka-busy. May mga national
staff na nag-iimbita rin ng kanilang kasal. Kapag may R&R at hindi pwedeng
umuwi ng Pilipinas ay ginagamit iyon para makapamasyal at makapahinga sa
kalapit bansa.
23. Musta naman ang suweldo? Sapat na ang suweldo para mabayaran ang mga
utang hehehe. Salamat at nagkaroon ako ng ganitong trabaho at natutulungan ko
ang mga magulang ko’t mga kapatid.
24. Ang mga bansang narrating ko na dahil sa trabaho sa NGO ay South Sudan,
Kenya, Uganda, Liberia, Sierra Leone, Morocco, Spain, United Kingdom, Ghana,
Malaysia, Indonesia, Thailand, Pakistan, Afghanistan at India.
|
Kabilang sa hindi ko malilimutang karanasan ay ang mapunta sa Maasai Mara sa Kenya na tahanan ng mahigit dalawang milyong hayop. Isa itong natural reserve na protektado ng pamahalaan. |
Nakakatuwa | Nakakaaliw | Nakakakaba
Ikaw
Lamang. Naranasan ko na ang maging namumukod tangi
at nag-iisang pasahero ng airplane sa Afghanistan. Ako lang ang tanging
pasahero mula Kabul hanggang sa unang stop over sa Bamyan Province. Naging
magkaibigan tuloy kami ng pilotog si Chris. Napapangiti na lamang habang nagbibigay
ng safety information dahil one-on-one ang dating.
"
Tinolang
Manok. Nagkaroon ako ng 37 na alagang manok mula sa dalawang una kong binili sa
aming compound sa South Sudan. Ang aking mga manok ay may mga pangalan pero
hindi ko na kinayang pangalanan nang dumami na sila. Ang mga una kong manok ay
sina Mabior (ibig sabihin sa salitang Dinka ay lalaking puti), Nyayar (babaeng
puti) at Nyachol (babaeng itim). May apo si Nyayar na pilay dahil naipit sa box
na ginawang pugad at ang pangalan nya ay si Polio.
Nahirapan akong mag-alaga dahil araw-araw silang inaatake
ng mga agila hanggang sa natuto na silang magtago at lumaban. Sa mga alagang
manok ko natikman ng mga kasama ko mula sa ibang bansa ang Tinolang Manok.
Nagtanim na rin ako ng Malunggay at Tanglad. Ang Malunggay ay nakita ko sa isa
sa malalayong komunidad sa South Sudan samantala ang Tanglad ay galing pa ng
Uganda noong magbakasyon ako doon.
Nang huli kong kumustahin ang aking mga alaga pagkalipas
ng tatlong taon, ibinalita sa akin ng isang national staff na naubos na ang
manok dahil kinatay ng mga natirang staff sa compound. MMK tuloy ang tema ng
manok.
"
Pinoy
Ako Hindi Tsino. Hinarang at inimbestigahan pa ako ng border police sa Liberia noong 2013
habang gumagawa kami ng research. Akala nila ay isa akong Tsino na nangangalakal
ng diamond at ginto. Mayaman kasi ang bansa sa diamond at ginto at may mga
Chinese na nagmimina.
"
Jacky
Chan. Maraming pagkakataon na sa Africa ay tinatawag
akong Chinese. Ang mga tao sa East Asia at South East Asia ay Chinese na rin
kung turingan. Hirap silang kilalanin ang mga tao base sa kanilang bansa. Sikat
ang mga Chinese dahil sa kanilang produkto at marami na rin sa kanila ang may
kalakal sa Africa.
Kapag pinapahulaan ko sa kanila kung saang bansa ako
galing, kabilang sa mga popular choices ay China, Japan, Korea at Taiwan.
Salamat sa mga fans ni Mara at Clara, Yna at Angelo dahil sikat ang kanilang
teleserye sa East and West Africa at may nakakahula na Pilipinas ang bayan ko.
May mga pagkakataon na rin na Jacky Chan ang tawag nila
sa akin. May mga grupo ng tambay sa Liberia na tinanong ako, habang naglalakad
at papunta ng palengke, kung marunong ako ng Kung Fu dahil gusto nilang
masubukan ang aking Kung Fu. Kung sinabi kong marunong ako ay tiyak magkakabukol
ako. Isang araw, habang naglalakad sa Nairobi, Kenya biglang may sumigaw ng
Jacky Chan para matawag ang pansin ko.
"
Uganda
Maganda. Nakita ko na rin ang Nile River at ang Lake
Victoria sa Uganda kung saan galing ang tubig ng White Nile at kung saan inilubog
ang abo ni Mahatma Gandhi mismo sa parte kung saan nagtatagpo ang Victoria at
Nile.
Dinala ako ng dati naming kasama sa work sa kanilang
liblib na komunidad at tuwang-tuwa ang mga tao sa akin. Para akong artista
hehehe.
"
Bansag. Sa Liberia, ang madalas na sigaw ng mga bata kapag nakikita ako ay
“wame”, ibig sabihin ay “white man”. Sa Sierra Leone naman ay “oputho” na ibig
sabihin ay “puti”. Sa South Sudan ay Kawaja o Mabior (dayuhan o puti), sa Kenya
at Uganda ay “muzunggu” (dayuhan). Sa Pakistan naman ay “chine” (Chinese).
"
Linlang
ng Mata. Sa isa sa aking deployment area, may female
staff ang partner organisation namin na di ko alam na nakamasid lagi. Isang
araw ay pinadalhan ako ng mensahe sa Skype. Ang cute ko raw. Mabuti at hindi
nila nakita sina Piolo Pascual at Coco Martin. Ano na lang ang sasabihin nya
kung nakita nya ang dalawa.
"
Sunblock
o Eyeblock? Payo sa akin ng dermatologist ay
gumamit ako ng sun block na mataas ang SPF dahil lumalabas ang aking melasma
kapag anbibilad sa araw. Isang araw habang naglalakad sa lansangan ng Kampala
(Uganda). Namawis ako sa tindi ng init. Napunta sa mata ang pawis na nabahiran
ng sun block. Sa tindi ng hapdi ng aking mata ay di na ako makakita. Nagpatabi
ako. Mabuti may isang maliit na karinderia sa gilid. Humingi ako ng tubig at
tinanong ng babaeng bantay kung mainit o malamig. Sabi ko malamig at iyon ang
pinanghilamos ko. Simula noon ay hindi na ako kampante sa sun block.
"
Bombero! Isang gabi sa
South Sudan, ako ang unang natapos ng aming panggabing kain. Lumabas ako ng aming
kainan at nakita kong may liwanag sa labas ng bakod mga 100 meters ang layo at
nakita kong may dalawang lalakeng nagtatakbuhan. Yun pala ay kumalat ang
pagsunog nila ng damo.
Nagsisigaw ako sa aming compound para bigyang babala ang
mga kasama ko at ang dalawang guards. Pilit naming nilipat ang ilang drums ng
gasoline sa kabilang panig ng compound habang tumulong na rin ang aming guards
at local staff ng katabing opisina sa pagsugpo ng sunog. Simula noon ay mas
malawak na ang aming perimeter area para malayo sa sunog.
"
Anak
ng Lumpia! Dalawang beses na
tinapon ng aming cleaners (dalawang cleaners) ang pinatubo kong green mongo
para gawing tauge. Tinanong ko kung bakit nila tinapon. Sinabi nila na nasira
daw iyon at baka nalimutan ko lang. Nakakatuwa naman, hindi nila alam ang
Tauge. Simula noon, wala ng nagtatapon ng aking Tauge.
"
Walang
Pera. Naiwan ko na rin ang aking pitaka sa
Islamabad (Pakistan) sa airport habang pabalik ng Pilipinas para magbakasyon
noong 2011. Ang maganda ay naisauli ang pitaka kasama ang lahat ng laman after
1 week. May mga teorya sa pagkawala ng pitaka pero hindi ko na pinatulan. Ang
mahalaga ay naisauli na walang kulang. Pagdating ko ng NAIA ay walang-wala
akong pera dahil pati ATM ay nasa loob ng pitaka. Salamat sa bank kung saan ako
may account dahil mabilis ang tulong nila gamit ko lang ay passport para maka
withdraw ng pera sa account ko.
"
Money
Matters. Nanakawan na rin
ako ng 300 US Dollars sa isang hotel sa Pakistan nang malimutan kong kunin mula
sa aking bag na lalagyan ng damit ang aking pitaka. Pagbalik ko mula sa field
work ay nawawala na ang pera. Mahirap magbintang dahil walang ebidensya. Simula
noon ay natuto na ako magtago ng pera mula sa magnanakaw hehe.
"
Twin
Towers | Ang aking tangkad ay average na sa
Pilipinas. Kaya naman pala nagmumukha akong bata sa South Sudan ay dahil ang
tatangkad ng mga tao doon. Ang kapantay ko sa tangkad ay mga batang grade 3 lamang.
Ayon sa isang pag-aaral, ang average height ng Dinka (pangunahing tribu sa
South Sudan) ay 5’9” sa babae at 5’11” sa lalake. Lahat sila ay kwalipikado
maging ramp model hehehe.
"
Pilotong
Mabait | Dahil sa layo ng nilalakbay ko sa isang probinsya sa Afghanistan na
kailangan ko pang dumaan ng tatlong airports sakay ng maliit na aircraft. Nahilo
ako one time at tumaas ang acid level ko sa sikmura. Nakakahilo na rin dahil
magalaw ang eroplano lalo na’t malakas ang hangin.
Paglapag namin sa isang air strip para kumuha ng pasahero
ay nasusuka ako at kailangan kong gumamit ng palikuran dahil sumakit ang tiyan
ko. Dahil hirap pumasok sa airport at tiyak di ako papayagan ay sinamahan na
lang ako ng piloto. Walang palikuran sa maliit na aircraft dahil 15 lang
pwedeng magkasya. Muntik na akong di umabot ng kaselyas. Kundi ako umabot ng
kaselyas ay nakakahiya sa madlang pipol hehehe.
"
Makatikim Nga | Noong una akong
bumiyahe sa Europe, napansin kong maliban sa apple at orange juice na
sini-serve sa plane ay may tomato juice din. Gumana ang imahinasyon ko. Ano
kayang lasa? Matamis kaya o maasim? Tomato juice ang order ko. Nang tikman ko
ay nagbago na ang aking pagmumukha. Sobrang asim at lasang ketsup. Simula noon
ay di na ako kailan man nag-order ng tomato juice.
"
Ultimo
Adios | Habang nagbabakasyon pagkatapos na
matitinding trabaho sa Tacloban City (Typhoon Haiyan Response), masama ang
panahon. Labing limang minuto ang nakalipas paglipad ang sinasakyan ng aming
eroplano, sobrang nahintakutan kami dahil halos bumagsak ang eroplano sa tindi
ng hagupit ng hangin. Gumawa ako ng last text message at binuksan ang video ng
aking camera para kung sakaling babagsak ay may ebidensya at may huling eksena
na mapapanood hehehe.
"
Oh
My Gulay | Sa South Sudan ay umaabot ng anim na
buwan na walang ulan kaya walang sariwang gulay na mabibili. Pagkalipas ng
tagtuyot ay unti-unting tutubo na ang mga damo at pananim. Isang araw,
sinabihan ako ng guwardiya na may nakita siyang gulay sa isang maliit na
palengke. Inutusan kong bumili gamit ang bisikleta at pinaluto sa aming cook.
Halos dalawang oras niluto ang gulay. Ganoon daw katagal.
Nang kakain na kami ay halos masuka ako. Sobrang pait at parang suka ng kabayo
hahahaha. Gulay na iyon pero noong tingnan ko ang natirang dahon at tangkay ng
gulay ay damo na iyon sa Pilipinas. Natatawa sa akin ang mga kasamahan ko dahil
sabi ko na pabiro, hindi ako kuamakain ng damo hahaha.
"
Inang
Kalikasan | Sa South Sudan uli. May usaping
Climate Change. Tinanong ako ng logistician namin kung ano ang Climate Change.
Sabi ko, “you do not know? Climate Change is the change of the climate.” Natawa
silang lahat at nagtanong uli kung ano naman ang Global Warming. Mas lalo
silang natawa sa sagot ko. “Global warming is defined as the warming of the
global.”
"
May
Puso ang Pusa | Sa South Sudan, may isang wild cat na
dumadalaw sa amin tuwing gabi. Hindi malapitan dahil sobrang ilap. Binabato
lagi ng guwardiya. Sinabihan ko ang guwardiya na wag nyang itaboy dahil alaga
ko iyo pero sa totoo ay curious lang ako sa pusa. Ang ginawa ko ay iniipon ko
ang buto kapag may karne or isda maging gulay para ibigay sa pusa.
Noong una ay nilalagay ko sa daan nya malapit sa bakod.
Habang tumatagal ay nililipat ko palapit ng palapit sa gitna ng aming compound.
Hanggang sa nasanay ang pusa. Ginawa kong style din na pag oras na maglagay ako
ng pagkain ay tinatawag siya bilang “Miming.” Nasanay ang pusa hanggang sa
makilala na nya boses ko at pagmumukha ko.
Minsan nahahawakan ko ang buntot nya dahil lumalapit.
Nakalmot na rin ako minsan. Sa pagdaraan ng mga araw, hindi ko man siya
nahahawakan ay sinusundan nya ako at natutulog sa tabi ng aking kubo.
"
Batang
Bata Ka Pa | Sa isang field office sa Afghanistan,
matapos ang aking presentation tungkol sa trabaho sa harap ng mga managers,
sinabi ko kung mayroon silang katangun. Nagulat ako at natawa sa unang tanong.
“How old are you?” sabi ng isang manager. Mas lalo silang natawa nang sabihin
ko na “I am 50 years old”. Mukha raw akong bata. Mabuti mukhang bata at hindi
isip bata.
"
Nasaan
ang Hustisya? | Sa South Sudan ay minsan lang ako makakain ng prutas. Kung mayroon man
ay kundi sobrang mahal ay hindi na sariwa. One time, nagtanong ako kung magkano
ang saging (maski luma na). Nalula ako sa mahal. Naisip ko kung gaano kamura
ang saging sa Pilipinas. Ang pitong piraso ay singhalaga ng isang sakong saging
na sa atin. Napasubo ako sa aking pagtanong at kahit masakit sa kalooban ay
binili ko na lang hehe. Hindi sa hindi ko kayang bumili pero iniisip ko na
hindi makatarungan ang sobrang taas ng presyo.
Naulit uli sa Afghanistan. Hindi ako pinayagan makalabas
ng compound dahil sa seguridad. Nagpabili ako ng saging. Ilang piraso lang ang
nabili ng pinadala kong pera dahil mahal raw. Nang tingnan ko ang tatak ay
galing ng Pilipinas.
"
Ukay
Ukay | Sa Liberia, naparalisa ang trapiko dahil sa
national election at nabara ng isang rally ang buong capital city. Habang
naghahanda kaming lahat sa office compound (takipsilim na) ay na-alarma ang
iba. Yung mga nakatakong at nakabota ay mahirap daw ilakad lalo na at mainit.
Mabuti raw ako dahil komportable at Crocs sandal ang gamit ko. Hindi lang nila
alam na galing ng Baclaran at P150.00 lang bili ko.
Napansin ng isang manager sa Sierra Leone ang aking back
pack na Converse All Star. Maganda raw. Hindi niya alam na P100.00 lang bili ko
sa Ukayan sa Davao. Sadyang binili ko iyon para makayanan ang tindi ng Africa.
Minsan kailangan kong magdagdag ng damit sa deployment.
Sa South Sudan, hindi ko nagustuhan ang ibinibentang damit sa mga shops dahil
hindi kalidad at hindi ako nagagandahan sa tela at style. Saan ako nakahanap ng
komportable na magagamit ko araw araw sa field? Sa Ukayan na rin na nakasabit
sa pader at puno.
Maganda raw ang winter clothes na ginamit ko nitong 2015
sa UK. Hindi nila alam na sa Ukayan sa Liberia ko binili. Nakakatakot pumunta
ng UK na walang dalang winter clothes baka matulad ako sa isang kasama ko
galing Africa na kundi sya natulungan ng paparaan na matandang babae ay baka
nangisay na siya. Hindi nya magamit ang kanyang daliri sa pagbukas ng pintuang
may password dahil nanigas ang kanyang mga daliri.
Magaling ako sa ukayan dahil dati akong nagtitinda ng
ukay-ukay sa Bayan ng Upi, libre halukay, wag lang tangay hehehe!
"
Negosyante
Minsan | Ang mga gadgets ko tulad ng
cellphones, computers, camera pati na rin relo ay nabebenta sa mga kasamahan ko
sa mission. Hindi ko naman ipinagbibili pero sila na ang nakikiusap dahil
madali lang daw makabili sa Pilipinas. This time ay hindi na muna ako bumili ng
bagong personal na computer lalo pa’t ang isang kumuha ng gamit ko ay may utang
pa hehehe. Pero may humihirit dito sa Sierra Leone. Gustong bilhin ang aking
android phone. Baka magkakasundo kami hehehe.
"
Minsan
Obama, Minsan Gupit | South Sudan uli. Nagpagupit ako
minsan. Ang akala ko ay alam ng barber gupitan ang buhok na hindi naman kulot.
Sa kanila kasi ay kinakalbo ang gupit. Sabi ng barber ay alam niya at naniwala
naman ako. Ang labas ng gupit ko ay Obama Cut kung tawagin nila. Parang lampaso
lang naman.
Pagdating ko ng guest house ay tuwang tuwa ang kasama ko
na taga France. Pangit daw ng gupit ko. Nagpagupit din siya sa araw na iyon.
Pagbalik nya ng guest house ay ako naman ang bumawi ng malakas na halakhak at
nakasimangot na siya. Doon din siya nagpagupit sa naggupit sa akin. Pareho na
rin kaming pangit!
"
Ok
Fine! | Sa Casa Blanca, Morocco. Nagpalipas
ako ng gabi sa city dahil isang araw ang pagitan ng aking flights. Pagdating sa
hotel ay natulog muna ako dahil sa sobrang puyat. Pagsapit ng gabi ay pumunta
na ako ng restaurant ng hotel.
Fine Dining kuno ang tema. Hindi fine ang moment ko dahil
hindi ko alam ang putahe. Nakasulat lahat sa French at Arabic. Hindi masyado
magkapagsalit ng English ang waiter. Basta nag order na ako base sa menu. Pagsapit
ng order ay isang matabang na inihaw na isdang isang guhit ang dumating. Ang
laki pa ng kutsara at tinodor na halos magbabara na sa mukha ko hahahaha. Ayaw
ko ng fine dining, andaming sandatang nakalagay sa mesa.
"
Umuusok
na Printer| Sa South Sudan. Hindi uso ang
electricity dahil nasa masukal na kaparangan ang aming office. Bagong tayo an
gaming compound at wala pang kagamit-gamit kaya nakikisuyo kaming mag-konek sa
kabilang opisina. Isang araw, dinala naming ang aming printer para doon na
magprint. Sobrang gulat namin at natawa dahil umuusok na ang aming natatanging
maliit na printer. Hindi kinaya ang power ng generator. Pwede rin nab aka peke
ang nabiling printer J.
"
Lamang
Loob | Sunday sa Koinadugu District, Sierra Leone,
galing ng opisina, sa loob ng sasakyan at nagpapahatid sa driver papunta ng
guest house. Dumaan kami sa Roundabout (Roundball) na kasalukuyang ginagawa.
Sinabi ng driver sa akin: “This is the heart of the city.” Natawa siya sa
tanong ko: “If this is the heart of the city, where are the liver and the
lungs?”
"
Poreber
| Marami sa amin na sa trabahong ito nakita ang kanilang Forever.
Mayroong din sa trabahong ito galing ang pandilig para magkaroon ng
Forevermore. Subalit, mayroon dinsa trabahong ito nagwakas ang kanilang
Forever. Marami rin sa amin na naniniwalang hindi dito nakikita ang Forever.
Paninimbang
Gusto mo bang sundan ang mga yapak ng humanitarian
workers? Marahil ay napagtanto mo kung gaano kakulay at gaano kasalimuot ang
buhay namin. Minsan ay sanayan lang pero madalas ay lakas ng loob, ibayong
sikap, pagtitiis at pagmamahal sa trabaho ang puhunan. Minsan ay halakhak at
ligaya pero madalas ay luha, pawis at dugo ang kasangkapan sa trabahong ito.
--oOo--
Natapos ang
pagsusulat nito sa dalampasigan ng peninsula ng Freetown, Sierra Leone.
Saturday 20 June 2015 habang nakabakasyon sa trabaho.
--oOo--
Paunawa: Ang nakasulat dito ay personal kong karanasan at walang
kinalaman ang mga organisasyon kung saan ako nagtatrabaho sa personal kong mga
pananaw. Kung may kamalian man sa aking sinulat ay akin lang iyon. Kung may
maling pag-intindi dahil kinulang ako sa paliwanag ay hindi ko na po
pananagutan.